Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

Pagiging Math-inik, puhunan ng isang 9-anyos na bata sa pagtitinda


Karapatan ng bawat bata ang mabuhay, makapag-aral at makapaglaro. Ang mga ito at iba pang mga karapatan ay naisasalim mismo sa UN Convention on the Rights of the Child, ang batayan ng mga bansa sa buong mundo kung paano pangangalagaan ang mga kabataan.
 
Pero ang isang malungkot na katotohanan, dito sa ating bansa, marami pa ring mga kabataan ang hindi nabibigyan ng pagkakataon para mabuhay, makapag-aral at makapag-aral nang nararapat.
 
Isa si Gladys dela Cruz sa mga batang ito. Sa murang edad na 9, huminto na si Gladys sa pag-aaral dahil sa kahirapan. At ang mga panahon dapat sana ay para sa pag-aaral at paglalaro, ginugugol niya ngayon sa paglalako ng tinapay at chicharon para lamang makatulong sa pamilya.
 
Hindi man nabiyayaan ng maginhawang buhay upang makapag-aral, nabiyayaan naman si Gladys ng talino na nagagamit niya para sa araw-araw na pakikipagsapalaran sa buhay.
 
Nito lang Biyernes, nakapanayam ni Ms. Jessica Soho si Gladys at ang lola niyang si Estrelita. At dito, ibinahagi niya ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.
 
 
Sales strategy
 
Naabutan ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” team si Gladys sa tapat ng isang malaking pamantasan sa University Belt. Bitbit ang basket ng kaniyang paninda, walang kapagurang naglalakad-lakad ang bata para lamang makabenta.
 
Pero ang kakaiba, ang gimik niya sa pagtitinda. Nang lapitan siya ng staff ng programa, kasalukuyan niyang pinabibilib ang isang grupo ng mga estudyante ng unibersidad sa kaniyang pagiging “Math-inik!”
 
Madalas daw kasing kini-quiz si Gladys ng mga estudyante sa square root. At sa tuwa nga raw ng mga ito sa kaniya, madalas nilang pinapakyaw ang kaniyang mga tinda.
 
Ayon kay Gladys, ang kaniyang Kuya Gerald ang nagturo sa kaniya ng Math skills. Ang 11-anyos na si Gerald ang pamangkin ni Gladys sa panganay niyang kapatid. Una nang nakilala at naging viral sa social media ang pamangking si Gerald na nagpamalas din ng galing sa Math sa paglalako ng meryenda.
 
“Nito lang pong September, tinuro sa akin ng kuya ko para daw mas marami raw pong matuwa sa akin para po marami sa akin bumili kasi po lagi po akong walang benta minsan,” pagkukuwento ni Gladys.
 
 
Masaya naman daw si Gladys dahil malaking tulong ito para sa kaniyang pagtitinda. Kadalasan daw kasi, nauubos ang kaniyang inilalakong mga meryenda. Sa mahigit P100 puhunan sa ube, crinkles at chicharon, nakakabenta siya ng mula P400 hanggang P600 kada araw.
 
At bukod nga sa mabisa itong pang-engganyo sa pagbebenta, nakatutulong din daw ang kaniyang galing sa Math para hindi siya maloko sa pagsusukli.
 
Hirap sa buhay
 
Ayon kay Lola Estrelita, naiwan na sa niya poder si Gladys magmula nang iwan ito ng kaniyang mga magulang. Ang kaniyang ama, hindi na niya nakamulatan. Ang kaniya namang ina, nalulong sa droga.
 
Bunso si Gladys sa walong magkakapatid. Pero nagkahiwa-hiwalay na rin daw ang mga ito buhat nang magkaroon ng sari-sariling mga pamilya.
 
Sa ngayon, apat na bata ang nasa pangangalaga ni Lola Estrelita. Tanging siya lamang ang nagtataguyod sa kaniyang mga apo. At dahil na rin sa kahirapan sa buhay, wala raw siyang magawa kundi ang hayaang makatulong ang mga apo sa kanilang araw-araw na gastos.
 
“Masakit din sa akin kaya lang wala akong magagawa dahil sa hirap ng sitwasyon namin. Wala naman akong asawa. Wala naman akong mga anak, puro mga apo lang ang nasa akin,” pagpapaliwanag ni Lola Estrelita.
 
