Hidilyn Diaz: Pinay Olympic Champion
Gaano nga ba kabigat ang manalo ng isang Olympic silver medal?
Para kay Hidilyn Diaz na nanalo ng pilak sa women’s division ng weightlifting sa kasalukuyang ginaganap na Rio Olympics 2016, higit pa ito sa 53-kilo ng weights na kaniyang binuhat para sa kompetisyon.
Nitong nakaraang linggo, ginulat ni Hidilyn hindi lang ang mga Pilipino, kundi pati na rin ang buong mundo nang buhatin niya ang pangalan ng ating bansa at muling ibalik ang Pilipinas sa mapa sa larangan ng sports.
Mahigit 20 taon na rin kasi nang huling makatikim ng medalya ang mga Pilipino sa Olympic Games. Ito ay nang makuha ni Mansueto “Onyok” Velasco ang silver medal sa larangan ng boxing sa 1996 Atlanta Olympics.
Pagsusumikap para sa tagumpay
Taong 2009 nang unang itampok ng programang “Kapuso Mo, Jessica Soho” si Hidilyn para sa kuwento tungkol sa mga babaeng weightlifter. Disi-osto anyos pa lamang siya noon at halos nagsisimula pa lamang siya noon bilang atleta.
Naabutan pa ng programa si Hidilyn na nag-iigib ng tubig nang sadyain siya sa kanilang tahanan sa Mampang, Zamboanga. Sino na nga bang mag-aakala na matapos ang pitong taon, siya na pala ang papawi sa pagka-uhaw ng ating bansa sa Olympic medal?
Sa lumang gym sa Zamboanga unang bumuo ng mga pangarap si Hidilyn, hanggang sa mabigyan siya ng pagkakataon na makasali sa iba’t ibang international competitions.
Nagsimulang gumawa ng pangalan si Hidilyn nang una siyang sumabak sa weightlifting event ng 2006 Asian Games. Bagama’t hindi nakasungkit ng medalya, umabot naman siya sa 10th place sa 53 kg-weight class.
Sa tulong naman ng kaniyang pagtitiyaga, naiuwi ni Hidilyn ang bronze medal sa 2007 Southeast Asian Games o SEA Games.
Olympic Dream
Hindi ngayong taon ang unang beses na sumabak si Hidilyn sa Summer Olympics. Sinubukan na rin niyang makipagtunggali noong 2008 sa Beijing at noong 2012 sa London.
Pero nabigo siya.
Kaya para sa 2016 Rio Olympics, naging puspusan daw ang kaniyang pag-eensayo. Anim na oras sa kada araw kung siya’y mag-training. Dinisiplina na rin niya ang sarili sa pagkain ng mga paborito niyang pizza, fast food at junk food!
Isang buwan din nagsanay si Hidilyn sa isang training camp sa China.
“Madami kasing aspects ‘yung performance ni Hidilyn. Merong strength, speed training, power training, psychological or mental training. Nag-undergo din siya ng diet, nutrition. Hindi lang iisang aspect ‘yung focus namin, like ‘yung pagbubuhat niya mismo,” sabi ng coach niyang si Jay Sutalan.
Nito ngang August 7, nagbunga ang lahat ng pagsisikap ni Hidilyn nang ihayang siyang nakatanggap ng silver medal sa 53-kg weightlifting division.
Pero hindi naging madali ang kaniyang laban. Naging mahigpit ang kompetisyon sa clean and jerk position sa pagitan niya at sa pambato ng South Korea na si Jin Hee Yoon.
Ang total score ni Hidilyn --- 200 kg. At ang kay Jin Hee Yoon naman --- 199 kg!
“Masaya ako, kasi siyempre I’m representing our country sa ibang bansa. Masaya na ako du’n. Tapos nagdala pa ako ng pilak para sa Pilipinas, so mas masaya. Na-feel ko talaga presence ni God. ‘Pag gising ko pa lang, sabi ko, ‘Wow! Nasa kondisyon ako.’ Alam mo ‘yung parang lutang ka with blessings, ganun,” paglalarawan ni Hidilyn.
