Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

One on one with Willie Revillame


Mapanonood ang Kapuso Mo, Jessica Soho tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.

Halos dalawang taon mang nawala sa mata ng publiko, tila hindi ininda ni Willie Revillame ang pagpapahinga sa TV.

Oktubre 2013 nang huli siyang mag-host ng game show sa TV5. Simula noon, lumabas ang mga bali-balitang lagi raw siyang nagka-casino – at nagkaroon pa nga raw ng malaki-laking talo.

Pero sa kabila ng mga kontrobersiyang bumabalot sa kaniyang yaman, isa lang ang sagot ni Willie: “Hindi ko naman ninakaw ang perang ito. Pinaghirapan ko naman po ito at ginagastos ko sa sarili kong happiness.”

Wheel of Fortune

Sa isa sa mga villa ni Willie sa Tagaytay ginanap ang panayam sa kaniya para sa “Kapuso Mo, Jessica Soho.” Dito niya ikinuwento kung paanong mula sa pagpapahid ng krudo sa jeep, naging isa siya sa mga pinakamayamang TV personality.

Lumaki si Willie na palipat-lipat ng tahanan dahil hindi maganda ang relasyon ng kaniyang mga magulang. “Mahirap ang nanay ko eh. Noong [tumira] ako sa nanay ko, kailangan kong mabuhay sa mundo,” kuwento niya. “Kaya noong lumalaki-laki ako, doon ako natuto na maging barker. Hindi ko nakakalimutan iyon.”

Mula sa pagiging barker, nakahiligan ni Willie ang pagtugtog ng drums. Sa pagiging musikero niya nahanap ang puso para mag-perform. Unti-unti, napasabak siya sa showbiz.

Noong 1986, pumasok muna si Willie bilang isang “hawi boy” o isa sa mga sidekick ni Randy Santiago sa programang “Lunch Date” ng GMA Network. Hindi nagtagal, naging co-host na siya rito.

Mula noon, samu’t saring mga programa na ang kaniyang nilabasan.

Pero ang pinakamatagumpay niyang break ay noong 2005 nang bigyan siya ng ABS-CBN ng pagkakataong mag-host ng isang noontime variety show. Ngunit sa mga panahong ito rin nangyari ang pinakamalaking pagsubok kay Willie nang nagkaroon ng stampede sa Ultra sa unang anibersaryo ng kanyang programa kung saan 71 ang namatay.

“Kayo [kaya ang] dumaan sa stampede, na 71 dead people;” aniya “Nakaluhod ako sa lahat ng patay. Umiiyak [ako], humihingi ako ng tawad.”

Nang kanselahin ang programa ni Willie sa ABS-CBN, lumipat naman siya ng TV5 kung saan iba’t ibang isyu rin ang kaniyang kinaharap.

Tila rollercoaster ride ang naranasan niya sa kaniyang karera. Ikinumpara niya ito sa pagsulat ng unang letra ng kaniyang pangalan  “W. Up-down-up-down-up," ani Willie. “Mabuti na lang, up yung huli.”
 
Biyaya ng TV
 
Sa mahigit dalawang dekada niya sa telebisyon, marami nang naipundar si Willie. Sa Tagaytay pa lang, limang ektarya na agad ang kaniyang lupain. Mayroon pa siyang mga bahay at condominium sa Quezon City. Kung susumahin, milyun-milyon na ang halaga ng mga ito – hindi pa kasama riyan ang luxury cars na milyon din kung pumatak sa merkado.

Mula sa pagiging batang kalye ng Caloocan na wala halos maipakain sa kaniyang mga kapatid, hindi na niya problema ang salapi ngayon. “Nakapagtabi na ako. At ‘yung mga anak ko, hindi na ‘yan magugutom.”
 
Hindi totoo ang suwerte

Sabihin man ng marami na isa na si Willie sa mga pinakamasuwerteng tao sa bansa, itinatanggi niya na dahil lamang sa suwerte ang kaniyang tinatamasang tagumpay.
 
“Hindi kasi ako naniniwala sa suwerte e, naniniwala ako sa hard work, naniniwala ako sa blessing ng Panginoong Diyos,” ani niya.
 
Lahat ng mga naipundar ni Willie – mula sa bawat muebles sa kaniyang bahay at bawat damit sa kaniyang cabinet – katas daw ng paghihirap at pagpupursigi. 
 
Pero hindi man siya naniniwala sa suwerte, minsan na siyang umasa sa kapangyarihan nito nang mahilig siya sa sugal. Inamin ni Willie na naging laman talaga siya ng mga casino noong siya’y nakapahinga.
 
“Naglibang lang ako sa buhay ko. Alam ko na ang pain, alam ko na ang success sa casino,” kuwento niya. “Pinagdaanan ko lang sa buhay, pero hindi ako magpapaubos [doon].”
 
“Ano ang pinakamalaking talo mo at saka pinakamalaking panalo?” tanong ni Ms. Jessica Soho.
 
“Text kita,” biro ng komedyante.
 
Ngayong may bago na namang kabanata na magbubukas para kay Willie, magiging usap-usapan na naman ang mga isyu tungkol sa kaniya. Sa kaniyang pagbabalik sa telebisyon, ang tanong ng karamihan ay hindi lamang kung mainit siyang tatanggapin muli ng mga tao, kundi kung makaiiwas na rin siya sa kontrobersiya at gulo.