Mga mag-aaral na tumatawid ng dagat, tampok sa 'Motorcycle Diaries'
Araw-araw tumatawid sa dagat si Bonbon at ang ilan pang mag-aaral mula sa Sitio Nabayi, Ilo-ilo. Nasa kabilang isla pa kasi ang kanilang paaralan. Sinasamantala nila ang pagbaba ng tubig tuwing low tide para makatawid. Ibinabalot nila sa plastic ang kanil, ang uniporme habang itinataas naman nila ang kanilang mga bag para hindi mabasa. Halos isang kilometro din kasi ang kailangang nilang lakarin sa tubig na may tatlo hanggang limang talampakan ang lalim, depende sa oras. Bawat hakbang ay may nakaambang peligro. Maaari kasi silang madulas o kaya naman ay matapakan ang mga sea urchin. Nagmamadali rin silang makatawid bago pa muling tumaas ang tubig.
Kalbaryo din para sa mahinang katawan ng sitenta anyos na si Lola Indang ang araw-araw na pagtawid sa dagat para makapagtinda ng kakanin sa sentro ng barangay sa kabilang isla. Mahina kasi ang benta ng kakanin sa Sitio Nabayi kaya hirap man siya ay pinipilit niyang tumawid ng dagat. Minsan na nga raw siyang nadulas at lumubog sa tubig.
Sa tuwing magkakasakit ang labingwalong buwang sanggol ni Juna Mae, malaking hamon ang pagpapagamot sa anak. Wala kasing doktor at mga klinika sa isla. Kaya Mula sa Sitio Nabayi, tumatawid pa siya ng dagat buhat buhat si Matt-matt patungo sa kabilang isla. Sa tuwing naglalakad siya sa hanggang beywang na tubig, hindi nawawala ang pangamba niyang mahulog ang sanggol. Kaya nagmamadali man, doble ingat daw siya sa bawat hakbang niya.Nagdarasal din siya na huwag umulan at lumakas ang alon at hangin.
Sa kabila ng matinding pagsubok at kakulangan sa pangunahing serbisyo hindi natitinag ang katatagan at determinasyon ng mga residente ng Sitio Nabayi. Tunghayan ang kuwento ng buhay ng mga taga Sitio Nabayi ngayong Huwebes 10pm sa GMA News TV channel 11, sa New York Festivals World Bronze Medalist, ang Motorcycle Diaries!