Si Joey Albert at ang kaniyang pakikipagbuno sa cancer
“Tell me where did I go wrong?”
Sino ba naman ang hindi tatamaan sa mga linya ng kantang ito na talaga nga namang tagos sa puso? At kahit mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas mula nang sumikat ang “Tell Me”, ito pa rin marahil ang awiting tiyak na kumakatawan sa pusong iniwang luhaan.
Ngunit, sino nga ba ang orihinal na nagpasikat ng kantang ito? Taong 1982 nang manalo sa Dream Girl Filipina TV contest si Maria Josefina Albert o mas kilala ngayon sa pangalang Joey Albert. Simula noon, nabigyan siya ng puwang sa mundo ng showbiz kung saan nagkaroon siya ng pagkakataon na ipamalas ang kaniyang husay sa pag-awit at pagsusulat ng mga kanta.
Taong 1984 nang sumikat ang kantang “Tell Me,” na kinalauna’y ni-revive ng bandang Side A. Pero, bukod sa pag-awit, ipinamalas din ni Joey Albert ang kaniyang husay sa pag-arte. Sa katunayan, nakasama niya pa sa ilang mga pelikula sina Tito, Vic, and Joey maging ang Comedy King na si Dolphy. Sa kasagsagan ng kaniyang kasikatan, napagdesisyunan ni Joey Albert na iwan ang makulay na mundo ng showbiz.
Ang unang pakikibaka ni Joey Albert
Taong 1995 nang talikuran ni Joey Albert ang kaniyang kasikatan dito sa Pilipinas. Matapos siyang ma-diagnose na may cervical cancer, pansamantala siyang nanirahan sa Vancouver, Canada kasama ang kaniyang pamilya.
Para sa isang kumikinang na bituin ng kaniyang henerasyon, paano kaya tinanggap ni Joey Albert na iwanan ang karera?
“I told myself, if the cancer returned and I didn’t survive, I would have missed the opportunity to raise my children, they are only young ones. So, I knew it was something I was going to regret on my dying bed so I made a painful decision. And naisip ko naman tutal nakaranas na ako ng maraming matagumpay na awit, it was already time, puwede na.”
Malungkot man ang kaniyang naging desisyon, kahit kailan ay hindi naman niya ito pinagsisihan.
“Life is easy here. But, there are certain choices you have to make because you know it’s the right thing to do and that was one of them,” aniya.
Sa loob ng ilang taon na pakikipaglaban sa sakit na cervical cancer, sumailalim siya sa ilang chemotherapy at operasyon. Sa tulong na rin ng kaniyang pamilya at malakas na pananampalataya sa Diyos, nalampasan niya ang isang malaking dagok sa kaniyang buhay.
Ngunit, hindi pala rito nagtatapos ang kaniyang laban, bagkus ay nagsisimula pa lang ito.
Panibagong pagsubok
Pinatunayan ng OPM Legend na walang mas hihigit pa sa pagmamahal ng kaniyang pamilya noong mga panahon na halos mawalan na siya ng pag-asa. Pero sa ikalawang yugto ng kaniyang buhay, muling susubukin ng panahon ang kaniyang katatagan.
Taong 2003 nang tamaan naman si Joey ng colon cancer. May takot man na baka ito na ang kaniyang oras, hindi pa rin siya iniwan ng kaniyang pamilya. Sa matinding kagustuhan niyang gumaling, sumailalim siyang muli sa matinding gamutan. At matapos ang operasyon, idineklara ang kaniyang cancer na hindi na aktibo.
Subalit, tila ayaw siyang tantanan ng sakit na ito dahil nito lamang nakaraang taon, napabalita naman na mayroon siyang colorectal cancer. Sa pangatlong pagkakataon na tinamaan siya ng ganitong kalubhang uri ng sakit, pinatunayan ni Joey na mas matapang na siya. Katulad ng mga nakalipas na laban, hinarap niya ang matinding operasyon at kaliwa’t kanang gamutan.
Sa tatlong mabibigat na laban na kaniyang pinagdaanan, isang malaking aral ang natutunan niya mula rito at ‘yun ay tanggapin ang bawat pagsubok ng buhay, “I think this is where we have to believe the grace of God, kasi there’s something beyond our control.”
Ang walang kapantay na pagmamahal sa musika
Sa ilang taong pakikipagbuno niya sa sakit na cancer, isang bagay pa rin lang ang nais gawin ni Joey---ang kumanta. Para sa isang OPM Legend na talaga nga namang minahal ng lahat noong 80s, hindi lang isang trabaho ang pag-awit, “It’s the music itself, it’s the act of singing. When I sing, I know that I’m living my essence. It’s who I was born to be when I was singing so alam ko ‘yung ako ‘yun, the part of me that no one can touch. And I am the creature God created me, I am.”
Sa kasalukuyan, abala siya sa kaniyang paghahanda sa nalalapit na concert dito sa bansa. Nais niyang patunayan na kahit kailan ay hinding-hindi magagapi ng anomang sakit ang walang hanggang pagmamahal niya sa musika.
Tunay ngang walang kapantay ang kasiyahan na hatid ng musika sa buhay ni Joey Albert, “I’m in my element, I’m in my zone kapag kumakanta ako. Nakakalimutan ko lahat ng problema ko, nakakalimutan ko lahat. It’s just me and the music.” -- Tyne Villan/ BMS, GMA Public Affairs
Mapapanood ang “Kapuso Mo, Jessica Soho” tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs Program, sundan ang GMA Public Affairs.