Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

Paglangoy sa agos ng buhay ng isang 14-anyos na amputee swimmer


Naiuwi ni Jhon Rey ang tatlong gintong medalya sa tatlong swimming events sa kategoryang Orthopaedically Impaired sa katatapos lang na Congressional District Sports Association sa Iloilo.

Hindi lahat sa atin ay biniyayaan ng galing sa paglangoy. Kahit na kumpleto ang ating mga kamay at binti, marami pa rin sa atin ang hirap matutunan ang tamang paglangoy.

Kaya nga kamangha-mangha ang mga amputee o mga taong putol ang kamay o binti, na sumasali at nananalo sa iba’t-ibang kompetisyong pampalakasan. Tulad na lang ng 14-anyos na si Jhon Rey Amolar, na nag-uwi ng medalya sa swimming kahit na nga putol ang kaniyang kanang binti.

Ang inspirasyon daw ni Jhon Rey, ang maalayan ng medalya ang kaniyang yumaong ama, na nakaburol pa nang siya’y lumaban sa patimpalak.

Wala mang pormal na pagsasanay sa paglangoy, sumali si Jhon Rey sa katatapos lang na Congressional District Sports Association sa Iloilo. At ang nakamamangha pa rito, isang araw lang bago ang naturang kompetisyon nang tinuruan siya ng mga tamang istilo ng paglangoy tulad ng freestyle, backstroke at breaststroke.

Para sa trainer at coach ni Jhon Rey na si Darly Pallaza, malaki ang potensiyal ng bata na maging magaling na swimmer kahit na nga wala itong formal training.

“We need more practice to develop his talent in swimming because I've seen sa unang paglangoy niya, nakita ko kaagad na nandu’n na ‘yung talent sa bata. Kulang na lang sa practice,” sabi pa ni Darly.

Hirap man sa paglangoy dahil sa kaniyang kondisyon, kinakaya ang lahat ng ito ni Jhon Rey. Sa pamamagitan daw kasi ng paglangoy, pansamantalang nalulunod sa kaniyang alaala ang mga bangungot na kaniyang pinagdaanan.

Kung ang ibang swimmers ay nakakapag-ensayo sa mga Olympic-size na swimming pool, sa isang ilog lang malapit sa kanilang nakakapag-training.
 

Dagok sa pamilya

Maagang naulila sa ina si Jhon Rey. Taong 2012 nang namatay ang kaniyang inang si Jenny sa sakit na kanser. Dahil na rin sa kahirapan, hindi na naipagamot ng kanilang pamilya si Nanay Jenny.

Lumaking malapit naman si Jhon Rey sa amang si Reynaldo na namamasada naman ng jeep para sa ikabubuhay ng kanilang pamilya.

Dala na rin ng kanilang kahirapan, nahinto na sa pag-aaral si Jhon Rey. Para makatulong na rin sa pang-araw-araw na gastusin, sumasama siya kay Mang Reynaldo para maging konduktor ng ama sa pamamasada.

Pebrero ngayong taon nang maganap ang aksidenteng babago sa buhay ni Jhon Rey.

Pauwi na raw siya noon sa kanilang bahay matapos magkonduktor. Para makalibre sa pamasahe, nagdesisyon si Jhon Rey na sumabit na lamang sa jeep. Pero ang kanilang sinasakyan, nabangga ng truck.

Bunsod ng aksidente, naapektuhan ang bituka ni Jhon Rey, dahilan para magdesisyong putulin ang kaniyang kanang binti.

“Nawalan ako ng malay. Nakita ko na lang si tatay, saka ang mga kapatid ko. Hindi ko rin alam na naputol ‘yung paa ko. Nu’ng una, hindi ko pa alam kasi nakauwi pa ako nun. Hindi ko alam na putol na ang paa ko,” pagkukuwento ni Jhon Rey.

Sa kabila ng kaniyang sinapit, nanatiling matatag si Jhon Rey. Sa panahon kasing ito, lalo silang naging malapit ng kaniyang ama na pinaghuhugutan niya ng lakas. Ang ama rin ang personal na nag-aalaga sa kaniya, kahit na nga ito’y pagod sa araw-araw na pamamasada.

Pero sadyang malupit ang tadhana para kay Jhon Rey. Wala pang isang taon matapos ang nangyaring aksidente sa kaniya, isa na namang trahedya ang dumating sa kanilang pamilya.

