Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE
Ang bagong hamon sa Prinsesa ng Dabarkads Ryzza Mae Dizon
Kilala ang Philippine showbiz industry bilang minahan ng mga talento, partikular na ng mga batang nangangarap na maging artista. Kada taon, napakaraming mga chikiting na may iba’t ibang estado sa buhay at nagmula pa sa iba’t ibang parte ng bansa ang nadidiskubre dahil sa iba’t ibang talent at reality shows.
![](http://images.gmanews.tv/webpics/2015/10/4_(10)_2015_10_04_19_33_59.jpg)
![](http://images.gmanews.tv/webpics/2015/10/4_(10)_2015_10_04_19_33_59.jpg)
Isa sa mga mapapalad na batang ito si Ryzza Mae Dizon, produkto ng longest-running noontime show sa bansa, ang Eat Bulaga.
Taong 2012 nang una nating nakilala ang kuwela at bibo-bibong si Ryzza Mae. Itinanghal siya noon bilang grand winner ng Little Miss Philippines. Matatas magsalita, malutong sa pagbitiw ng kaniyang mga linya, at nag-uumapaw sa karisma, ganyan ang mga katangiang minahal natin sa kaniya.
At mula noon, malayo na nga ang narating ng ating “Aleng Maliit.” Naging parte siya ng hosting staff ng Eat Bulaga at nagkaroon pa ng sarili niyang talk show na “The Ryzza Mae Show” sa GMA-7.
Nakasama rin si Ryzza sa iba’t ibang pelikula tulad ng “Si Agimat, si Enteng Kabisote at Ako,” ang megahit na “My Little Bossings,” at “My Big Bossing’s Adventures.”
Pero matapos niyang makipagkulitan sa sambayanan bilang pinakabatang naging talkshow host sa Pilipinas, paiiyakin naman daw tayo ni si Ryzza Mae sa kaniyang pinakabagong teledrama… ang Princess in the Palace!
Muling nakapanayam ni Ms. Jessica Soho si Aleng Maliit para sa programang “Kapuso Mo Jessica Soho.” At dito, ikinuwento ni Ryzza kung paano niya ginagampanan ang panibagong hamon sa kaniya bilang isang seryosong artista.
![](http://images.gmanews.tv/webpics/2015/10/V73A8964_2015_10_04_19_35_39.JPG)
Panibagong Ryzza
“Bawal ang sad. Dapat happy!” Nasanay tayo sa mga katagang ito ni Ryzza Mae.
Pero iba na raw ang dapat na asahan natin mula kay Aleng Maliit mula ngayon. Pahinga muna raw siya sa pagbibigay ng good vibes. Bagkus, nag-uumapaw na drama ang dapat abangan sa kaniyang bagong teleserye.
Ayon mismo kay Ryzza, nahirapan siyang talakayin ang kaniyang mga eksena dahil bago ito para sa kaniya. Pero katulad din daw noong una siyang sumabak sa pagho-host ng “The Ryzza Mae Show,” naniniwala siyang masasanay din siya dito.
“Medyo mahirap po kasi hindi po ako sanay. Kasi po dati naghohost ako pero nasasanay naman po. Iba na [ngayon]. Hindi na puwede ‘yung sasayaw kahit kailan ko gusto, kahit anong gusto ko. Dito po, nasa script na kung anong sasabihin ko, kung ano pong ia-acting ko,” pagpapaliwanag ni Ryzza Mae.
Kung tutuusin, hindi na bago kay Ryzza Mae ang pag-arte. Katunayan, ilang acting awards na rin ang kaniyang napanalunan tulad na lang Best Child Performer sa Metro Manila Film Festival at sa Star Awards for Movies.
Pero sa panahong nahihirapan daw siyang harapin ang mga mabibigat na eksena, nagwo-workshop daw siya sa tulong ng mga batikang direktor at artista na sina Gina Alajar at Pen Medina.
“Kinakausap po ako ni Direk. Kunwari po ‘yung eksena iyakan po. Kinakausap ko po siya sa headset tapos sinasabi niya... isipin ko raw kung ano ‘yung nangyayari, unti-unti... tapos sasabihin nila ipikit ko raw 'yung mga mata ko, isipin ko po, tapos ayun na, iiyak na ako. Tapos thumbs up lang po daw kapag puwede na,” pagsasalarawan ni Ryzza Mae.
![](http://images.gmanews.tv/webpics/2015/10/1_(8)_2015_10_04_19_33_25.jpg)
![](http://images.gmanews.tv/webpics/2015/10/1_(8)_2015_10_04_19_33_25.jpg)
Bagamat naninibago, inaabot lang daw kadalasan si Ryzza Mae ng isa o dalawang “take” sa kaniyang mga eksena.
