Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

Paalam at salamat, Ms. Elizabeth Ramsey



Para sa nakakaraming kabataan ngayon, kilala si Ms. Elizabeth Ramsey bilang ina ng singer na si Jaya. Marami ang hindi nakakaalam sa kanila na ang nanay na ito, minsan ding naging tanyag sa TV at sa entablado bilang singer at komedyante.
 
Kakaiba ang kaniyang uri ng pagpapatawa. Sa mga concert niya, sa grand entrance pa lang niya, hahagalpak na talaga ang mga tao sa katatawa. Ang mga ratsada ng kaniyang punchline, sunod-sunod na parang armalite. At hilig  niyang gawing katatawanan, hindi ang ibang tao, kung hindi ang kaniyang sarili.
 
Minsan ding bumida si Elizabeth sa isang klasikong patalastas ng panlabang bareta na Superwheel.
 
Pero bukod sa pagpapatawa, hindi rin matatawaran ang galing ni Elizabeth sa pag-awit. Kapag nagsimula na siyang kumanta, performance level talaga, isang katangian na marahil ay namana sa kaniya ng anak na si Jaya. Dati ngang tinaguriang Queen of Rock and Roll ng Pilipinas si Elizabeth.
 
Pero matapos mapabalitang na-stroke ang komedyante noong Agosto, nito lamang Huwebes, pumanaw na si Elizabeth sa edad na 83.
 
Nakapanayam ni Ms. Jessica Soho si Jaya, at dito ibinahagi ng singer ang pagmamahal ng ina, hindi lamang kaniya bilang anak, kung hindi pati na rin sa pagtatanghal na naging buhay niya sa loob ng mahabang panahon.
 

Makulay na buhay
 
December 3 ng taong 1931, ipinanganak si Elizabeth sa San Carlos City sa Negros Occidental. Miyembro ng Jamaican marine na nakabase noon sa Pilipinas ang kaniyang ama, samantalang ang kaniyang ina, Pinay may halong Kastila.
 
Sa murang edad pa lamang daw, kinakitaan na ng kakaibang potensiyal si Elizabeth. Hilig na nito ang pag-awit.
 
Sa pagluwas niya sa Maynila upang hanapin ang kaniyang kapalaran, naranasan ni Elizabeth ang maging kasambahay. Pero hindi ito nagtagal, dahil may iba palang kapalarang iginuhit ang tadhana para sa kaniya.
 
"I think ‘yung kaniyang goal, iisa lang, ang makilala bilang mang-aawit. Pero dahil sa kulay niya, wala siyang pera at nanggaling pa siya sa probinsiya, ang dami niya munang pagdadaanan. [But] not losing the thought na yun ang goal niya in the end, to become a famous singer," pagkukuwento ni Jaya.
 
Dahil na rin sa kaniyang hilig sa musika at pagkanta, sumali si Elizabeth sa isang banda. At ito na marahil ang naging simula nang kaniyang karera. Taong 1958 nang sumali at nanalo ang kanilang grupo sa singing contest sa Student Canteen. Mula noon, naging suki na ang kanilang grupo sa pagtugtog sa Clover Theater at Manila Grand Opera House. 
 
At dahil may talento rin sa pag-arte, unti-unting pinasok ni Elizabeth ang mundo ng showbiz bilang komedyante. Naging tampok siya sa iba't ibang pelikula at nagbida rin sa sarili niyang TV show na "The Elizabeth Ramsey Show."
 
Pero kung gaano kakulay ng karera ni Elizabeth, ganoon din ang kaniyang buhay pag-ibig. Una siyang ipinakasal ng kaniyang ama sa isang African-American kung saan nagkaroon siya ng dalawang supling.
 
Pero hindi nagtagal ang kanilang pagsasama ng unang asawa at agad na naghiwalay. Kinalaunan, nakilala ni Elizabeth si Rey Kagahastian na siyang ama ni Jaya.
 
 
Ina ng ng lahat
 
Pagsasalarawan ni Jaya, hindi ordinaryong ina si Elizabeth. Hindi man ito "motherly" na maituturing, kilala naman daw ito bilang ina ng lahat. Madalas, iniisip daw ni Elizabeth ang kapakanan ng nakararami.
 
