Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Super Tekla, nagpapasaya sa kabila ng pangungulila


Si Tekla, ang bagong miyembro ng Wowowin family.

Pagbirit na ala-Celine Dion at pagpapatawa na bentang-benta, ‘yan ang ipinamalas ng komedyanteng si Tekla sa unang paglabas niya sa programang ‘Wowowin.’ Sa katunayan, ang video ng kaniyang unang guesting, mayroon nang lampas isang milyong views sa Youtube. Kaya naman sa kaniyang muling pagbabalik sa programa noong ika-23 ng Setyembre ay kinuha na siya ni Willie Revillame bilang bago nitong co-host.

Ngunit sa kabila ng talento niya sa pagpapasaya, isang parte pala ng pagkatao ng komedyante ang nagpapaluha pa rin sa kaniya. Dahil si Super Tekla, pamilyado pala at ang kaniyang unica hija, tatlong taon na niyang hindi nakakasama.

Si Tekla bago naging Super Tekla

Tubong Pigkawayan, North Cotabato ang 34 na taong gulang na si Tekla o Romeo Librada. Lumaki sa paligid ng tribo ng mga Manobo at namulat siya sa buhay ng mga magsasaka na siyang trabaho naman ng kaniyang ama.

Dahil walo silang magkakapatid, bata pa lamang daw nang matutunan niyang tustusan ang sariling pag-aaral. Namasukan siya bilang taga-linis sa bahay ng ilan sa kaniyang mga guro at nagtitinda ng kanilang mga pananim sa bukid.

“Ang pag-aaral ko sa amin, self-supporting. Nahihiya akong iasa yung needs ko, kung kaya ko naman gawin. Mahihirapan ka sa buhay kung tamad ka, pero kung madiskarte ka, once kumalam ‘yung sikmura mo, million ang ideas para mabuhay,” pagbabahagi ni Tekla.

Sa kabila ng simple at komportableng buhay niya sa kabundukan, lumaki ang komedyante na ang tanging pangarap ay ang makarating sa kamaynilaan. Hindi pa man niya nararating ang pangarap na lugar, langit na raw ang tingin niya rito.

Nang makarating sa Maynila, ang sabik at saya na kaniyang naramdaman ay napalitan din ng pagsisisi. Mahirap daw pala ang makipagsapalaran, lalo na sa tulad niyang sanay sa bukid at walang mapupuntahang kakilala. Ang dating langit na tingin niya sa Maynila, tila pansamantalang naging impyerno.

Pero ang paghihirap na kaniyang pinagdaanan, mas nakadagdag pa raw sa pagnanais niyang magsikap. Muli niyang pinasok ang iba’t ibang trabaho hanggang pumatok ang pagbabahay-bahay niya bilang manikurista. 

Pagkabuhay ng Tekla na komedyante

Upang mapawi ang kaniyang lungkot at malibang kapag wala siyang ginagawa, napadalas ang pagtambay ni Tekla sa mga mall upang mag-videoke. Noon pa man ay batid na niyang may ibubuga ang kaniyang mala-Celine Dion at Whitney Houston na boses pero hindi niya alam na may talent rin siya sa pagpapatawa.

Sa likod pala nang mabebentang punchlines ni Tekla ay isang mabigat na pinagdaraanan.

“Kasi itsura ko para akong laman ng CCTV, ‘yung parang construction worker na lalaking-lalaki ang dating tapos kakanta ng pambabae, ganun. ‘Yung boses ko talaga pambabae ang timbre.. So aliw na aliw ‘yung mga nanonood,” kuwento nito.

Sa pagkanta-kanta niyang ito, doon na pala siya madidiskubre ng dalawang bading na itinuturing niyang fairy godmother. Matapos siyang mapanood ng mga ito ay isinama na siya sa mga pinupuntahang bar upang magsilbing singer. Doon na raw siya nagsimulang makilala hanggang maging stand-up comedian.

Hindi raw akalain ni Tekla na kaya pala niyang magpatawa ng maraming tao, dahil sa totoong buhay, seryoso, tahimik at madali pa nga raw siyang mapikon. Pero sa tuwing tumatapak siya sa entablado tila nagbabago ang kaniyang pagkatao.

Dagdag pa nito, “Once na komedyante ka na, pagtungtong mo sa entablado, ewan ko, parang may magic talaga siya. For me, ‘pag nasa stage ako, may spark kaagad, boom!”

Ang kaniyang talento sa pagpapatawa at pagkanta ang naging daan upang maikot niya ang Europa, Asya at Australia.


