Tinig ng dalawang bata sa Batangas, binuhay ang tradisyon ng pangangaluluwa
Sa katatapos lang na Undas, tila naging isang malaking pa-contest na para sa mga bata (at kahit na nga sa mga nakatatanda) ang pagsusuot ng mga bonggang Halloween costume para sa kanilang “Trick or Treat.”
Mula sa mga nakakatakot na maskara’t damit hanggang sa mga paboritong TV at movie characters, talaga namang kina-career ng maraming Pilipino ang pagsusuot ng costume, kahit na nga ang konsepto ng tradisyong ito ay mula sa mga banyaga.
Dahil dito, unti-unti na nga raw nalilimutan ang sariling tradisyon ng mga Pilipino tuwing Todos Los Santos o All Saints’ Day---ang pangangaluluwa.
Tulad din halos ng konsepto ng pangangaroling tuwing Pasko ang pangangaluluwa. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay at pagkanta ng mga tradisyonal na awiting-bayan, habang nanghihingi ng donasyon at dasal para sa mga namayapa.
Pero dahil iilan-ilan na lamang daw bayan sa mga probinsya ang nagsasagawa nito, iilang mga bata na rin lang daw ang nakakaalam at nagpapatuloy ng tradisyong ito.
Nitong Undas lang, dalawang bata ang na-video-han na kumakanta ng classic Ted Ito song na “Maghintay Ka Lamang.” Sa unang tingin, akala mo simpleng pagkanta lang sa tabi ng kalsada ang kanilang ginagawa. ‘Yun pala… nangangaluluwa na sila! At talaga namang marami raw ang tumindig ang balahibo sa pamatay nilang tinig at blending!
Ayon mismo sa nag-upload ng video na si Arlon Pascual, nakitaan na agad niya ng potensyal ang dalawang bata nang magsimula pa lamang silang kumanta.
“Intro pa lang po ng kanta nila e, pina-stop ko na po at sabi ko ay, ‘Sige anak, kanta ulit kayo. Bi-videohan ko kayo.’ Ang ganda po kasi ng blending. At saka sabi ko, ‘Paniguradong papatok 'to. And then ayun po, nung in-upload ko, nagtrend nga,” pagkukuwento ni Arlon.
Nakakaantig na tinig
Nakilala ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” ang mga bata sa video na sina Frank James Pontigon at Kristine Mae Protacio ng Talisay, Batangas. Parehong 11-ayos ang dalawang bata at itinuturing daw nilang best friend ang isa’t isa.
At kung sa ibang mga bayan nga, namamatay na ang tradisyon ng pangangaluluwa, sina Frank at Kristine ay isinasabuhay pa rin ito sa kanilang bayan sa Talisay.
Regular nga raw na nangangaluluwa sina Frank at Kristine tuwing Araw ng mga Patay. Kumikita raw sila ng P100 hanggang P400 kada gabi at pinaghahatian daw nila ito. Ibinibigay raw nila ang kita nila sa kanilang mga magulang.
“Ang pera ko po kasing napapangaluluwahan, hindi ko po ginagastos, ginagastos po namin sa bahay. Kasi po kapag uuwi po ako, salubong po ako agad kay mama, binibigay ko po yung pera lahat. Tapos ‘yung labis po, akin po ‘yung barya, ‘yung buo po kay mama,” ayon kay Kristine.
Wala man daw pormal na pagsasanay, nagsasariling sikap daw sila at tinutulungan din daw sila ng kanilang mga magulang para mahasa ang kanilang talento.
Si Kristine, pinapahiran muna siya ng langis sa dibdib at ulo ng kaniyang amang si Ricky para daw gumanda ang kaniyang boses. At tulad ng ginagawa kay Regine Velasquez ng kaniyang Tatay Gerry, inilulubog din ni Ricky si Kristine sa drum na may tubig.
Tinutulungan din daw nina Frank at Kristine ang isa’t isa sa pagsasaliksik ng mga kanta at piyesa na puwede nilang magamit sa kanilang pagkanta.
