Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

Jeyrick ‘Carrot Man’ Sigmaton: Proud akong maging isang Igorot


Walang kamalay-malay ang 21-anyos na si Jeyrick Sigbaton o mas kilala ngayong bilang si "Carrot Man" na viral na pala ang kaniyang litrato sa internet.

Nito lamang nakaraang linggo, nagulantang ang mundo ng social media nang mag-viral ang litrato ng isang binatang Igorot na kapansin-pansing may maamong mukha, habang may buhat-buhat na inaning mga carrot. Kaya naman binansagan ng mga netizen ang lalaking ito bilang si Carrot Man.

Ang latest online sensation, kinilalang si Jeyrick Sigmaton na tubong Barlig, Mountain Province.

Carrot Man Craze

Wala pang tatlong linggo nang i-upload ng magtiyahing Edwina Bandong at Chee-nee de Guzman ang mga litrato ni Jeyrick sa Facebook. Kuwento nila, papunta raw sila sa Sagada noong Pebrero 6 para magbakasyon, nang matiyempuhan nila ang binata habang nagha-harvest ng mga ani nilang carrots.

Napansin na raw nila ang kakisigan ng binata, sa kabila ng kaswal na ayos nito habang nagta-trabaho. Gusto man daw nilang lapitan si Carrot Man, tinamaan daw sila ng hiya kaya kinunan na lang nila ito ng litrato mula sa malayo.

Hindi raw alam ni Jeyrick na mayroon palang ibang tao na kumuha ng kaniyang litrato habang nagha-harvest sila ng carrots sa Bauko, Mountain Province.

Pero sa kagustuhang makilala ang lalaki, si Chee-nee, ipinost ang litrato sa Facebook. Umasa raw siya na sa tulong ng social media, may mga taong makakapagbigay ng impormasyon tungkol sa lalaki.

Hindi naman siya nabigo. Ang litrato ni Jeyrick na kanilang in-upload, naging instant viral post.

At nang pagkaguluhan na nga litrato ni Carrot Man sa social media, sari-sari ang naging opinyon ng mga netizen sa mga diumano’y kamukhang celebrity ng lalaki.

May mga nagsasabing kahawig raw niya ang mga Korean stars na sina Kim So Hyun, Lee Min Ho at Jang Geun Suk. Para naman sa iba, kamukha raw ni Carrot Man ang Taiwanese star na si Vic Zhou na dating bumida sa Meteor Garden. Sa mga local stars naman, inihambing si Carrot Man sa Kapuso actors na sina Dennis Trillo at Pambansang Bae Alden Richards.

Paghahanap kay Carrot Man

Dahil sa atensyon na nakuha ng tinaguriang Carrot Man, maraming mga media outfit ang talaga namang pilit siyang hinanap sa kanilang probinsiya para lamang makapanayam.

Ang team ng programang “Kapuso Mo, Jessica Soho,” walang inaksayang panahon at umakyat patungo sa Mountain Province upang hanapin si Jeyrick, na noo’y tila walang kamalay-malay sa biglang kasikatan niya sa social media.

Bagama’t ang unang impormasyon tungkol kay Jeyrick ay sa Bauko ito matatagpuan, dinala ang KMJS team ng sarili nilang research sa Brgy. Ogo-og, Kadaclan, Barlig sa lalawigan pa rin ng Mountain Province.

Hindi naging madali ang paghahanap kay Carrot Man. Bukod kasi sa bulubundukin ang kanilang lugar, pawala-wala ang signal ng komunikasyon sa probinsya. Kaya naman, hindi makontak si Jeyrick at walang ibang paraan upang siya’y makausap.

Magdamag na naghintay ang KMJS team ng balita tungkol kay Jeyrick. Kinabukasan na nang makatanggap sila ng tawag na nakababa na raw sa kabundukan ang binata.

