Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLICAFFAIRS WEB EXCLUSIVE

#KMJSPinoyKlasiks: Naaalala n’yo pa ba ang ‘Okay Ka, Fairy Ko’ at ‘Batang X?’


Photo Courtesy: M-Zet Productions

 

Tinalakay noong Linggo sa throwback special ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” ang ilan sa mga paborito nating palabas sa telebisyon noong dekada otsenta hanggang nobenta.

Isa na riyan ang “Okay Ka, Fairy Ko” na pinakahihintay na palabas noon tuwing Huwebes ng gabi. Unang umere ang sitcom na ito noong 1987, na kuwento ng tagalupang si Enteng (Vic Sotto) na nain-love sa fairy na si Princess Chlorateam o Faye, ang prinsesa ng Engkantasya.

Sa isang dekadang pag-ere ng "Okay Ka, Fairy Ko," matatandaang iba-iba ang gumanap sa karakter ni Faye. Unang gumanap nito ay si Alice Dixon, sinundan ni Tweetie de Leon at panghuli ay si Dawn Zulueta. Pero bakit nga ba naging paiba-iba ito?

Photo Courtesy: M-Zet Productions, Tweetie de Leon bilang Faye in "Okay Ka, Fairy Ko."

 

Kuwento ng head writer na si Bibeth Orteza, “Umalis si Alice kasi she wanted to pursue a full-time movie career. Bago namin nilagay si Tweetie, we had to explain the idea (to the audience) na nakakapagpalit ng iba-ibang mukha ang engkantada. We realized na si Vic talaga was going to be constant, hindi naman siya mapapalitan dahil bukod sa siya ang producer, talagang the character was written to suit what he could do best. Noong nawala na nga si Alice, in-establish nami na posible. So because na-established na yun, so even later on doon sa ibang movie versions, wala na ‘yung original na Ina Magenta, nagawan pa ng paraan. Si Allan K naging Ina Magenta, si Amy Perez naging Ina Magenta, sa mga sine 'to. Tapos si G. Toengi naging Ina Magenta rin. We weren't tied to a single character doing the same role.”


Isa pa sa mga naging hit TV series ay ang “Batang X” na nagmula sa isang pelikula noong 1995. Ito ay pinagbidahan ng limang bata na binigyan ng supernatural powers. Sino nga ba naman ang makakalimot kina Anghel Arsenal o A-Gel (John Ace Zabarte) na may kakayahang lumipad, si Bugoy a.k.a. G:Boy (JC Tizon) na may supernatural strength, si Trina dela Paz o 3-Na (Anna Larrucea) na may kapangyarihang maging invisible, si Control (Janus Del Prado) na misteryoso pero matalinong utak ng grupo at si Kiko Arsenal o Kidlat (John Prats) na may makapangyarihang mata?

Ang ilan sa mga “Batang X,” aktibo pa rin hanggang ngayon sa showbiz tulad nina John Prats at Janus del Prado, pero ang iba ay may matahimik na ngayong buhay malayo sa limelight.

Si JC Tizon na gumanap sa papel na G:Boy ay nasa Washington, D.C. sa Amerika. Taong 1998 pa nang mag-migrate ang pamilya ni JC sa States at nagtatrabaho siya ngayon sa isang motorcycle retail company.

 

Si Anna Larrucea naman na gumanap bilang 3-Na ay happily married na ngayon at mayroon na ring baby habang ini-enjoy ang tahimik na buhay sa labas ng showbiz.

(C)shayla sanchez Anna Larrucea was one of the huge child stars in the 90's. Yesterday, she starred in one of the...

Posted by Imagine Nation Photo + Video on Sunday, 14 April 2013

 

Ang batang aktor noon na si John Ace Zabarte na gumanap bilang A-Gel ay isa nang call center agent at rap artist ngayon. Ayon kay John Ace, malupit pa sa fight scenes niya sa pelikula ang mga kinaharap niyang pagsubok sa totoong buhay.

Si John Ace Zabarte ay isa na ngayong  rap artist at call center agent.

 

“After Batang X, nag-fade siya nang nag-fade (ang kasikatan ko) hanggang sa nawala when I was 14. That's basically the end of it for me, para sa show business. Na-involve ako sa gang, maaga akong naging tatay. I learned (the hard way how) to live a normal life. Nagtrabaho pa ako sa fast food chain,” kuwento niya.

Pero tulad ng batang nakalilipad na kaniyang ginampanan, nilabanan ni John Ace ang mga pagkabigo at ngayon ay nagsusumikap na maging superhero sa tunay na buhay para sa kaniyang kinabukasan.

“I now work as a business development manager sa isang Australian company. At the same time, mayroon akong mga side projects like nagko-compose ako ng mga hiphop tunes. I'm a rap artist. I’m celebrating life in a way. Ang hirap ma-stuck sa shadow ng dati.”

Mapapanood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.