Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang tinig ng pananampalataya at pag-asa ni April Boy Regino


Wala nga yatang hindi nakakakilala sa kaniya. Ang kaniyang mga awitin, patok na patok sa masa! Ang ilan nga sa kaniyang hit songs, ginawa pang title sa mga pelikula.
 
Trademark din niya ang pag-e-ekis ng mga kamay sa ere habang kumakanta ng sikat na sikat niyang kanta na “’Di Ko Kayang Tanggapin.” At bago pa nga sumikat ang “bigyan ng jacket ‘yan,” nagpapamigay na siya ng mga cap sa bawat TV guesting at concert performance niya.
 
Siya si April Boy Regino, ang nag-iisang Pambansang Idol ng Masa.
 
Dekada 1990s nang sumikat si April Boy Regino na unang bahagi ng grupo na April Boys, na kinabibilangan din ng dalawa pa niyang kapatid na sina Vingo at Jimmy. Kinalaunan, humiwalay si April Boy mula sa grupo upang simulan ang matagumpay na solo career.
 
Simula noon, sunod-sunod na ang hits ni April Boy tulad ng “Sana’y Laging Magkapiling,” “Umiiyak ang Puso,” “Esperanza” at “’Di Ko Kayang Tanggapin.”
 
Pero taong 2005, nagretiro si April Boy sa showbiz at nag-migrate sa Amerika. Hanggang taong 2009 napabalitang may prostate cancer siya. Na-diagnose din siya na may Diabetes.
 
Nitong nakaraang linggo, inanunsiyo ni April Boy ang kaniyang pagbabalik. Pumirma ng kontrata sa GMA Records para sa gagawin niyang inspirational album. At dito, ibinunyag niya ang panibagong hamon sa kaniyang kalusugan - bulag na ang kaniyang kaliwang mata, at ang kanang mata naman niya, 50% na lang din ang nakakakita.

 
Personal na binisita ni Ms. Jessica Soho si April Boy sa kaniyang tahanan sa Calumpang, Marikina, at dito ibinahagi ng tanyag na singer ang kaniyang mga pinagdaanan sa buhay.
 
Payak na simula
 
Tubong Caloocan at pang-apat sa walong magkakapatid si April Regino o kilala ngayong bilang April Boy. Sa paglalarawan niya mismo, “squatter” ang kanilang pamilya noon dahil nakatira sila sa tabi ng riles ng tren.
 
Dahil na rin sa hirap ng buhay, sa murang edad pa lamang, natuto na si April Boy na tumulong sa pagtataguyod ng kanilang pamilya. Kasa-kasama raw siya noon ng kaniyang mga magulang sa pagtitinda ng merienda, kung saan nagagamit niya raw ang talento niya sa pagkanta.
 
“Nagtitinda lang po kami ng mga kakanin nu’n, ‘yung mga banana que, kamote que, kung ano pong que. Tapos, kapag bibili sila, papakantahin po nila ako. Inuuto nila ako e, uutuin ko rin ho sila,” pag-alala ni April Boy.
 
Sa edad na 10, napagdesisyunan niyang iangat ang pamumuhay ng pamilya sa pamamagitan ng pagsali sa mga amateur singing contest. Dumadayo pa raw siya sa iba’t ibang probinsya, kasama ang ama niyang si Tomas Regino, para lang sumali sa mga paligsahan. Malaki raw kasi ang naitutulong ng mga premyong nakukuha niya para makatulong sa kanilang mga pangangailangan.

 
Dahil sa kaniyang angking galing niyang ito sa pagkanta, maaga ring nadiskubre ang talento ni April Boy. Sa edad na 14, madalas raw siyang maimbitahan bilang performer sa mga piyesta sa iba’t ibang lugar. Kinukuha rin daw siyang front act para sa iba pang mga sikat na performer.
 
Pero dahil mataas ang pangarap niya para sa pamilya, sinubukan niyang mag-audition at masuwerteng nakapasa na maging performer sa Japan. Taong 1987 nang tumulak siya papuntang Japan para maging folk singer.
 
“Napakabata ko pa ho nu’n. Kapag 18 kayo at mag-a-abroad kayo, parang bihira ‘yun nung panahon na ‘yun. Pero nakapasa naman ho ako. Nagpunta ako ng Japan. Naging Japayuki po ako," pagkukuwento ni April Boy.
 
At matapos ang ilang taong pamamalagi doon, bumalik siya sa Pilipinas para sa isang karerang babago sa kaniyang buhay.
 