Nito lamang Oktubre, sa hindi inaasahang pangyayari, ang Tatay Reynaldo, biglaang binawian ng buhay dahil sa asthma. At dahil walang pambayad sa sementeryo ang kanilang pamilya, isang buwan nila itong hindi nailibing.

Alay ni Jhon Rey ang kaniyang mga medalya sa ama niyang pumanaw ilang araw bago siya sumabak sa kompetisyon.

 

Medalya para sa ama

Habang nakaburol ang ama, may nakaambang malaking laban si Jhon Rey sa swimming. At ang pinakamalaki niyang kalaban – ang kaniyang sarili.

Si Jhon Rey lang kasi ang kalahok sa kategoryang Orthopaedically Impaired. Pero bago siya maideklarang default winner sa tatlong kategorya na freestyle, backstroke at breaststroke, kinailangan pa rin niyang tapusin ang paglangoy.

Pero hindi naman siya nabigo. Napagtagumpayan niyang matapos ang tatlong kategoryang kaniyang sinalihan. At ang kaniya raw naging inspirasyon ay ang maalayan ng medalya ang ama bago man lang ito mailibing.

Nito lang Huwebes, naihatid na sa huling hantungan ang ama ni Jhon Rey. At dito inalay ng binata ang medalyang kaniyang napanalunan. At kung mayroon man daw siyang nais sabihin sa ama, ito ay ang: “Sana bumalik na siya… ‘Tay nanalo ako sa swimming… Para sa’yo ang medal ko…”

“Malungkot na malungkot. Parang nahihirapan sa lungkot kasi wala na siya e. Minsan nagliliwaliw na lang ako para mawala ‘yung lungkot,” sabi pa ni Jhon Rey.

Sa ngayon, ang kapatid na si Rejin at tiyahing si Gladys ang naiwang katuwang ni Jhon Rey sa buhay. At buo ang kanilang suporta na tulungan ang bata na maipagpatuloy, hindi lamang ang kaniyang karera sa paglangoy, kundi pati na rin ang kaniyang pag-aaral.

“Sa kalagayan ni Jhon Rey, gusto ko siyang matulungan na pumasok ng paaralan dahil kapag may pinag-aralan, makapaghahanap siya ng trabaho. Noon, ayaw niyang bumalik sa school dahil nahihiya siya na putol na nga ‘yung paa niya. Sa isip ko, kapag pinu-push ko siya sa ganu’n, sa swimming at ma-enroll muna sa SPED, mas mag-ge-gain na siya ng confidence. Baka next year, ipapasok ko na siya sa regular class,” sabi pa ng kaniyang tiyahin na si Gladys.

Sa ngayon, naghahanda na si Jhon Rey sa sasalihan niyang kompetisyon sa Disyembre, kung saan ang mga makakalaban niya mula na sa iba't ibang bayan ng Iloilo. At kahit na nga raw wala siyang lugar na mapaglalanguyan, buo ang kaniyang loob na harapin ang kaniyang laban.

“Mag-practice lang ako nang mag-practice. Kaya naman, malawak naman ‘yung ilog namin, puwede kong pagpraktisan,” sabi pa ni Jhon Rey.

Bukod sa pagiging swimmer, pangarap din ni Jhon na maging isang piloto. Buo ang loob ni Jhon Rey na makakayanan niya ang mga pagsubok sa buhay. At patutunayan daw niya na kaya niyang lumangoy sa agos ng buhay at tumayo sa sarili niyang mga paa.

 

Malaking pagsubok, kung tutuusin, ang pinagdaraanan ni Jhon Rey - ang mabuhay nang walang ama, walang ina at wala ang isang binti. Pero tulad ng isang tunay na atleta, patuloy siyang lumalaban para mapagwagian ang mga hamon ng buhay.

Buo ang kaniyang loob at kaniya raw patutunayan na kapag may determinasyon at pangarap, kakayanin pa rin niyang lumangoy sa dagat ng buhay at tumayo sa sarili niyang mga paa.---CARLO P. ISLA/BMS, Public Affairs


Sa mga nais magbigay ng tulong kay Jhon Rey, maari kayong makipag-ugnayan sa kaniyang kapatid na si Rejin Amolar sa numerong 0907-3385891.


Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.