Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Bagong yugto ng 'The Atom Araullo Specials,' mapapanood na ngayong Linggo


 

 
Isang napapanahong paksa ang hatid ng The Atom Araullo Specials ngayong darating na Linggo, ilang araw bago natin gunitain ang Araw ng Mga Patay.

Apat na kwentong tumatalakay sa kamatayan ang ilalahad ng programa --- ang una rito, tungkol sa pagalala natin sa mga sumakabilambuhay.
Nagpunta si Atom sa isang public cemetery kung saan nakilala niya ang sepulturerong si Mang Pinoy. Sa dalawang dekada raw ni Mang Pinoy rito, batid niya kung sinong mga nakalibing ang hindi na nakakatikim ng dalaw. Masasaksihan siya ni Atom magbutas ng isang nitso alinsunod sa patakaran ng sementeryo tungkol sa mga hindi nakakabayad. Bukod sa mga kalansay, mga huling alaala na lang ng yumao gaya ng unan, damit at pustiso ang makukuha ni Mang Pinoy at ilalagay sa sako.

Mass grave naman ang huling hantungan ng mga kababayan nating namatay na walang kaanak na kumilala o hindi tinubos sa punerarya. Si Nanay Maria, tatlong anak ang magkakasunod na namatay noong 2014 hanggang 2016. Dalawa sa mga ito ang naipalibing niya nang maayos, pero dahil sa kakapusan sa pera, sa mass grave na lang niya ipinabaon sa lupa ang isa.

Mayroon namang mga Pilipino na pinipiling laging bitbit ang alaala ng kanilang mahal, gaya ni JB na nagpagawa ng mga kwintas na naglalaman ng abo ng bestfriend niyang si Earl. Ibinahagi ni JB ang mga kwintas na ito sa iba pang kaibigan ni Earl at syempre, sa mag-inang naulila ng bestfriend.
 
Totoo ang kasabihang hindi sa kamatayan natatapos ang lahat ng problema lalo na kung malaking gastusin ang maiiwan sa mga namatayan.

Namatay sa sakit na Dengue ang otso anyos na apo ni Lola Dorotea. At dahil siya ang tumatayong magulang nito, kargo niya ang gastusin sa burol at pagpapalibing ng bata. Pero dahil wala rin talagang pinagkakakitaan, nanghingi lang ataul para sa apo si Lola Dorotea. Paano kaya niya mapupunan ang iba pang pangangailangan?

Para naman sa mga may kaya, may mga Funeral Planner gaya ni Hazel na handang magasikaso ng lahat para sa mga pamilyang mas nais na lamang magdalamhati. Makakapanayam siya ni Atom at isa-isang nilang pag-uusapan ang mga bagay na dapat pagdesisyunan sa oras ng kamatayan.  

Sa patay rin kumikita ang tinaguriang Baranggay Ataul ng Pampanga. Papasyalan ni Atom ang isa sa mga pioneer na pabrika ng kabaong sa lugar na ito. Ayon sa may-ari, maraming klase ng ataul ang kaya nila gawin, kabilang na ang mga “customized” o pasadya para sa mga mapiling customer!
 
Ilalahad din sa The Atom Araullo Specials ang kwento ng walong buwang buntis na si Rowena, asawa ng isang OFW.  Kahit na hindi madali, hinarap ni Rowena ang matagal na biyahe mula probinsya patungong Maynila.  Sa airport tumungo si Rowena hindi para salubungin ang mister na may dala-dalang mga pasalubong. Kundi para sunduin at iuwi ang bangkay nito. Ano kayang tulong mula gobyerno ang maaring matanggap ng mga kagaya niya?
 
Kwento naman ni Mommy Luz ang laman ng huling kwento. Tatlong taon na ang nakalilipas nang pumanaw si Mommy Luz sanhi ng Breast Cancer. Pero bago siya bumigay sa sakit, nalabanan niya pa ito ng dalawamput limang taon mula nang mabigyan ng taning.

Dahil tanggap daw ni Mommy Luz  na nag-aabang lang sa kanyang pintuan si Kamatayan, maaga siyang naplano para sa kanyang burol. Ayon sa kanyang mga anak, si Mommy Luz ang mismong pumili ng suot niya sa kabaong, kulay ng bulaklak na i-di-display at musikang tutugtugin sa kanyang burol.

Kaysa sa biglaan, mas madali nga bang mag-move on kapag ang kamatayan ng minamahal ay matagal nang napaghandaan o pareho at kasingsakit lamang?
 
Mapapanood ang The Atom Araullo Specials: Final Destination ngayong Linggo, October 28, 4:30 ng hapon sa GMA!