Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga mandirigma ng karagatan sa Tawi-Tawi


Tahanan nang maituturing ng mga Badjao sa katimugang bahagi ng ating bansa ang karagatan. Hindi lamang kasi ito ang pangunahing pinagkukunan nila ng kabuhayan, ito na rin ang nagsisilbing kanlungan ng kanilang katutubong tradisyon, tulad na lang ng spear fishing o ang pangingisda gamit ang pana.
 
Sa ilalim ng karagatan ng Bongao sa Tawi-Tawi, isang tao ang maituturing daw na tunay na kumakatawan sa katauhan ng mga Badjao. Sisiw na sisiw sa kaniya ang languyin, sisirin at tuklasin ang malawak na karagatan habang naghahanap ng mapapanang isda!
 
Ang 63-anyos na si Santarawi Lalisan, itinuturing na ngayong isa sa pinakamatanda at pinakamagaling na maninisid na Badjao, hindi lang sa Tawi-Tawi, kung hindi sa buong bansa. Kaya niyang sumisid hanggang 75-feet sa loob ng mahigit tatlong minuto nang walang gamit na aparato.
 
Pumunta mismo ang programang “Kapuso Mo, Jessica Soho” sa Tawi-Tawi upang kilalanin si Santarawi at alamin ang hamon na araw-araw na kinakaharap niya at ng iba pang maninisid na Badjao para lamang mabuhay.
  
Ang maestro
 
Beterano at maestro. Ganito maituturing si Santarawi sa kanilang lugar. Bata pa lamang daw siya nang matutunan at maging bihasa sa pagsisid sa dagat – buong tapang na nilalakad ang ilalim ng dagat para lamang makapangisda.
 
Kapag nga raw sila’y pumapalaot, siya ang inaatasang sumisid ng lambat kapag ito'y sumasayad sa sahig. Umaabot pa nga raw ng mahigit 100-feet ang kaya niyang sisirin sa loob ng walong minuto nang walang ahunan! Minsan na nga rin daw nanganib ang buhay ni Santarawi, nang may humabol sa kanya noon na isang pating.
 
"Ang nagpapalakas ng loob ko, pagdarasal sa Diyos at tagabantay ng karagatan sa tuwing sumisid ako... Habang lumalalim, muntik na akong atakihin ng pating. Nagdasal na lang ako noon sa maawaing Diyos na ilayo ako sa panganib habang inaayos ko ang lambat," pagkukuwento ni Santarawi.
 
Pero kung mayroon mang isang talento na higit na kilala ang mga Badjao, ito ay ang pag-i-spearfishing o pamamana ng isda. At para mapanatili ang tradisyon nilang ito, personal na tinuturuan ni Santarawi ang kaniyang mga apo. 
 
Espesyal na leksiyon
 
Pagputok pa lang ng araw sa Bongao, nagtipon-tipon na ang magpipinsang sina Wowie, 13-anyos, Ben Najir, 9-anyos at Bong, 8-anyos, sa bahay ng kanilang Lolo Santarawi. Lahat sila, handa nang matuto ng isang espesyal na leksyon mula sa tinaguriang maestro.
 
Pero ang kanilang pag-aaral, hindi gaganapin sa loob ng apat na dingding ng eskuwelahan, kung hindi sa malawak at mala-kristal na karagatan ng Tawi-Tawi. At ang kanilang Lolo Santarawi, tuturuan silang "lumurop" o sumisid sa dagat na walang gamit kahit na anong aparato o diving gear.
 
Bago pa sila tuluyang lumusong sa karagatan ng kaalaman, nanalangin muna sina Lolo Santarawi at ang kaniyang mga apo kay Allah. Nagpasintabi rin sila sa mga tagapagbantay ng karagatan para daw maiwasan ang aksidente sa kanilang pagsisid.
 
Itinuro muna ni Lolo Santarawi sa mga apo ang tamang paghinga. At matapos isa-isang isuot ang kanilang mga antipara o goggles, sabay-sabay silang tumalon sa karagatan.
 
Sa pagsisid nila sa tubig na may lalim na mula dalawa hanggang 30 talampakan, kailangang tumagal nina Wowie, Ben Najir at Bong nang isang minuto o higit pa. "Freediving" ang tawag dito, kung saan walang diving gears o kahit anumang aparato ang ginagamit nila sa pagsisid. Ito raw ang natatanging talento ng mga Badjao.
 
"Free diving ay nagda-dive nang walang tangke... walang breathing aparatus, walang scuba gears... mask and snorkel lang, tapos magdive ka pababa while holding your breath... Mano-mano ito at kailangan na gumamit ng lubid, tapos mayroong tayong boi o guide na magsasabing hindi ka talaga mawawala," pagpapaliwanag ng Free Diving coach na si Gady Barro.
 