Para sa pamilya at para sa bayan
Sa pagkapanalo ni Hidilyn sa Olympics, nagdiwang ang buong bansa, lalong-lalo na ang ang mga kababayan niya sa Zamboanga. Pero wala na sigurong mas magiging proud pa sa mga magulang niyang sina Emelita at Eddie!
Napakalaki raw nang naitulong ni Hidilyn sa kanilang pamilya, lalo pa’t hirap daw talaga sila sa buhay.
Pagta-tricycle ang kabuhayan ni Mang Eddie at katuwang niya noon ang batang si Hidilyn sa paglilinis ng tricycle. Pati nga raw paglilinis ng jeep at pagbebenta ng isda sinubukan ni Hidilyn para lang makatulong sa kaniyang mga magulang.
“Sobrang hirap talaga ng buhay namin. Simula nang pumasok siya sa pagbubuhat, siya na ang tumulong sa aming pamilya. Lahat na, ibinigay niya sa amin,” kuwento ng inang si Emelita.
Panglima si Hidilyn sa anim na magkakapatid. At sa edad na 11-taong-gulang, nagsimula na siya sa pagbubuhat.
Noon pa man, higit sa pagkakapanalo ng mga medalya sa napiling larangan ng palakasan, batid ni Hidilyn ang ang pangangailangang magsumikap para sa kaniyang pamilya.
Kuwento ni Hidilyn, simula raw nang maging atleta siya, halos sa pamilya na raw napupunta ang kaniyang mga kinikita.
Katunayan, ang kanilang dating bahay na gawa lamang sa kahoy, gawa na sa bato ngayon! Ang allowance daw ni Hidilyn sa kaniyang paglalaro, sa pagpapagawa ng bahay niya ibinubuhos.
Ngayon si Hidilyn, dahil sa kaniyang pagkapanalo, makakakuha raw ng 7 milyong pisong incentive mula sa gobyerno at house and lot mula sa isang private company.
At nang tanungin kung ano ang gagawin niya sa kaniyang premyo:
“Hindi ko pa alam. ‘Yun na ‘yung lupa, bibilhin ko tapos ‘yung gym. Sabi ni President Digong, gagawa ng parang regional weightlifting gym sa Zamboanga. Pero para sa akin, iba ‘yung sa akin. Grassroot ‘yun. Siyempre hindi naman puwedeng pumunta ang mga bata du’n sa center. Siyempre may pamilya sila, so pwede silang mag-training dun,” sabi pa ni Hidilyn.
Para naman makatulong din sa mga nagsisimulang atleta, may ginawang maliit na gym si Hidilyn sa likod ng bahay nila sa Mampang. Katu-katulong ang kaniyang pinsan na si Allen, dito raw nila tinuturuang magbuhat ang mga bata.
“Kasi nakikita kong nagbubuhat yung mga bata. Sabi ko, ‘Bakit hindi na lang gumawa ako ng pang-weightlifting class para sa mga bata dito.’ ‘Yun, nagstart siya, hanggang sa nagpa-semento, tapos may mga nag-donate din ng mga plates. ‘Yun, masaya akong tignan na sa simpleng bagay na ginawa ko, naging malaking impact sa mga bata,” sabi pa ni Hidilyn.
Ngayon, mahigit 20 bata raw ang kanila ritong tine-train.
Balak pa raw ipa-expand ni Hidilyn ang kaniyang gym.
At para naman sa mga sumuporta sa kaniya at sa mga atletang tulad niya na nangangarap na magtagumpay sa kanilang larangan, isang mahalagang mensahe ang kaniyang ibinabahagi.
“Nagpapasalamat ako sa kanilang dasal, sa suporta, sa paniniwala sa akin. Tapos, kung ano man ‘yung mga struggles nila sa buhay, huwag nilang sukuan ang pangarap nila, kaya nila ‘yan.”
Sa Rio Olympics, hindi lang ang weights ang binuhat ni Hidilyn. Gamit ang kaniyang pambihirang lakas at ang pusong palaban, iniangat ni Hidilyn ang dangal ng bawat atletang Pilipino na minsang nangarap, nagsikap at nagtagumpay! --- CARLO P. ISLA/BMS