Isang kuwento ng ‘forever’ na nagsimula sa mga love letter
Sa panahon ngayon, tila madali na nga masiyado ang ipakita ang iyong pagmamahal sa isang tao. Ilang pindot mo lang sa iyong smartphone, kahit ba dagdagan mo pa ng ilang puso o bulaklak na emojis, maipararating mo na agad ang iyong matamis na “I love you!”
Pero noong araw, may katagalan ang proseso nito dahil ipinahahayag pa ang nais na iparating sa pamamagitan ng papel at panulat. At take note: Hindi lang basta-basta “I luv u” ang nakasulat dito! Iyan ang love letter kung tawagin, isang uri ng liham kung saan ang bawat salitang binibigkas ng isip at puso ay naipaaabot sa pamamagitan ng pagsusulat.
Sa kuwento ng pag-ibig nina Billy at Tessie na nakilala natin sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo ng gabi, nagsimula raw ang kanilang pag-iibigan sa pagpapalitan ng liham noong Abril 1959, o humigit-kumulang 57 na taon na ang nakalipas.
Una raw nakita ni Billy si Tessie noong siya ay nagbabakasyon sa Parañaque mula sa Oriental Mindoro. Naglalaro raw si Tessie ng luksong-tinik sa tapat ng kalapit-bahay. Kalaunan, aba, nabighani na nga raw nang tuluyan si Billy! Doon na rin daw nagsimula ang palitan nila ng sulat.
“Ipagpatawad mo kung hindi ko napigilang sumulat sa iyo. Sa bawat araw kasi na nakikita kita, magmula pa noong unang beses ako nagbakasyon dito sa inyong lugar, ay mas lalong tumitindi ang aking kagustuhang mapalapit sa iyo at maging isang kaibigan. Umaasa akong mapangiti ka kapag nabasa mo ang aking liham." *
Pero gaya ng mga napapanood sa mga lumang pelikulang Pilipino, hindi naging #breezy ang pag-iibigan nilang dalawa. Dahil mahigpit ang tatay ni Tessie, alam niyang hindi ikatutuwa ng kaniyang ama kapag nalaman nitong may binatang nagpapadala ng sulat sa kaniyang anak na dalaga.
“Villamor, nagulat ako nang makatanggap ng liham mula sa iyo. Ano ba ang naisip mo at patuloy mo akong sinusulatan? Istrikto ang aking ama; sigurado akong hindi niya ikatutuwa kapag nalaman niyang nakikipagsulatan ako sa isang binata. Nais ko sanang ipakiusap sa iyo na kung maari, huwag ka nang sumulat dahil baka ako’y mapagalitan." *
Pero si Billy, pursigidong makuha ang loob hindi lamang ni Tessie kundi pati na rin ng mga magulang nito, partikular na ang kaniyang ama.
“Sana, kung may pagkakataon, ay masabi ko sa kaniya na malinis ang aking intensiyon sa iyo. Tessie, sana rin ay huwag mo nang ipagtaka ang madalas kong pagliham. Siguro ay panahon na rin para aking ipagtapat sa iyo ang aking nadarama, ang aking lubos at buong pusong pag-ibig sa iyo. Kahit hindi pa kita nakaka-usap, alam ko sa aking puso na ikaw ay mahal na mahal ko na." *
Sinong babae nga ba naman ang hindi kikiligin sa lalaking determinado, hindi takot na magpakita ng pag-ibig at handang humarap sa mga magulang ng taong minamahal? Kaya naman si Tessie, tuluyan na rin daw napa-ibig kay Billy!
Ayon kay Tessie, “Ang tatay ko, lagi nga akong sinasabihan kasi parang nakararamdam na mayroong sumusulat sa akin. Sinasabihan niya ako na ‘Ayaw kong malaman na nakikipagsulatan ka diyan sa lalaking ‘yan, malilintikan ka sa akin.'"
Minsan din daw sinambit ng tatay ni Tessie na animo’y mas mahirap pa kaysa sa daga si Billy. “Sa kakaganu’n niya rito--na parang lagi ba niyang minamata ang katayuan--para bang ‘yung aking inis, para bang nagkaroon ako ng awa hanggang sa naramdaman ko parang mahal ko na,” sabi ni Tessie.
Kaya naman simula noon ay naging klaro na sa pagitan nina Billy at Tessie ang pag-iibigan nila sa isa’t isa. Kung tawagin ngayon ay “S.O.” o “secret on,” naitago sa lihim ang relasyon ng dalawa dahil na rin sa takot ni Tessie na mapagalitan ng kaniyang ama.