Simula ng tagumpay
 
Taong 1993, sa pagbabalik ni April Boy sa bansa, binuo niya kasama ng mga kapatid na sina Vingo at Jimmy ang grupong April Boys. Ayon mismo kay April Boy, ang kanilang ina na si Lucena ang namuhunan para sa pagbuo sa kanilang grupo at paggawa ng una nilang album.
 
Dahil na rin sa simpleng tunog at makamasang mensahe ng kanilang awitin, naging instant hit agad ang isa sa kanilang pinakaunang single na “Sana ay Mahalin Mo rin Ako.”

 
“Salamat sa Diyos at nag-click ‘yung unang album namin kahit ang hirap po ng labanan dahil dati ho mga sikat na ang mga kalaban namin,” kuwento pa ni April Boy.
 
Pero hindi pa man nagtatagal ang kasikatan ng kanilang grupo, naghiwa-hiwalay ng landas ang magkakapatid. Taong 1995 nang simulan ni April Boy ang solong karera sa pagkanta, samantalang ipinagpatuloy naman nina Vingo at Jimmy ang kanilang duet na April Boys.
 
Bagaman parehong yumabong ang karera ni April Boy Regino at ng April Boys, marami ang nagtanong kung bakit nga ba humiwalay si April Boy sa grupo.
 
“Nu’ng medyo sumikat na ho kami, nagkatampuhan ho kami. Nagkahiwa-hiwalay kami. Sila po ang nag-duetz Ako po, nagsolo. Kasi po minsan, nagpapataasan din po ng ere. Pero bandang huli, magkakapatid ho kasi, nagkabati-bati rin ho kami,” sabi pa ni April Boy.
 
Humiwalay man sa grupo, hindi naman lumamlam ang kasikatan niya. Bagkus, lalo pang sumigla ang solo career ni April Boy. Patunay nito ang ilang hit album at hit singles na naitala niya mula 1995 hanggang mag-migrate siya sa Amerika.
 
Ilan lang sa mga hindi malilimutan niyang awitin ang “Umiiyak ang Puso Ko,” “Paano ang Puso Ko,” “Esperanza,” at ang multi-platinum hit song niyang “’Di Ko Kayang Tanggapin.”
 
Ang kantang “’Di Ko Kayang Tanggapin” ang maituturing na pinakamalaking hit song ni April Boy. Bukod kasi sa minahal ng masa ang kanta, sinasabayan pa ito ng choreography ni April Boy.
 
“Lahat ng action ko, ako ang gumagawa. Kasi ‘yun bang style ko ‘yun e, di ba lahat ng mga singer naghahanap ng para makilala siya, matandaan siya. Trademark. Pag kumakanta nga pala ako, naghahagis nga pala ako ng sombrero. Nakalimutan ko na rin ‘yun. Hindi ko na nagagawa, siguro mga ilang taon na rin, mga dalawa, tatlo. Kasi hindi na ako kumakanta e,” pagkukuwento pa ni April Boy.

 
Bukod sa mga sikat na awitin, humakot din ng maraming parangal si April Boy mula sa iba’t ibang award-giving bodies tulad ng “Most Promising Male Performer” mula sa Guillermo Mendoza Memorial Foundation at ng “Best Entertainer Of The Year” by the Parangal ng Bayan Award.
 
Napili rin ang ilan sa mga kanta niya na maging theme song para sa iba’t ibang pelikula.
 
Nang tanungin si April Boy kung ano ang pakiramdam ng buhay noong panahong sikat na sikat siya, “Palagay ko po dahil sikat na sikat po ako e, hindi ko po naalala ‘yung dating buhay ko na galing pala akong squatter. Pagkatapos po, nu’ng magkasakit na po ako, du’n ko nalaman ang tao pala nagkakasakit. Akala ko wala akong kamatayan kasi tingin ko si Superman ako e.”
 
Magkakasunod na pagsubok
 
Taong 2005, sa gitna ng kaniyang kasikatan at tagumpay, napagdesisyunan ni April at ng kaniyang pamilya na manirahan na sa Amerika. Doon, ipinagpatuloy pa rin ni April Boy ang pagkanta sa iba’t ibang Filipino communities.
 
Hanggang sa dumating ang una niyang dagok sa buhay. Taong 2009 nang ma-diagnose si April ng prostate cancer.
 
“Ito ‘yung pagsubok na hindi ko akalain na darating sa akin. Kapag sinabing cancer, mabibigla ka na lang sa sarili mo. Cancer? Mamamatay na ako,” sabi pa ni April Boy.
 
