Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Awit ng pagmamahal at pangungulila ni Chastine para sa ina


Mapanonood ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.

 
Hangad ng bawat magulang na personal na mapalaki at mapangalagaan ang kaniyang mga anak. Nais niyang maging bahagi ng bawat kabanata ng kanilang paglaki at pagtanda – mula sa kanilang unang hakbang, sa una nilang pagtuntong sa eskuwelahan, sa kanilang pagdadalaga at pagbibinata, hanggang sa makatapos sila sa kolehiyo.

 
Pero dahil na rin sa hirap ng buhay, maraming magulang ang napipilitang makipagsapalaran sa ibang bansa para lamang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya. Dahil dito, maraming kabataan ang nahihiwalay sa piling ng mga magulang.
 
Kahit noon pa man, pinipilit na ng mga magulang na Overseas Filipino Worker na magpatuloy ang kanilang komunikasyon at paggabay sa kanilang mga anak. Isa ngang paraan nito, bukod sa mahal na overseas call, ay ang pagpapadala ng voice tape.
 
Sa pamamagitan nga ng voice tape o boses na ini-record sa cassette tape, sinusulit ng mga nagkahiwalay na mag-anak ang kuwentuhan, kantahan at balitaan.
 
Ngayon, sa tulong ng makabagong teknolohiya, mas napadali na ang pakikipag-ugnayan ng mga OFW sa kani-kanilang kamag-anak sa ating bansa.

 
Nito nga lang nakaraang linggo, viral ang video ng 10-anyos na si Chastine Enolva na kinakantahan ang kaniyang ina na nasa UAE o United Arab Emirates, upang mapawi ang pangungulila niya sa kaniyang pamilya.
 
Pinuntahan ng programang “Kapuso Mo, Jessica Soho” si Chastine at inalam ang kuwento sa likod ng kaniyang viral video.
 
Malayo sa piling ng magulang
 
Nadatnan ng KMJS team ang batang si Chastine sa kanilang bahay sa Bataan. Siya at ang apat pang mga kapatid ay naiwan sa pangangalaga ng kanilang lolo at lola mula ng umalis ang ina nilang si May, halos dalawang taon na ang nakalilipas.

 
Taong 2010 nang unang nakipagsapalaran sa Qatar bilang mekaniko ang haligi ng tahanan ng pamilya Enolva na si Cesar at naiwan sa pangangalaga ni May ang lima nilang anak.
 
Pero dahil lumalaki ang kanilang mga supling at nadadagdagan ang pangangailangan ng buong pamilya, taong 2013 nang magpasyang mamasukan si May bilang Domestic Helper (DH) sa United Arab Emirates.
 
“Hindi ho namin maiwasang malungkot dahil nakikita namin ‘yung mga anak nila, ang dami pa naman nila. Kaya nilalakasan na rin lang namin ang loob namin para hindi naman makita nu’ng mga apo namin na nag-aalalang kami nang husto sa mga magulang nila,” sabi ni Donato Angeles, lolo ni Chastine.

Bagama’t ang kanilang lolo at lola ang gumagabay sa kanila, naatang ang responsibilidad ng pagiging magulang sa 17-anyos na si Xyrra, panganay sa magkakapatid.
 
“Nu’ng umalis po si nanay, para pong may kulang. Wala pong gabi na hindi po ako umiiyak kasi po sobrang makananay po talaga ako. Napakahirap po talaga kasi nu’ng nandito po si nanay, palagi siya ‘yung gumagawa ng lahat tapos. Nu’ng umalis siya, naiwan po sa akin lahat,” pagkukuwento ni Xyrra.

 
Dahil na rin wala talagang sumusubaybay na tunay na mga magulang, ang pangalawa sa magkakapatid na si Eric, aminadong natututo na rin daw magbulakbol.
 
“Bilang anak, siyempre hindi kami sanay na malayo kay nanay. Sa totoo lang, ayaw ko sana siyang mag-abroad, pero dahil nga sa kulang ‘yung padala ni tatay, pinayagan namin siya kaysa naman sa pare-parehas kaming magutom,” sabi ni Eric.
 
Pero bilang unico hijo ng pamilya, batid ni Eric ang responsibilidad niya para sa mga kapatid na babae. “Nasabihan din ako ni nanay, palibhasa iisa akong lalaki, na ako ang magtatanggol sa kanila. Kaya pinilit kong magbago kahit na mahirap, kinaya.”
 
Sukli sa mga sakripisyo
 
Sa limang magkakapatid, ang bunsong si Chastine ang lubos na nangulila sa pagmamahal ng kaniyang ina. Walong taon lamang siya nang maiwan ni May sa pangangalaga ng lolo at lola at mga kapatid.
 
“Simula po noong umalis si nanay, nalungkot na ako dahil wala na pong mag-aalaga sa akin. Madalas, kinukuha ko po ‘yung picture niya, tapos habang natutulog ako, yakap-yakap ko po ‘yung picture ni nanay,” paglalarawan ni Chastine.
 
