Tribong T'boli at B'laan, kikilalanin sa 'Motorcycle Diaries'
Sa huling yugto ng ating paglalakbay sa General Santos City at sa probinsiya ng Sarangani, kikilalanin pa natin ang mga kapatid nating katutubo tutuklasin din natin ang makukulay nilang tradisyon at mayamang kasaysayan.
Kilala ang mga katutubong T’boli dahil sa makukulay na kasuotan at mayamang sining. Pero isa pa sa natatangi nilang tradisyon ay ang paglilibing sa mga yumaong sanggol. Matapos nilang ibalot sa puting tela ang pumanaw na bagong silang, isinasabit nila ang mga labi sa puno. Samahan si Jay Taruc tuntunin ang sagradong puno kung saan isinasabit ang labi ng mga yumaong sanggol.
Isang museo naman ang binisita ni Jay na nagtataguyod ng mga paniniwala at kultura ng mga katutubong B’laan. Dito nasaksihan niya ibat iba nilang tradisyon, mula sa pag-awit, pagsasayaw at pagluluto. Nakilala niya pa rito ang master weaver na si Fu. Sa kabila ng edad niyang otsenta’y sais anyos, mababakas pa rin ang husay niya sa paghabi ng tradisyunal nilang tela na mabal tabih. Tinagurian din siyang dream weaver dahil ang bawat disenyong kanyang likha, hango mula sa kaniyang panaginip.
Nakamamangha rin ang tradisyon ng mga B’laan ng pagkukulay ng itim sa kanilang ngipin. Para sa mga B’laan, simbolo ito ng kagandahan at kapangyarihan. Pero ang tradisyong ito, tila unti unti ng nalilimutan at tinatalikuran ng mga kabataang B’laan.
Kahanga-hanga naman ang B’laan na si Lola Delia. Sa edad niyang sisenta anyos, nagsusumikap pa rin siyang matutong magsulat at magbasa. Hindi niya ikinahihiyang tinuturuan siyang magsulat at magbasa ng siyam na taong gulang niyang apo na si Jake.
Kapit na nang mahigpit dahil huling yugto na ng pag-arangkada natin sa probinsya ng Gensan at Sarangani ngayong Huwebes 10pm sa GMA News TV 11 sa New York Festivals World Bronze Medalist, ang Motorcycle Diaries!