Napagpasiyahan ni April Boy na bumalik ng bansa para dito magpagaling. Sa tulong at pangangalaga ng kaniyang asawa at pamilya, nalampasan niya ang kabanatang iyon ng kaniyang buhay.
 
Pero hindi pa man siya tuluyang gumagaling sa kaniyang sakit na cancer, isa pang karamdaman ang dumapo kay April Boy. Taong 2013, nang magkaroon siya ng congestive heart failure.
 
“Nagsikip po ‘yung paghinga ko, tapos tinakbo ako sa ospital. Na-confine po ako ng dalawang araw du’n, pero pag uwi ko, dito na ho ako nagpagaling. Ayun na po, nagsimula na po akong umiyak nu’n dahil na-bedridden po ako. Sabi ko, parang mamamatay na ako," pagsasalarawan ni April Boy.
 
Pero nalampasan din niya ang karamdamang ito. Aminado si April Boy na naging matigas ang ulo niya habang siya’y nagpapagamot. Sa mga panahong nararamdaman niyang bumubuti ang kaniyang pakiramdam, bumabalik siya sa kaniyang bisyo – ang pag-inom ng alak.
 
“Ang nangyari sa akin basta't gagaling na ako, umiinom po ako ng beer. Ayun po ang kahinaan ko, hindi po ako nambababae, hindi po ako mahilig sa sugal. Sigarilyo, hindi rin po. Hindi po ako nagda-drugs. Pero alak po, malakas po akong uminom ng beer,” pagpapaliwanag niya.

 
Dahil dito, muling dinapuan si April Boy ng sakit – ang diabetes na siyang naging dahilan ng pagkabulag ng kaniyang kaliwang mata at panlalabo rin ng kanang mata.
 
Ayon kay April Boy, maraming kaibigan ang tumulong para lamang maipagamot siya, tulad na lang ng host na si Willie Revillame, si Pambansang Kamao Manny Pacquiao at si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
 
Sa lahat daw ng mga pinagdaanan niya, naisip pa raw ni April na wakasan na lang ang kaniyang buhay.
 
“Nu’ng nabulag ako, wala na. Nakalimutan ko na lahat sila, ang tingin ko sa sarili ko, kawawang-kawawa na ako. Para bang gusto ko nang magpakamatay,” kuwento pa ni April Boy.
 
“Naisip ko na wala na akong patutunguhan. Sumobra na po ‘yung pag-iyak ko, lagi na lang po akong nasa kuwarto, nasa kama. Natutulog ako at pinapaliguan ng misis ko, at pinapakain ako. Wala na po akong buhay. Wala na po akong pag-asa,” dagdag pa niya.
 
Pagbabalik-loob
 
Sa gitna ng kawalan ng pag-asa ni April Boy, nanatili sa kaniyang tabi ang asawa niyang si Madel.
 
“Basta lahat ng pagmamahal at suporta, binigay ko sa kaniya, dahil talagang kailangang-kailangan niya ako. Lagi kong sinasabi na huwag mawalan ng pag-asa, na manalig tayo sa Diyos. Kahit sabihin pa ng doctor na wala ng pag-asa, may pag-asa pa rin,” sabi pa ni Madel.

 
Ayon kay April Boy, muli raw ibinalik ng kaniyang asawa ang pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng sama-sama nilang pagdarasal at pag-aaral ng Bibliya.
 
“Dati po, ayoko na pong kumain, gusto ko nang mamatay. Tapos po, nu’ng nag-aral po ako ng Bible, talagang sobra po pananalig nila na may pag-asa pa. Ako naman po, umasa talaga ako na makakakita ako. Sabi ko, tutulungan ako ng Diyos,” kuwento pa ni April Boy.
 
Ayon sa kaniya, ang mga karanasang ito ang naging inspirasyon upang muling bumalik sa pagsusulat ng mga bagong kanta – mga kantang nagbibigay papuri para sa Panginoon.
 
“Sana po ‘yung kanta ko ngayon na Christian song, sana po magustuhan ninyo dahil talaga pong mula sa puso ko. Ang Panginoong Hesukristo lang ang tanging pag-asa. Siya lang ang magbibigay buhay sa atin. Wala na tayong kailangan pa. Hindi na natin kailangan ng pera, hindi na natin kailangan lahat dito sa mundo, kailangan lang ang pag-ibig na ibigay niya sa atin. Pag-ibig na ibibigay niya at ‘yun ang talagang buhay natin.”---Carlo Isla/BMS, GMA Public Affairs
 

 

Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.