Pinoy MD Question of the Week: Ano ang solusyon sa paninilaw ng kuko dulot ng nail polish?
Kaisa ng layunin ng “Pinoy MD” na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account.
Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay Jelen Mercado ng Facebook:
Ano po ang solusyon para sa naninilaw o nasisira na kuko?
Sagot:
Hilig ng maraming kababaihan ang magpunta sa salon at magpa-manicure at pedicure ng mga kuko. Usong uso kasi ang iba’t ibang kulay ng nail polish na may iba’t iba pang disenyo gaya ng glitters at gel.
Pero isa ang paglalagay ng nail polish sa kuko sa pinakamadalas na dahilan kung bakit nasisira at naninilaw ang mga kuko.
Nail plate ang tawag sa tinutukoy nating kuko. Binubuo ito ng pito hanggang 12 porsyento na tubig, at 90 porsyento naman nito ang tinatawag na keratin protein.
Kapag madalas ma-expose sa malalakas na kemikal ang kuko, posible raw mamatay ang nail plate, ayon sa dermatologist na si Dr. Grace Beltran.
Dagdag ni Dr. Beltran, may tatlong nakasasamang kemikal na maaaring sangkap ng isang nail polish: ang toluene, formaldehyde at dibutyl phthalate acetyl.
Maaari raw na may mga ganitong sangkap ang mga nail polish na nabibili sa mga bangketa. Karaniwan kasing walang pangalan at hindi nakalagay ang mga kemikal na ginamit sa mga ito.
Kung hindi raw iiwasan ang paglalagay ng mga nail polish na may toxin, maaari raw itong maging dahilan ng mga sumusunod:
- Paninilaw o pag-iiba ng kulay ng nail plate
- Paglutong ng kuko
- Pagkasira ng kuko
- Pagkabiyak o pagkahati ng kuko
- Pag-iiba ng anyo ng kuko
Posibleng may masamang epekto rin ang mga kemikal na ito ‘di lamang sa mga kuko kundi pati na rin sa ibang bahagi ng ating katawan.
“Hindi lang sa skin, in fact it can cause neurotoxicity,” paliwanag ni Dr. Beltran, “Maapektuhan ang brain mo, spinal cord mo, central nervous system. It can cause lungs, kidney, liver and cardiac problems at saka respiratory problems.”
Sa mga mahilig maglagay ng nail polish, siguraduhing walang sangkap na toluene, formaldehyde, at dibutyl phthalate ang nail polish na inyong gagamitin.
“Mga water-based, solvent-free and natural pigments lang ang ginagamit. At saka yung pigments na ginagamit, dapat hindi dissolved, suspended lang. ‘Yun ang ideal,” dagdag ng dermatologist.
Ugaliing tanggalin ang nail polish pagkatapos ng pitong araw at pahingahin muna ang kuko. Kung mayroon pa ring sakit sa kuko na lumalala, mainam na ikonsulta na agad ito sa doktor.
Para sa natural na paraan ng pagpapaganda ng kuko, puwedeng gumamit ng avocado. Durugin lang ito at ipahid sa kamay. Gawin ito ng dalawang beses kada araw.
Puwede ring gumamit ng oatmeal bilang moisturizer. Sa kalahating tasa ng oatmeal, maglagay ng isang kutsarang olive oil. Haluin ito. Ibabad ang kuko ng dalawampung minuto at ulitin ng dalawang beses sa isang araw.
Sa loob ng apat na buwan, makikita ang resulta ng paggawa ng mga home remedy na ito.
Hindi masama ang magkaroon ng magaganda, malinis at fashionable na mga kuko. Ngunit dapat pag-ingatan din natin ang kalusugan ng mga ito, dahil sabi nga ng mga matatanda, ang sakit ng kalingkingan, sakit din ng buong katawan. — Rica Fernandez/CM, GMA News
Para sa inyong mga katanungan tungkol sa kalusugan, magpadala ng mensahe sa aming Facebook at Twitter account. Maaari itong sagutin ng mga Doktor ng Bayan sa telebisyon o sa pamamagitan ng "Pinoy MD" website.
Mapapanood ang "Pinoy MD" tuwing Sabado, 6 AM sa GMA-7.