Mga Bangon-Mangyan ng Oriental Mindoro, kilalanin sa 'Motorcycle Diaries'
Sa kabundukang bahagi ng Oriental Mindoro naninirahan ang katutubong Bangon-Mangyan na kilala dahil sa buwis buhay nilang paraan makapagbaba lamang ng kalakal sa kabayanan. Pinapaanod kasi nila sa rumaragasang ilog ang mga produktong kanilang ibababa sakay ng salbabida.
Para sa tribong Bangon-Mangyan, mas marami at mas mabilis maihahatid ang mga kalakal sa ganitong paraan kumpara sa pagbubuhat ng mga produkto nila pababa ng bundok. Pero kakambal naman nito ang peligro. Sa tuwing binabaybay ng mga Bangon-Mangyan ang ilog sakay ng salbabida, nakataya ang kanilang buhay. Anumang oras ay pwedeng tumaob ang salbabida dahil sa lakas ng agos. Maaari ring sumadsad sa mababatong bahagi ng ilog ang salbabidang inaasahan nilang magsasalba ng kanilang buhay.
Pero sa pagbisita ni Jay Taruc sa kanilang komunidad sa kabundukan, natuklasan niyang hindi nagtatapos ang kalbaryo ng Bangon-Mangyan sa rumaragasang ilog. Hindi rin pala sila naaabot ng serbisyong medikal dahil sa layo nila sa kabihasnan. Karamihan ng mga Bangon-Mangyan hindi napatitingnan sa mga doktor ang mga sakit na iniinda. Karaniwang ipinagdarasal na lamang nila ang kanilang karamdaman.
Samahan si Jay sa isang paglalakbay ng pagbangon ng mga katutubong Bangon-Mangyan ngayong Huwebes 10pm sa GMA News TV channel 11, sa New York Festivals World Bronze Medalist, ang Motorcycle Diaries!