Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pinoy MD Question of the Week: Ano ang gamot sa kuliti?


Kaisa ng layunin ng Pinoy MD na makapaghatid ng makabuluhang impormasyon tungkol sa kalusugan, linggu-linggong sasagot ang mga Doktor ng Bayan ng isang tanong na ipinadala sa aming Facebook at Twitter account.

Ang tanong ngayong linggo ay nagmula kay Michael Cedrick Pili:



Meron po akong kuliti sa mata. Ano po ba ang gagawin ko para mabilis na mawala ang aking kuliti? Thank you po.

Sagot:

Ang kuliti o sty ay madalas na nakikita sa paligid ng pilikmata. Isa raw ito sa mga pinakamadalas na impeksyon sa mata, lalu na sa mga bata.

Ayon kay Dr. Enrique Enriquez, mistulang pimple ang kuliti na nabubuo sa mismong pores ng pilikmata. Nakukuha rin ito dahil sa pagbabara ng oil glands.

“‘Yung pilikmata natin, merong pores doon in between the eyelashes. Nagbabara ito kapag merong infection.”

Kahit sino ay puwedeng magkaroon ng kuliti. Ilan sa mga sintomas ng sakit na ito ang pamamaga, pangangati, at pamumula ng mata.

Ayon kay Dr. Enriquez, kusang gumagaling ang kuliti. Ngunit kung dalawang linggo na at hindi pa rin gumagaling ang kuliti, kailangan nang kumonsulta sa isang opthalmologist o espesyalista sa mata.

Para hindi na lumala ang kuliti, huwag itong kamutin o kusutin. Sa halip, magbabad ng isang piraso ng tela sa maligamgam na tubig. Pigain ang tela, pagkatapos ay ipahid sa mata. Maaari itong gawin nang tatlong beses sa isang araw o kaya ay hayaan ang mainit na tela nang sampung minuto sa matang may kuliti. Malaki ang maitutulong nito para pumutok nang kusa ang kuliti at matuyo ito.

Paalala, mga Kapuso: Mas mabuti nang maging maagap pagdating sa kalusugan nang hindi na lumala ang anumang simpleng karamdaman. Importante na sa una pa lang, agapan na ang impeksyon at magpakonsulta sa espesyalista.