Pinoy pride: Talentong maipagmamalaki sa buong mundo
Ang katatapos lang na Asia’s Got Talent (AGT) ay masasabing selebrasyon ng mga galing at talento ng mga taga-Asya. Iba’t ibang klase ng pagtatanghal, mula sa pagkanta, pagsayaw, mahika at maging shadow play, na nagmula sa iba’t ibang bansa ng Asya.
Pero ang AGT, tila naging “playground” ng mga talentadong Pilipino. Apat kasi sa Grand Finalists nito, mga Pinoy – ang shadow play performers na El Gamma Penumbra, ang opera singer na si Gerphil Flores, ang hip-hop dancers na Junior System at ang child music prodigy na si Gwyneth Dorado.
Sa huli, isang grupo ng mga Pilipino ang nagwagi. Ang El Gamma Penumbra ang itinanghal na kauna-unahang AGT Grand Winner dahil sa makabuluhan at madamdaming tema ng kanilang shadow play.
Pagsisimula ng El Gamma Penumbra
Hindi inakala ng 13 miyembro ng El Gamma Penumbra na uukit sila ng kasaysayan ng bansa bilang kauna-unahang AGT champion. Para sa grupo na nagmula sa Tanauan Batangas, ang makapagbigay lamang aliw at inspirasyon ang tanging hangad nila noong una nilang buuin ang grupo.
Taong 2008 nang mabuo ang grupong El Gamma Penumbra. Hango ang kanilang pangalan sa “El Gamma” na ibig sabihin ay “The Ray”, at Penumbra na nangangahulugang “shadow.”
Sa panayam ng Kapuso Mo Jessica Soho sa grupo, ibinahagi nila na hindi naman talaga “shadow play” ang kanilang orihinal na genre. Hip-hop daw ang una nilang kinahiligan. Pero para umangat ang kanilang mga performance sa mga sinasalihan nilang talent contest, naisipan nilang mag-shadow play.
“Hindi po kami nahihiyang sabihin na sa mga barangay lang po, sa mga kalye, sa mga munisipyo, sa mga bayan, sa mga probinsiya kami nagsimula. ‘Yun po ang naging buhay ng El Gamma Penumbra. ‘Yung mga maliliit po na lugar na yun na nasimulan namin mabigyan ng ngiti, dun po kami nagkaron ng lakas ng loob at ng inspirasyon para mas galingan pa namin sa kumpetisyong ito.”
Hindi ito ang unang beses na sumali ng grupong El Gamma Penumbra sa isang talent contest. Sa katunayan, ang pagsali sa mga talent contest ang kanilang naging puhunan para makapagpundar ng kanilang mga kagamitan at ng kanilang sariling studio para sa kanilang pag-eensayo.
Isa nga sa pinakahuling sinalihan ng grupo ang Pilipinas Got Talent, ang bersiyon ng AGT ng ating bansa. Hindi pinalad ang grupo na makalampas sa elimination round.
Itinadhanang tagumpay
Nang mabalitaan nila ang pre-audition ng AGT sa isang mall sa Pasay, nag-isip pa muna ang grupo kung sasali sila o hindi.
“Noong una po, hesitant kaming sumali kasi nakakatakot po kasi Asia's Got Talent ito. So, naglakas po kami ng loob at nag-pray at nagsimula po kaming magkonsepto. Dinala po kami ng tadhana sa SMX, dun na po nag-umpisa yung journey po namin sa Asia's Got Talent.”
Tadhana at talento – itong dalawa nga marahil ang nagdala sa El Gamma Penumbra sa tagumpay.
Pero hindi raw naging madali ang tagumpay para sa kanila. Paglalarawan nila, “pigaan ng utak” ang kanilang ginawa para lamang makapag-isip ng mga konsepto para sa kanilang mga pagtatanghal. Kinailangan din nilang mag-ensayo ng mahigit 12 oras araw-araw.
Sa unang performance pa lamang ng grupo sa kanilang elimination round, napahanga at napaibig na nila ang Indonesian judge na si Anggun. Si Anggun ang pumindot ng “Golden Buzzer” na awtomatikong nagpasok sa grupo sa Grand Finals.
Sa kanilang Finals performance, muling napaluha si Anggun sa tema ng kanilang itinanghal – ang pagbibigay halaga sa kalikasan. Umani rin ang grupo ng papuri mula sa iba pang hurado.
“What really makes me fell in love with you, with your performance is the fact that the possibility of messages that you can put is endless. And tonight you raised awareness of how important Mother Nature is… Our job as entertainers, we are here to entertain people. But if you can, if we can raise awareness on subjects that really matter, that makes our job more noble,” sabi ni Anggun.
Sa huli, naging sulit daw ang lahat ng pagod at pagsisikap ng grupo nang itanghal na silang panalo.
Lahat panalo
Maituturing na tagumpay ng bawat Pilipino ang pagkakapanalo ng El Gamma Penumbra at ang pagkakapasok sa Grand Finals ng iba pang Pinoy performers na sina Gerphil Geraldine Flores, Junior New System at Gwyneth Dorado.
Nakasama pa sa Top 3 si Gerphil, na itinuturing na “Golden Girl” ng batikang musician at huradong si David Foster. Si Foster naman ang pumindot ng Golden Buzzer para makapasok si Gerphil sa Grand Finals.
Pero nang hindi mapabilang sa Top 2 si Gerphil, mahigpit ang naging pagyakap sa kanya ng mga kababayan. Si Foster, umakyat pa sa entablado upang yakapin si Gerphil at personal na sabihin ang mensahe sa kanya.
Sa panayam din ng Kapuso Mo Jessica Soho kay Gerphil, sinabi niyang kahit hindi siya nanalo, nananalig siya na ang pagsali niya sa AGT ang kanyang golden ticket sa pag-abot sa inaasam asam niyang “Impossible Dream”!
Bagama’t hindi nanalo, pinahanga pa rin ng 10-anyos na si Gwyneth Dorado at ng Junior New System, hindi lamang ang mga hurado, kung hindi lahat ng manonood sa Asya at sa buong mundo.
Ang sabi nga ng El Gamma Penumbra, “‘Yung tagumpay po naming 'to ay dine-dedicate din po namin sa tatlo pa na kasamahan namin na Pilipino sa grand finals, kina Gerphil, Gwyneth at saka po sa Junior New System. Ang tagumpay pong ito ay hindi lang po tagumpay ng El Gamma Penumbra pero tagumpay po naming apat.”
“Gusto naming magpasalamat sa mga Pilipino kasi hindi kami mananalo kung wala po kayo. Kaya po lahat po tayong mga Pilipino magpunyagi na ang El Gamma Penumbra ay isang Pilipino at kauna-unahang naging Asia's Got Talent grand winner. History na po ang mga Pilipino!”
Hindi na nga raw sapat ang mga entablado sa ating bansa para sa angking galing at talento nating mga Pilipino. Unti-unti, sinasakop na natin ang iba’t ibang rehiyon sa buong mundo, mapa-America, Europe o Asya. At ang katatapos lang na Asia’s Got Talent, patunay lamang kung gaano tayo kayaman sa talent, kung gagamitin lamang natin sa wasto.?Carlo Isla/BMS