"Kung titignan ninyo, ‘mother' siya ng lahat… ng mga taxi driver, jeepney driver, producer. Basta nakita siya, 'Oh Ma, Mama Beth,' 'Oh mader!' It's something that is easily said and felt about her. ‘Yung mga tao feeling niya lahat kamag-anak or anak niya kasi lahat nga sila tawag, Mama Beth. So she doesn't feel like there's a wall or a distinction or division between her and other people," kuwento ni Jaya.
 
At isa marahil sa mga nagustuhan na katangian ng kaniyang mga katrabaho sa kaniya, wala raw ipinagkaiba ang ugali nito sa kamera at sa totoong buhay.
 
"Walang naiba sa ugali niya. Kung ano ‘yung sa TV, siyempre mas enhanced kasi kantahan at komedya e. But at home, kung ano ‘yung personality niya sa bahay, same as sa TV," dagdag pa ni Jaya.
 
At kahit na nga abala ang ina sa kaniyang karera sa showbiz, ramdam din daw ni Jaya ang pagmamahal nito.
 
"Nu'ng bata-bata ako, naramdaman ko ‘yun na talagang malapit siya sa akin. Worried siya for me, maalaga siya sa akin. She'll give me anything, any ulam. Masarap siya magluto e," pagkukuwento ni Jaya.
 
Bago pa pumasok si Jaya sa mundo ng showbiz, matagal ding nanirahan ang mag-ina sa Amerika kung saan hindi biro ang kanilang naging buhay. Dekada nobenta nang bumalik sila dito Pilipinas.
 
Kuwento ni Jaya, malaki ang impluwensiya ni Elizabeth sa pagpasok niya sa showbiz.
 
"At the age of 10, [sabi niya sa akin] ‘Medyo malaki ka na e noh? Hindi na kita iiwan sa bahay, day. Magdancer ka na.' Ako naman, 'Anong dancer? Ano yun?,' 'Dancer sa show ko'. So naging dancer ako sa The Elizabeth Ramsey Show, may Ramsey's Angels. Du'n ako," kuwento pa ni Jaya.
 
Sa edad na 12, isinabak na rin daw siya ni Elizabeth sa kantahan. At dito na marahil nagsimula ang sariling karera ni Jaya bilang singer, isang maituturing na pamana mula sa kaniyang ina.
 
 
Mga huling sandali

Sa paglipas ng panahon at dahil sa mabilis na pagpapalit-palit ng artista sa mundo ng showbiz, unti-unti nang nabawasan ng proyekto si Elizabeth. Isang bagay na labis na ikinalungkot niya.
 
Nito lamang Agosto, napabalitang isinugod sa ospital ang batikang komedyante dahil sa hypertension at diabetes nito. Pagkukuwento ni Jaya, umabot ng mahigit 500 ang bilang ng blood sugar ng ina kaya inatake ito ng diabetic seizure. Nakabawi man sa kaniyang sakit, malaki naman ang pinagbago sa pangangatawan at kasiglahan ni Elizabeth.
 
At napansin daw agad ni Jaya ang mga pagbabagong ito. Ayon pa sa batikang singer, sinabi ng mga doctor na nagsimula na raw magkaroon ng dementia ang kaniyang ina dahil sa pinagdaanan nitong seizure. Nakadagdag pa raw dito ang depression ng ina na patuloy na hinahanap-hanap ang kaniyang mga "gig."
 
"Over the years, alam ko naman na nafu-frustrate siya kapag wala siyang trabaho… So sinasabi ko, ‘Why don't you relax and if you're going to work, it's for you,'" pagpapaliwanag pa ni Jaya.
 
At nito ngang Huwebes, tuluyan nang namaalam si Elizabeth nang pumanaw ito habang natutulog.
 
Pero para kay Jaya, namaalam man ang kaniyang ina, may iiwan itong legasiya para sa lahat.
 
"‘Yung kaniyang pagkawala, ‘yung pagpanaw niya, nabuo niya lahat ng puzzles na kailangan niyang tapusin. Lahat ng entertainment, ‘yung tipo ng entertainment na gustong niyang maibahagi sa mga tao, 'yung jokes, aral, lahat naibigay niya… That's why I know that even though she passed away, I think it's gonna be a long, long time bago siya makalimutan. I don't think nga makakalimutan pa siya e," pagmamalaki ni Jaya.
 
Sa pagpanaw ni Elizabeth Ramsey, iniwanan naman niya tayo ng masasayang alaala, ng kanyang musika, ng natatangi niyang komedya at ng mga alaala kung paano rin siyang isang napakabuting ina.—Carlo P. Isla/BMS, GMA Public Affairs