At nang matunton na si Carrot Man, laking gulat niya marami na pala ang naghahanap sa kaniya. Wala raw siya kasing kamalay-malay na kumalat na sa social media ang kaniyang mga litrato.

“Wala akong kaalam-alam na kumakalat na pala ‘yung picture ko sa Facebook. Tapos nu’ng pumunta kami sa lugar na may signal, du’n ko nalaman na may kumokontak pala sa akin na gusto akong ma-interview,” pagkukuwento ni Jeyrick.

Wala raw signal ng cellphone sa farm kung saan sila nagha-harvest, kaya naman hindi raw siya madalas makapagbukas ng kaniyang Facebook account.


Ayon pa sa kaniya, bihira daw siyang mag-check ng mga update sa Facebook dahil lubhang mahina raw ang signal sa kanilang bukid. Kaya kung ano man daw ang atensyong nakukuha niya ngayon, nagpapasalamat daw siya sa mga humanga sa kaniyang litrato.

“Nagpapasalamat ako sa mga nag-like at nag-share ng pictures ko. Dahil po sa kanila, kahit na simpleng tao ako, maraming nakakilala sa akin,” sabi pa ni Jeyrick.

Proud Igorot

Panganay sa pitong magkakapatid ang 21-anyos na si Jeyrick. At tulad ng maraming Pilipino, laki siya sa hirap. Sa kaniyang edad, nagbabanat na siya ng buto para makatulong at matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Dahil na rin sa hirap, Grade 6 lamang ang daw ang natapos ni Jeyrick. Napagpasiyahan niya raw na tumigil sa pag-aaral para mabigyan ng pagkakataon ang mga kapatid na makapag-aral.

“Mahirap ang buhay dito sa amin kaya ako napilitang pumunta sa ibang bayan para mag-ipon. Dahil kulang ang budget kaya tinutulungan ko ang mga magulang ko sa pag-aaral ng aking mga kapatid. Kung hindi ako magta-trabaho, wala kaming kakainin,” sabi pa ni Jeyrick.

Grade 6 lamang daw ang tinapos ni Jeyrick. Sa murang edad kasi, nagsimula na siyang magtrabaho sa bukid para tumulong sa kaniyang pamilya.


Pag-aani ng palay ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng pamilya ni Jeyrick. Pero kapag tapos na raw ang panahon ng anihan, dumarayo daw sila sa ibang bayan ng Bauko para mag-ani naman ng mga gulay.

Kabilang si Jeyrick sa tribong Ekachacran ng mga Igorot. Ang kanilang dialekto, tinatawag na “Kenachacran.” Bukod sa pag-aani, kilala rin ang kanilang tribo sa pagsasayaw ng “Kanyaw.”

Kilala rin ang kanilang tribo sa pagnguya ng moma o nganga, na sa kanilang paniniwala ay pampatibay ng mga ngipin. Kaya naman si Jeyrick, may kakaibang kulay ng ngipin dahil sa pagnguya ng nganga.

At talaga naman daw ipinagmamalaki raw ni Jeyrick ang pagiging Igorot.

“Sobrang proud po ako na maging isang Igorot dahil kakaiba ang aming kultura at paniniwala. Proud din ako na nakilala ‘yung picture ko dahil du’n nagkaroon ulit ng interest ang mga tao sa Mt. Province at saka sa mga Igorot,” ani Jeyrick.

Ipinagmamalaki raw ni Jeyrick ang kaniyang pagiging Igorot dahil sa mayaman nitong kasaysayan at kultura.

Higit pa man sa kaniyang kaguwapuhan, si Jeyrick ay masipag, nagsasakripisyo para sa pamilya, marangal na nagtatrabaho at ipinagmamalaki ang kanilang tribo.

Taglay niya hindi lamang ang mga magagandang katangiang kumakatawan sa mga kapatid nating Igorot kundi  ang mga ugaling isinasapuso ng bawat Pilipino. --- CARLO P. ISLA/BMS, Public Affairs


Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.