Pusong lalaki pa rin

Ang isang malaking ‘wow’ factor nga raw ni Tekla ay ang magulo niyang disposisyon pagdating sa pakikipagrelasyon. Proud na proud daw siya sa pagiging bading pero nananatiling babae pa rin ang itinitibok ng kaniyang puso. Biruin n’yong kahit minsan ay hindi nagkaroon ng karelasyong lalaki si Tekla.

Paglilinaw niya, “Belong din ako sa LGBT, I'm proud to be gay pero deep inside, ‘yung puso ko at damdamin ko, sa girl talaga ako. May mga naging girlfriend ako mula pa noong high school.”

Sa katunayan, isang babae na nga ang bumihag sa kaniyang puso. Nagkakilala sila ng napangasawang si Ayrin habang nagpapaload ito sa tindahan kung saan nakatambay si Tekla.

Nakasuot pa raw siya noon ng maiksing short at balot ng makeup ang mukha dahil kagagaling lamang niya sa isang show. Nang marinig niya kung ano ang pinapaload ng dalaga, ‘di raw niya napigilang asarin ito.

“Nung nakita ko siyang nagpa-load, kinuha ko ‘yung number niya, tapos inasar ko siya. Sabi ko, ‘Woah! All text 20 lang load niya!’ So ayun, pina-load-an ko siya ng regular 100,” natatawang saad nito.

Sa loob raw ng limang taon nilang pagsasama ay halos walang katapusan ang kanilang saya. Sakto pang dumating ang kanilang unica hija na si Aira. Ngunit ang galak sa pagdating ni Aira, tila naging kapalit ng masaya nilang pagsasama.

Unti-unti na raw kasing nawalan ng ‘spark’ ang relasyon nilang mag-asawa hanggang tuluyan nang mag-desisyon si Ayrin na mangibang-bansa. Bagay na mariing tinutulan ni Tekla dahil ayaw niyang maranasan ng anak ang magkaroon ng broken family tulad niya.

Hindi na napigilan ni Tekla ang maging emosyonal nang ibahagi niya ang kanilang pinagdaanan, “Noong umalis siya, dumating ako sa puntong hindi na ako umuuwi ng bahay. Nawalan ako ng gana sa trabaho ko. Natuto akong manigarilyo, uminom, magdroga, sugal, lahat.”

Nang mga panahong ito, dinala na ni Ayrin ang anak sa Bacolod bago ito lumipad pa-Jedah. Lalo raw nawalan ng gana sa kaniyang buhay si Tekla. Ang lahat ng perang kaniyang naipon, nagsimulang maubos sa bisyo. Maging ang ilang mga trabahong tinatanggap niya, hindi na rin niya sinisipot. At ang anak na si Aira, tuluyan nang nawalay sa kaniya.

Muling pagbangon ni Super Tekla

Tatlong taon na ang lumipas pero sa araw-araw daw ay hindi pa rin niya mapigilang maisip ang pamilyang nasira at ang anak na hindi na nakikita. Sa limang taon kasi na nasa piling niya si Aira, batid raw niyang daddy’s girl ito. Kaya naman ang mga yakap, halik at paglalambing nito ang pinaka-nami-miss niya.

“Ilang birthday na ni Aira ang hindi ako nakarating, isa ‘yan sa nagpapasikip sa dibdib ko. Ayaw kong isumbat sa akin ng anak ko ‘yan. Hindi man kami magkabalikan ni Ayrin, at least, maging ama ako sa kaniya,” naluluhang pahayag nito.

Bihira lamang umano ang nabibigyan ng pagkakataong muling bumangon kaya naman ang mga co-hosts ni Tekla, masayang-masaya para sa kaniya.

Kaya naman ang pagkakataong bumangon na ibinigay sa kaniya ng ‘Wowowin,’ hinding-hindi na raw niya sasayangin. Isa raw itong senyales mula sa langit na sa kabila ng lahat ng nangyari ay binibigyan pa siya ng pagkakataong mabawi ang mga nawala sa kaniya, kabilang ang mga panahong kasama dapat niya si Aira.

“Binigay siguro sa akin ang second chance na 'to kasi para sa anak ko. Wake up call, kumbaga, kinalabit siguro ako ng Diyos na naging bulag ako, nandoon na lahat pero hindi ko siya pinahalagahan. So itong second chance na 'to, ito na yung chance para ma-appreciate ko lahat ng mga blessings at mailagay ko sa maayos, gamitin sa maayos.”

Pinatunayan ni Tekla na ang bagong bansag sa kaniyang ‘Super Tekla’ ay malapit sa kaniyang tunay na pagkatao. Dahil ang magpasaya ng libo-libong tao sa kabila ng sakit na kaniyang pinagdaraanan ay isang katangiang pang-superhero. 
---Sarah Jean Sarte/BMS, GMA Public Affairs