“Nagse-search po kami sa internet para po makapag-print ng mga song na sinosolo po namin. Saka po namin sila pinag-aaralan,” sabi ni Frank.
“Gusto ko lang po kasing kapag pinapakanta po ako, kahit ano pong i-request ng tao sa akin, alam ko po,” pagpapaliwanag ni Kristine.
Awit ng buhay
Pero bakit nga ba talagang tumatagos ang pagkakanta nina Frank at Kristine ng awit na “Maghintay Ka Lamang”? Ito ay dahil malalim ang pinaghuhugutan nila sa buhay.
Tulad na lang ni Kristine na pangatlo sa anim na magkakapatid. Tricycle driver ang kaniyang amang si Mang Ricky at maybahay naman ang kaniyang inang si Aling Rita. Nakikitira lang sila sa bahay ng kaniyang Lola.
Kadalasan, hindi sapat ang kinikita ng ama ni Kristine sa pamamasada ng tricycle. At kasamaang-palad, lalong naghirap ang kanilang pamilya nang maaksidente sa pamamasada si Mang Ricky.
Kaya sa murang edad, humahanap na si Kristine ng paraan para makatulong sa kaniyang mga magulang. At malaking tulong daw ang kaniyang talento sa pagtataguyod sa kanilang pamilya. Tuwing may pagkakataon, kumakanta siya sa mga iba’t ibang okasyon, tulad ng kasal, birthday party at binyag.
Ayon kay Kristine, pangarap daw talaga niya ang maging isang singer. Matagal na raw siyang naghihintay ng tamang pagkakataon at oportunidad para maisakatuparan ang kaniyang mga pangarap.
“Gusto ko pong maiahon ang pamilya ko sa hirap sa pamamagitan po ng pagkanta. Minsan po, wala kaming makain… wala po kaming bigas. Lumalapit po ako sa kaibigan ko… Nagte-thank you po ako sa kanila, dahil po kahit konti po, may nakakakain din po kami. Nailulugaw din po namin,” sabi ni Kristine.
Si Frank naman, tulad din daw ni Kristine, bata pa lang daw ay kinakitaan na rin ng hilig sa pag-awit.
Madalas daw siyang sumali sa mga amateur singing contest at nagababaka-sakaling manalo. At ang mga premyo niya raw kasi rito, malaking tulong para malamanan ang kumakalam na tiyan ng kanilang pamilya.
“Kasi po ang inuulam po namin minsan tubig po na may asin, mga ganu’n po. Minsan po asin lang po (ang ulam), minsan wala po. Minsan po, tinapay na lang po ang kinakain namin,” pagkukuwento ni Frank.
Ang mga magulang naman nina Frank at Kristine, malaki ang pasasalamat sa naitutulong ng kanilang mga anak.
“Kapag may pera po siya, binibigay niya po sa akin. Tapos, sasabihin niya, ‘Mama, ibili mo 'to ng ganito,’ sabi niya sa akin. Kahit anong pigil ko sa kaniya minsan na huwag siyang gumala, umalis, e walang magagawa. Gusto niya, siya ay makakapagbigay sa kaniyang magulang kahit papaano,” sabi ng ina ni Frank na si Teresa.
"Lagi nga niyang sinasabi na nangangarap nga siya na maging singer para daw matulungan kaming mag-asawa at maiahon kami sa hirap. Natutuwa kami at naiiyak na lang kami dahil siyempre bata pa siya,” pagpapaliwanag ng ina ni Kristine na si Rita.
Sina Kristine at Frank naman, patuloy na aasa at maghihintay para sa katuparan ng kanilang ng mga pangarap, hindi lang para sa kanilang mga sarili kung para sa kanilang mga pamilya.
Ang mga awit tulad ng “Maghintay Ka Lamang” na kinanta nina Kristine at Frank hindi lang pala para maging payapa ang kaluluwa ng mga namayapa na. Ito ay para na rin sa ating nabubuhay na mga nawawalan ng pag-asa – kanta para mapaghuhugutan natin ng lakas at inspirasyon! ---CARLO P. ISLA / BMS, GMA Public Affairs.
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.