Kalaunan ay kinailangang itigil ni Tessie ang kaniyang pakikipagsulatan dahil nakahahalata na raw ang tatay niya. Labis naman itong ikinalungkot ni Billy. Aniya, “Sabi ko nga, kung talagang para sa isa't isa kami, basta manatili lang ganu’n at tiyaga lang, darating yung panahon na siguro ay magkakausap din kami.”
Maraming pinagdaanang pagsubok ang dalawa. Lumipat noon sa Makati ang pamilya ni Tessie kaya’t lalo silang nawalan ng komunikasyon. Bagama’t nakahanap sila ng paraan sa pagpapalitan ng liham sa tulong ni Ka Remy, na noo’y isang jeepney driver ng ama ni Tessie na isang jeepney operator, hindi rin ito nagtagal dahil nabisto rin sila ng tatay ng dalaga.
“Tessie aking mahal, nalaman kong napagalitan ng iyong ama si Ka Remy kaya’t nawalan na ng tulay ang ating mga sulat. Pero katulad ng pangako ko sa iyo, kailanman ay hindi magbabago ang aking nararamdaman kaya hindi ako susuko. Alam kong magugulat ka sa pagbisita ko sa inyo pero maglalakas-loob na akong harapin ang iyong ama para pormal ka ika’y ligawan. Ako’y nagdarasal na sana, maunawaan niya ang ating mga pusong umiibig." *
Sa loob ng kanilang relasyon ay dalawang beses silang nagtanan. Sa ikalawang beses nilang pagtatanan ay nagdadalang-tao na noon si Tessie. Kaya naman nang pinuntahan sila ng tiyahin ng dalaga para sunduin at ibalik sa Maynila ay buong-tapang na sumama si Billy para harapin ang istriktong ama ng kaniyang minamahal.
Hindi biro ang pamamanhikang ito. Dahil sa pag-alala rito ni Billy, nakatutok daw sa kaniya noon ang baril ng ama ni Tessie! Talagang pinagbantaan nito ang buhay ng binata dahil talagang tutol ang ama sa kanilang relasyon. Dahil na rin nanggaling sa mahirap na pamilya, hindi rin maipangako noon ni Billy na mapapakasalan niya si Tessie sa simbahan. Labis itong ikinadismaya ng ama ng dalaga.
Pero kalaunan ay ikinasal din ang dalawa sa simabahan. Dahil na rin sa kaniyang pagpupursigi na makuha ang loob ng ama ng dalaga ay nag-enroll sa medisina si Billy kasabay ng kaniyang pamamasada bilang isang jeepney driver. Ang gusto raw kasi ng ama ni Tessie ay makapangasawa ang kaniyang anak ng doktor.
“Pinagtiyagaan ko yung pag-aaral ng medisina. Pagkatapos ng klase ko, namamasada pa ako ng jeep para may pang-gatas sa anak namin,” kuwento ni Billy. Naging sulit naman ang bawat paghihirap niya dahil kalaunan ay natapos din niya ang medisina.
Pag-alala ni Tessie, “Noong graduation, kami lang ang pumunta, ako tsaka ang tatay ko. Nu’ng matawag ang pangalan [ni Billy], tumayo siyang ganiyan, umiiyak. Sabi niya, ‘Ngayon, nabunutan ako ng malaking tinik sa dibdib… dahil nakatitiyak ako na maganda ang magiging kinabukasan ninyo at ng magiging anak ninyo.’’
Bagama’t ilang beses silang pinahirapan ng ama ni Tessie, sa huli, malaki ang pasasalamat nila rito. Dahil sa bawat pagsubok na ibinato sa kanila ay parati silang nakakatindig para ipaglaban ang kanilang pagmamahalan. Naging doktor pa si Billy at nakayanan din nilang pag-aralin ang kanilang anak.
Hindi maikakaila na hindi naging madali ang relasyon nina Billy at Tessie. Pero dahil sa kanilang wagas na pananalig sa isa’t isa, napagtagumpayan nila ang anumang suliraning dumating sa pag-iibigan nila--na hindi magsisimula kung hindi nila naipahayag ang pagmamahal nila sa isa’t isa sa tulong ng mga liham.--Juju Z. Baluyot/BMS, GMA Public Affairs
* - halaw sa salaysay