Si Makata at ang kaniyang mga tula
Mahigit isang libong papel puno ng kuwento tungkol sa buhay, pag-ibig, pamilya, paniniwala at aspirasyon.
Ang kayamanan ng isang makatang nasa dapithapon ng kaniyang buhay ay nakasulat sa mahigit isang libong papel-- kayamanang nilikha sa loob ng maraming dekada at nais niyang ipamana sa iba.
Si Lolo Jaime Arzanique, 79 anyos, ay isang tradisyunal na makatang patuloy na bumubuhay sa sining ng paglikha ng tula sa bansa. Isa siyang albularyo na kilalang mahusay na manggagamot ngunit higit na mas nakilala sa kanilang lugar dahil sa angking husay sa paglikha ng tula at pagiging makata.
Bagaman may katandaan na, hindi pa rin siya tumitigil sa pagsusulat tungkol sa iba’t iba niyang kuwentong hango sa totong karanasan at mga paniniwala ukol sa mga isyung panlipunan.
Si Jaime at ang kaniyang talento
Sa kaniyang murang edad, nagsimulang matuto si Jaime magsulat ng mga tula.
“Basta makakita ako ng ballpen at papel, susulat ako,” aniya.
Nasa ikatlong baitang siya noon nang patigilin siya ng kaniyang mga magulang na pumasok sa eskuwela. Ngunit hindi ito naging hadlang para ipagpatuloy ang kaniyang unang pag-ibig—ang sumulat.
Ang talento ni Lolo Jaime sa paglikha ng mga tula, itinuturing niyang isang biyaya. Isang biyaya na bigla na lang dumating. Hindi inaasahan. Hindi hiningi.
Si Jaime at ang kaniyang pag-ibig
Dahil sa likas na hilig sa pagsusulat na sinabayan pa ng pag-usbong ng penpal noong kaniyang kapanahunan, maraming babae ang dumating sa buhay ni Lolo Jaime.
Sa kaniyang bilang, 29 babae ang kaniyang nakapalitan ng sulat. Gamit ang ilaw na perok-perok, buong magdamag siyang nagsusulat.
Ngunit ang kaniyang puso, sa isang babae lang daw talaga tumibok. Una niyang nakita sa tabing dagat, mula noon ay pinangarap na niyang mapangasawa—si Victoria. Lumipas ang panahon at ang kaniyang pangarap ay naging totoo na. Nagmahalan. Naging mag-asawa. Hanggang sa pinagkalooban ng labing-isang supling.
Ang sining ni Lolo Jaime mas naging mayaman at masaya nang makapiling ang asawa. Puro kuwento ng pag-ibig ang isinulat niya. Ngunit sa pagpanaw nito kamakailan dahil sa sakit na diabetes, ang dating sining tungkol sa pag-ibig, napalitan ng hinagpis, pangungulila at kalungkutan.
Si Jaime at ang kaniyang nasyonalismo
Ang mga tula ni Lolo Jaime sa kasalukuyan ay kadalasan nang nakasentro sa pag-ibig sa bayan.
Ito raw ang pangunahing mensahe na nais niyang ihatid sa mga kabataan. Sa kabila ng modernong panahon—kung kailan ang atensyon ng mga tao ay nasa teknolohiya—positibo si Lolo Jaime na ang kaniyang mga ideolohiya ay mabibigyan-pansin pa rin at mapagninilayan.
Ayon sa kaniya, may pagkakapareho raw sila ng Pambansang Bayani na si Jose Rizal. “Makata si Rizal, makata rin ako. Manggagamot si Rizal, manggagamot din ako.” Pero ang higit nilang pagkakapareho ay ang kanilang pag-ibig para sa bayan at mga Pilipino.
Malinaw ang kaniyang mensahe sa kabataan—mahalin ang bayan, manalig sa Diyos at umiwas sa mga makamundong bagay tulad ng droga at kaguluhan.
Matanda na si Lolo Jaime pero patuloy siyang nagsusulat. Hindi para sa sarili kundi para sa kapwa at bayang sinilangan. Tradisyunal man ang kaniyang pamamaraan, nanalig siya na ang kaniyang boses ay mapakinggan.
Ang buhay ng makata ay maaaring magtapos ngunit ang kaniyang ambag sa sining kailanman ay hindi malalaos. Sa tulong ng mga modernong makata na may kaparehong layon, ang kaniyang mga kuwento, habilin at aspirasyon ay hindi habambuhay makukulong sa mahigit isang libong papel. —Jules Garcia/ BMS, GMA Public Affairs
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.