Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Malutong at malinamnam na Lechon, bida sa 'Pinas Sarap!'


 


Ngayong Huwebes, samahan si Kara David na alamin ang kuwento sa likod ng espesyal na handa tuwing may kasiyahan. May malutong itong balat at malinamnam ang laman, ang pagkaing pinaka-aabangan tuwing fiesta o may pagdiriwang--- Lechon!

Tuwing Hunyo, dinarayo ang bayan ng Balayan, Batangas dahil sa isang makulay at masarap na Fiesta, ang “Parada ng Lechon Festival!” Hindi bababa sa animnapung lechon ang ipinaparada sa bayan ng Balayan bilang pasasalamat na rin sa kanilang patron na si St. John the Baptist. Sasali si Kara sa Parada ng lechon at titikman rin niya ang kakaibang lechon dishes, ang Balut ala Pobre con Lechon at Bulanglang with Balanoy Lechon.



Kapag lechon ang pag-uusapan, isang lugar agad ang papasok sa isipan, ang La Loma, Quezon City na tinaguriang Lechon Capital of the Philippines. Araw-araw  kang makakakita rito ng hile-hilerang Lechon. Tuwing Disyembre, hindi bababa sa walong libong lechon ang naibebenta sa La Loma. Pero kilala niyo ba kung sino ang unang nagtinda ng lechon sa La Loma?



Ang lechon mas masarap daw kainin kapag may sarsa na karaniwang gawa sa atay o liver ng baboy. Pero ngayon, maraming lechon sauce na ang mapagpipilian gaya ng garlicky pumpkin, apple liver sauce at wansoy vinegar dipping sauce. 



Mayroon na ring ibang bersyon ng lechon bukod sa nakasanayan nating lechon na niluto sa uling, Sa isang restaurant sa quezon city, matitikman ang crispchon o deep fried lechon habang sa Pampanga naman ay best seller ang lechon sa hurno o oven cooked lechon. Kung nauumay ka na sa lechon, marami na ring lechon dishes na pagpipilian, gaya ng lechon sinigang at lechon dinuguan. Mayroon na ring lechon para sa mga vegetarian. Tuturuan si Kara magluto ng lechon kawali at lechon paksiw na gawa sa gluten o soya meat.

Tutok na at matakam ngayong Huwebes 10:15PM sa GMA News TV Channel 11 sa pinakamasarap na programa sa telebisyon, ang Pinas Sarap!