“Naiinggit po ako sa ibang mga bata kasi sila po, ‘yung mga nanay at tatay nila nandito. Kasama po nila. Kami po hindi. Pero masaya naman po ako kasi po may nag-aalaga naman po sa akin, si ate saka si kuya,” dagdag pa ni Chastine.

 
Gayumpaman, ang sakripisyo ng kanilang mga magulang, sinusuklian niya sa pamamagitan ng pag-aaral nang mabuti. Nasa Grade 5 na ngayon si Chastine.
 
“Nagsusumikap po akong makapagtapos ng pag-aaral para po hindi na magtrabaho si nanay. Dito na lang po siya sa bahay namin. Gusto ko pong umuwi na si nanay para pag yumaman na ako, ibibili ko po siya ng magagandang damit at sapatos,” sabi ni Chastine.
 
At hindi nga lang sa eskuwelahan inspirado si Chastine, maging sa mga gawaing bahay, maaasahan siya.
 
“Kapag wala po siyang pasok, sumasama siya sa lola namin sa bukid para mamulot ng mga palay. Katulad na lang noong nakaraang bakasyon, sumama po siya sa amin na manghuli ng mga binhing bangus,” kuwento ni Xyrra.
 
Ang pangungulila ni Chastine sa ina, idinadaan niya sa pagkanta. Sa katunayan, sa tuwing sila’y mag-vi-video chat, madalas daw niyang kantahan si May. Pumupunta pa raw si Chastine sa computer shop para lamang makausap at makantahan ang ina.
 
“Kapag kinakantahan ko po siya, para pong nandito na siya sa tabi ko. At kapag kinakantahan ko raw siya, nawawala raw po ‘yung pagod niya, parang hindi na siya nagtatrabaho,” sabi ni Chastine.

 
At nito nga lang June 27, na-video-han ng may-ari ng isang computer shop si Chastine habang kinakantahan ang ina.
 
“Sobrang na-touch kasi nu’ng nakita ko na kinakantahan niya ‘yung nanay niya. Kaya nagpaalam akong kukunan ko siya ng video, para ma-share sa iba ‘yung  inspiring na story niya at ang angelic voice niya,” kuwento ni Max Garchitorena na siyang kumuha ng video.
 
Isang sorpresa
 
Nito lamang Huwebes, sa tulong ng KMJS team, muling nag-Skype ang mag-iina para kumustahin ang bawat isa. Dito na muling ipinaramdam ni Chastine ang pangungulila at pagmamahal sa ina sa pamamagitan ng isang kanta. At hindi naiwasang maging emosyonal ng lahat.
 
Hindi na nag-aksaya pa ng panahon si May na ipahiwatig sa kaniyang mga anak ang kaniyang pagmamahal. Pinangaralan din niya ang mga ito na pagbutihin ang pag-aaral at mahalin ang isa’t isa.
 
“Salamat, salamat sa lahat-lahat mga anak ko, kahit hindi ako naging perpektong nanay. Minsan masungit, minsan nagagalit, pero lagi ninyong tatandaan, mahal na mahal ko kayong lahat. Wala akong hindi titiisin para sa inyo, kahit gaano kahirap,” sabi pa ni May sa mga anak.

 
Sa hiwalay na panayam kay May, ibinahagi niya kung gaano kahalaga ang marinig niya ang tinig ni Chastine.
 
“Nawawala ‘yung pagod ko kahit na hirap na hirap ako sa pinagtatrabahuhan ko. Napakahirap maging (domestic helper). Lahat ng hirap kasi hindi ka naman puwedeng mamahinga katulad ng nasa Pilipinas. Pahinga mo lang ‘yung pakikipag-usap mo sa mga anak mo,” kuwento pa ni May.
 
Ayon kay Xyrra, minsan lang nila makausap ang ina, dahil sa bukod sa abala sa trabaho, maliit lamang din daw ang kinikita nito para makabili ng load para sa panlagiang pantawag sa pamilya. Bukod pa rito, kailangan pa rin nilang pumunta sa computer shops para umarkila ng computer.
 
Bilang sorpresa, binigyan ng KMJS team ang pamilya Enolva ng isang tablet at wifi para hindi na problemahin ng mag-iina ang renta sa computer – isang simpleng regalong maglalapit sa pamilyang milya-milya ang layo sa isa’t isa.

 
Ang kuwento ni Chastine ay isang halimbawa lang ng mahigit siyam na milyong kabataang nangungulila sa mga magulang na nakikipagsapalaran sa ibang bansa.
 
Pero salamat sa teknolohiya, naipadarama pa rin ng mga kabataang tulad ni Chastine ang pagmamahal at naiibsan ang pangungulila sa kanilang mga ina.
 
At ang mga inang tulad ni May, nagagampanan ang pangunahing responsibilidad na maging ilaw ng tahanan, patuloy na nagsisilbing tanglaw at liwanag sa kanilang mga anak.---Carlo P. Isla/BMS