Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Malubhang kondisyon na Muscular dystrophy, tampok sa 'Motorcycle Diaries'


Hindi makatayo, hindi makaupo, namamaluktot ,at buto’t balat ang pangangatawan.  Ganito ang kalunos lunos na kalagayan ng dose anyos na si Juanito at nuwebe anyos na si Angelo. Sanggol pa lamang ang magkapatid ng igupo ng malubhang karamdamang hindi pa natutukoy. Sa kalagayan ng mga bata, delikadong dapuan pa ang mga ito ng ibang sakit.

 


Sa kabila ng kanilang kondisyon, hindi sila iniiwan ng kanilang otsenta’y kuwatrong amang si Tatay Conchito. Siya na ang tumatayong ama at ina sa mga anak simula ng pumanaw ang kanyang asawa. Hiling ni Tatay Conchito sa Panginoon ang dagdag na lakas at taon sa kaniyang buhay para maalagaan pa ang kaniyang mga anak. Sa kalagayan ng mga bata, paano nga ba lalayo ang nag-aalalang ama?

 


Pero batid ni Tatay Conchito na nasa dapithapon na siya ng kaniyang buhay at ito ang bumabagabag sa kaniya. Sa kanyang pagyao, papaano na sina Juanito at Angelo? Sino ang mag-aaruga sa mga ito?

Sa isang espesyal na paglalakbay na puno ng pagsubok, sakripisyo at pagmamahal, samahan natin ang isang ama na hindi matatawaran ang pagkalinga sa mga anak hanggang sa dapithapon ng kanyang buhay ngayong Huwebes 10pm sa GMA News TV channel 11, sa New York Festivals World Bronze Medalist, ang Motorcycle Diaries!