Pagbubulaog ng niyog sa Quezon province, susubukan sa 'Motorcycle Diaries'
Sa kabundukang bahagi ng bayan ng General Nakar sa probinsiya ng Quezon, ilang kababayan natin ang may kakaibang paraan para maibaba sa pamilihan ang kanilang mga produktong niyog – ang pagbubulaog.
Pangunguha ng niyog ang pangunahing kabuhayan ng pamilya Recarro. Kasa-kasama ng mag-asawang Nick at Marinel ang kanilang anim na anak sa tuwing naghahalabas o nanunungkit ng hindi bababa sa dalawandaang niyog. Matapos ipunin ang mga nahalabas na niyog, kailangan naman nila itong ibaba sa bundok. Pero bukod sa malayo, madulas at matarik ang daan pababa ng bundok, hindi rin nila kayang mag-akyat panaog ng ilang beses para maihatid sa pamilihan ang daan-daang niyog. Aabutin kasi sila ng ilang araw para matapos ito.
Mabilis man ang paraang ito, kakambal naman ng pagbubulaog ang peligro. Sa tuwing tag-ulan, mas tumataas kasi ang tubig at mas lumalakas din ang agos. Pero ang mas pinangangambahan nilang panganib, ang mga ‘siligan’ o rapids sa mababatong bahagi ng ilog. Maaari kasing sumabit dito, at tuluyang masira ang balsang niyog. Pero higit sa sarili nilang kaligtasan, mas mahalaga para sa mag-asawa na maitawid nang maayos at kumpleto ang mga binulaog na niyog.
Para makatulong sa mag-asawa, dumidiskarte rin ang panganay na anak na si Jonathan. Naghuhurnal o nagbubuhat naman siya ng produkto o mga gamit paakyat at pababa ng bundok. Mabigat man ang isang sako ng bigas na karaniwan niyang binubuhat sa tuwing naghuhurnal, balewala raw ito kumpara sa bigat ng responsibilidad na nakaatang sa kanyang balikat -ang makatulong na maigapang ang pag-aaral ng limang kapatid hanggang sa makapagtapos ang mga ito.