Dagdag niya, may espesyal na breathing technique para maisagawa ito. Pero kakaiba raw ang galing ng mga Badjao sa pagsisid. Kung ang iba raw kasi, tulad ng ilang banyaga na nagsasanay ng free diving, walang reaksiyon ang mga mukha sa pagsisid, nakukuha pa raw ng mga Badjao na ngumiti sa ilalim ng dagat.
 
“Actually, naa-amaze ako sa kanila… kasi masasabi ko napakatalentado ang mga Badjao in terms of ear equalization. Sa isang competition na ginawa namin on free diving, yung mga sumali na Badjao, ni isa sa kanila walang sumabog na ear drum… Parang in-born na automatic na lang na natututo sila,” kuwento pa ni Gady.
 
Sa loob ng tatlumpung segundo ng pamamalagi sa ilalim ng dagat, unang umahon sina Bong at Ben Najir. Kung tutuusin, maraming beses nang sinanay ni Lolo Santaraw ang dalawa sa pagsisid. Limang taong-gulang pa lang daw sina Bong at Ben nang una silang isinabak ng kanilang lolo sa pagsisid sa pusod ng dagat.
 
Magkasamang naninirahan ang mga pamilya ni Bong at Ben. Bukod sa maliit na sari-sari store, pangingisda ang pangunahing kabuhayan ng kanilang mga magulang.
 
"Kung may pagkakataon lang at pera, papag-aralin ko ang mga bata para hindi na sila sumisid para lang makakuha ng isda," sabi pa ni Sonny Boy Abdul, ama ni Ben Najir.
 
Kahit minsan daw, hindi pa tumutuntong sa paaralan ang magpinsan. Kaya nga maituturing silang "no read, no write." At ang tangi raw nilang pangarap, ang maging magaling na maninisid tulad ng kanilang Lolo Santarawi.
 
Natatanging estudyante
 
Sa magpipinsan, pinakatumagal sa ilalim ng dagat si Wowie. Umahon siya matapos ang mahigit isang minuto.
 
Tulad ng kaniyang dalawang pinsan, maaga ring natutong sumisid si Wowie. Walong taong-gulang pa lang noon si Wowie nang una siyang turuan ni Santarawi. Bagama’t nakatuntong ng Grade 1, hindi naman natutong bumasa at sumulat ang bata.
 
"Walong taon pa lang ako noong una akong sumama at nang simulan akong turuan ni Lolo. Sumasama talaga ako sa pangingisda," sabi pa ni Wowie.
 
Pamamana ng pugita ang kabuhayan ng ama ni Wowie na si Brus Li. Pero dahil hindi naman araw-araw may huli, madalas na nagtitiis ang pamilya nila sa gutom. Kaya naman sa murang edad, mas pinili na ni Wowie pumana ng isda para lang makatulong sa mga magulang.
 
Nakikita na raw ni Wowie ang kaniyang sarili bilang mandaragat sa kanyang pagtanda. At pangarap daw niyang mahigitan pa ang talento ng kaniyang lolo sa pagsisid. Pero batid niyang kailangan niya pang magsanay para gawin ito, dahil nahihirapan daw siya sa paghinga.
 
Pero para kay Santarawi, si Wowie ang nakikita niyang hahalili sa kanyang trono.
 
Tanging pamana
 
Umaabot daw sa tatlong beses sa isang linggo ang pagsasanay nina Wowie, Ben at Bong. At tumatagal depende sa kakayanan ng mga bata.
 
Nang balikan ng team ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” si Lolo Santarawi, halos nakaupo na ito sa sahig ng dagat. Tumagal pa siya ng mahigit tatlong minuto sa ilalim, saka umahon at muling bumalik sa sasakyang bangka.
 
Sa kanyang pag-ahon, mababakas na kay Lolo Santarawi ang maraming taon ng paglangoy at pagsisid niya sa karagatan ng buhay – ang maraming taon ng pakikipagsapalaran at pagtataya ng kaligtasan para lamang mabuhay.
 
At batid niya na hindi na siya bumabata. Kaya nga lahat daw gagawin niya, para masigurong maipapasa ang natatangi niyang galing at kaalaman sa mga susunod na henerasyon ng mga Badjao.
 
"Sa palagay ko, kaya ko pang sumisid hanggang sa pagtuntong ko ng 90-anyos. Sana kayanin ko pa... Pangarap ko para sa aking mga apo, kahit hindi na sila mag-aral, mahalaga na matutunan nila ang ginagawa ko, kahit sa ganoong paraan, para na rin sa kanila," sabi pa ni Santarawi.
 
Si Lolo Santarawi ay isa lamang sa mga mga natatanging mandirigma ng Tawi-Tawi. Mga mandirigmang kung tutuusin, hindi lamang nasa pusod ng dagat ang laban kundi na rin sa ibabaw ng lupa – ang laban kung paanong mabuhay nang hindi itinataya ang kanilang mga buhay. ---Carlo Isla/BMS, GMA Public Affairs

 

Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.