Bagama’t nagtitinda-tinda rin daw si Lola Estrelita, hindi na rin daw niya minsan kaya dahil sa nanlalabong mata. Ang mga kinikita raw nila nina Gerald at Gladys, sapat na para sa araw-araw na gastusin nila sa kanilang bahay.
 
 
Bagama’t makikitaan ng potensiyal at talino, nakakalungkot na huminto na sa pag-aaral si Gladys. Grade 3 na sana ang bata ngayong taon. Pero dahil sa kahirapan, napilitan siyang iwan ang silid-aralan at suungin ang lansangan para lamang magtinda at mabuhay.
 
“Tinutulungan ko lang po ang lola ko, kasi po naaawa rin po ako sa kaniya. Malabo na kasi mata ng lola ko saka po matanda na. Sinabi ko na lang po sa sa kaniya, ‘Magtitinda na lang po ako at para po makatulong po ako,’” sabi pa ni Gladys.
 
Kuwento ni Lola Estrelita, bukod sa pagtitinda, maaasahan din daw si Gladys sa mga gawaing bahay. At ni minsan, hindi raw niya ito kinakitaan ng pagrereklamo.
 
“Mabait, masipag, ‘yan ang hinangaan ko diyan sa batang ‘yan. Saka, pag nagtitinda ‘yan, kahit na pagod na pagod na siya, hindi siya nagrereklamo. Sige pa rin, takbo. Kaya nagpapasalamat ako sa Diyos 'yung mga apo ko, mabait sila,” sabi pa ni Lola Estrelita.
 
Matayog na pangarap
 
Bagama’t masaya si Gladys sa kaniyang pagtitinda dahil nakakatulong siya sa kaniyang kinalakihang pamilya, may mga panahong nalulungkot daw siya kapag nakakakita siya ng ibang mga estudyante na nag-aaral.
 
“Nalulungkot po ako kasi nakikita ko po silang masaya tapos po ako, nagbebenta na lang. Nainggit po ako sa mga bata po na nag-aaral po saka hindi nagtatrabaho,” sabi ni Gladys.
 
 
Nagpapasalamat man si Gladys na nakakaraos sila sa araw-araw, marami pa rin siyang nais marating sa buhay.
 
Kung mabibigyan daw ng pagkakataon, nais pa ring ipagpatuloy ni Gladys ang kaniyang pag-aaral. Sa katunayan, pangarap daw niyang kumuha ng kursong Civil Engineering.
 
“Pangarap ko po talaga ang maging Civil Engineer. Marami kasi ang nagsasabi na ‘yun ang bagay sa aking kurso. Magaling daw kasi ako sa Math,” dagdag pa ni Gladys.
 
May mensahe naman si Gladys para sa mga batang nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral ngunit hindi ito pinaghuhusayan.
 
“Sana po mag-aral silang mabuti. Saka sana po,  lagi silang pumapasok. Ako po, magiging ganoon po ako kung nag-aaral po ako. Kasi po kawawa naman po ‘yung magulang nila. Sayang ‘yung baon saka po pagkabayad sa school nila. Sayang naman din po, kung hindi din po sila mag-aaral,” sabi ni Gladys.
 
 
Ang katotohanan, may ilang mga bata na hindi pinahahalagahan ang kanilang pag-aaral kahit pa may kakayahan ang kanilang mga magulang na pag-aralin sila sa magagandang eskwelahan. Habang mayroon din namang mga bata na tulad ni Gladys, na marunong, pero napipilitang isantabi ang pag-aaral para magtrabaho at mabuhay.
 
Kung tutuusin, hindi dapat ganito ang sitwasyon sa ating lipunan. Dahil ang mga gaya ni Gladys, mas malilinang ang kaalaman kung maibabalik sila sa eskwelahan at hindi maaga nang nakikipagsapalaran sa lansangan.
 
Sa mga gustong tumulong kay Gladys, maaari kayong tumawag sa mga numerong 09334122368 at 09101288695.---Carlo Isla/BMS, GMA Public Affairs

 

Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito ninyong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.
Tags: webexclusive