Pinoy MD Question of the Week: Paano ginagamot ang luga?
Kaisa ng layunin ng Pinoy MD na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account.
Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay Greg Lomitao ng Facebook:
Saan po nakukuha ang luga o ear discharge? Ano po ang gamot dito?
Sagot:
Kung ang espesyalista sa tenga tulad ni Dr. Jose Roberto Claridad ang tatanungin, natural lang daw ang pagkakaroon ng tutuli sa ating tenga.
“Ang earwax o tutuli, this is a natural by-product. Ito ay talagang pino-produce o ginagawa sa loob ng tenga. So dito sa tenga natin, mayroon ‘yang mga glands na nagpo-produce ng tutuli,” ani Dr. Claridad.
Kapag naipon ang tutuli sa loob ng tenga, maaaring magkaroon ng impeksyon na siyang dahilan kung bakit nagkakaroon ng luga o ear discharge.
“Itong luga puwedeng manggaling ‘yan sa impeksyon doon sa loob ng tenga. Now, [the infection] involves ‘yung ear canal na tinatawag, o puwede ding ang involved na part ng tenga ay ‘yung middle ear na tinatawag,” dagdag niya.
Ilan sa mga sintomas para malaman kung may ear discharge ang pasyente:
1. May tumutulo sa tenga ng pasyente na kulay dilaw o berdeng likido.
2. Humihina ang kanyang pandinig.
3. Pagdurugo ng loob ng tenga.
Ilan pa sa maaaring dahilan nito ay ang pagpasok ng matigas na bagay sa tenga na nagiging dahilan ng pagkakasugat ng ear drum o ear canal. Mayroon ding tinatawag na “swimmer’s ear” o ang kondisyon kung saan napasukan ang tenga ng maduming tubig.
Kung minsan, nagkakaroon din ng ear discharge ang isang tao dahil sa matinding sipon o nasal allergies.
Pagdating sa kulay, malaki ang pagkakaiba ng tutuli at ng luga. Kulay brown na may halong dilaw ang tutuli, samantalang kulay dilaw hanggang sa pa-berde naman ang kulay ng luga. Maaari ring mangamoy ang luga lalo na kung hindi maagapang tanggalin ito sa tenga.
Dagdag pa ni Dr. Claridad, kailangan ng ibayong pag-i-ingat para hindi maimpeksyon ang tenga ng tao.
Linisin lang ang labas ng tenga gamit ang cotton buds. Kung lilinisin naman ang loob ng tenga, lagyan ng oil ang cotton buds at dahan-dahang linisin. Huwag piliting linisin ang pinakadulo nito.
Umiwas din na mapasukan ng tubig ang tenga kapag lumalangoy o naliligo. Gumamit ng swimming cap o kaya ng shower cap. Huwag ding magpapasok ng matitigas at matutulis na bagay sa tenga.
Paalala, mga Kapuso, huwag ipagwalang bahala ang mga senyales ng sakit. Mainam na magpakonsulta sa doktor dahil madalas, ang akala nating simple, maaaring dahilan na pala ng malalang karamdaman. —Rica Fernandez/CM, GMA News
Para sa inyong mga katanungan tungkol sa kalusugan, magpadala ng mensahe sa aming Facebook at Twitter account. Maaari itong sagutin ng mga Doktor ng Bayan sa telebisyon o sa pamamagitan ng "Pinoy MD" website.