Kaya naman hinamon din siya ni Ms. Jessica Soho na gayahin ang ilan sa mga hindi malilimutang eksena sa piling pelikula tulad ng “Kaya Kong Abutin ang Langit” ni Maricel Soriano at “Here Comes the Bride” na pinagbidahan naman ni Angelica Panganiban. At lahat ng ito, kinaya niya ng isang “take” lamang.
At hindi pa rito nakuntento si Ryzza Mae. Ginaya rin niya ang isa sa mga paborito niyang karakter sa KalyeSerye ng Eat Bulaga, ang sikat na sikat na si Lola Nidora! At maging ito, binigyan niya ng hustisya.
Kuwento ng prinsesa
Kuwento pa niya, hindi pa rin naman daw nawawala ang pagdadala niya ng good vibes sa mga manonood. Sa katunayan, ang kaniyang role sa teleserye na si Princess Cruz ay larawan pa rin ng masiyahing bata.
Sa murang edad, darating ang unang kabiguan ni Princess sa pagkamatay ng kaniyang pinakamamahal na lolo. Dito na magsisimula ang mga pagsubok sa buhay niya bilang isang bata. At magbabago ang buhay ni Princess nang makilala niya ang Pangulo ng bansa na gagampanan ng batikang aktres na si Eula Valdez.
Pagkukuwento ni Ryzza, tutulungan ng Pangulo ang kaniyang karakter na magkaroon ng “transformation” mula sa isang mahirap na bata sa isang mala-Prinsesang Presidential daughter.
![](http://images.gmanews.tv/webpics/2015/10/IMG_3584_2015_10_04_19_34_35.JPG)
Ngayon pa lang daw, naiintindihan na ni Ryzza ang bigat ng kaniyang karakter sa teleserye. Pero kung mayroon man daw siyang hihilingin sa Pangulo, kung makakausap niya ito sa totoong buhay, hindi pagbabagong pisikal ang kaniyang hihilingin.
“Dear Mr. President, ang gusto ko pong sabihin sa inyo na sana po wala na pong traffic. At sana po maraming makakain, wala pong magugutom, at ‘yung mga bata po makakain po nang maayos. Tapos meron po silang magandang bahay, ‘yung sariling bahay po, hindi sila mahihirapan, ganu’n po,” sabi pa ni Ryzza Mae.
Hiling kay Ryzza Mae
At dahil nga mala-Presidential daughter ang ginagampanan ni Ryzza Mae sa kaniyang bagong teledrama, isang hiling mula sa masugid na manonood ng KalyeSerye ang susubukin niyang bigyan ng katuparan.
Ipinakilala namin si Ryzza Mae kay Katherine na fan na fan ng Kalyeserye. Sobrang kilig nga raw si Kathrina sa nakatakdang unang pagdalaw ni Alden sa mansion nina Lola Nidora noong Setyembre 27.
Pero hindi pa man nakakarating si Alden sa mansion, nakaramdam na si Kathrina nang pagle-labor at bigla na lang siyang napaanak! Kahit sa susunod na araw pa talaga ang kaniyang schedule para magsilang ng sanggol, napaanak siya dahil sa sobrang kilig!
Bilang pagbibigay-pugay na rin sa kasikatan ng KalyeSerye, ang ipinangalan ni Katherine sa kaniyang baby boy ay… Alden! At dahil dito, si Kathrina, mayroon munting kahilingan – ang makita niya sina Alden at Yaya Dub at maging ninong at ninang sila ng kaniyang anak!
![](http://images.gmanews.tv/webpics/2015/10/alden_ryzza_and_CS_2015_10_04_19_36_37.jpg)
![](http://images.gmanews.tv/webpics/2015/10/alden_ryzza_and_CS_2015_10_04_19_36_37.jpg)
At nito ngang Biyernes, habang naka-commercial break ang Eat Bulaga, pinapasok ni Ryzza sa backstage sina Mommy Kathrina at Baby Alden! Tila ba ang tamang panahon para kay Kathrina at sa kaniyang anak, dumating na agad-agad! Ultimate Bae Alden meets Baby Alden!
Si Alden naman, agad na kinarga ang kaniyang katukayo! Napanood na raw ni Alden ang kwento ng mag-ina sa news. At nang sinabi na ni Katherine ang kaniyang kahilingan, game naman si Alden!
“Gusto niyo po ba akong kuning ninong? Kapag malaki na si baby Alden dalhin niyo sya sa akin,” sabi ni Alden.
Dahil theme song na rin ng mag-ina ang “God Gave Me You,” si Alden mismo ang nangharana sa kanila.
Si Ryzza Mae naman, mission accomplished.
Mula sa pagiging “Aleng Maliit” hanggang sa naging Prinsesa na ngayon, tuloy-tuloy ang pagbuhos ng biyaya para kay Ryzza Mae. At ngayon, pinatutunayan lang na ang mga munting prinsesa tulad ni Ryzza Mae, puwedeng-puwede ring maging anghel para sa iba.--- CARLO P. ISLA/BMS, GMA Public Affairs
Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.
More Videos
Most Popular