Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

Napakasakit, Kuya Eddie: Ang bagong pagsubok ni Roel Cortez


Mapanonood ang Kapuso Mo, Jessica Soho tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.


Hindi man siya kasing sikat ng mga naglalakihang bituin sa music industry, hindi naman malilimutan ng mga tao ang ngayo’y “classic” na niyang mga awitin. Siya si Roel Cortez, ang umawit ng Sunday radio staples na “Baleleng” at “Napakasakit, Kuya Eddie.”
 
Pero halos isang taon matapos isahimpapawid ang kaniyang kuwento sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” isang bagong pagsubok naman ang kailangang harapin ng mang-aawit – at ito ay tunay ngang “napakasakit.”

Ang sinapit ng kaniyang buhay
 
Ako’y naririto, nagbabanat ng buto
Sa mainit na siyudad sa bansa ng Arabyano…
 
Intro pa lang ng kantang ito, may kurot na agad sa puso ng mga Pilipino.
 
Dekada ‘80 nang unang marinig sa radyo ang kanta ni Roel Cortez na sumasalamin sa hirap ng mga Overseas Filipino Worker. Ginamit ito bilang theme song ng sikat na programa sa radyo na “Kahapon Lamang.”
 
14-anyos pa lang daw si Roel noong magsimula siyang kumanta sa mga bar sa Maynila. Sumasali rin siya sa mga amateur singing contest upang masimulan ang pangarap niyang karera sa musika.
 
Tila dininig naman ng langit ang kaniyang mga hiling dahil sa isang contest na kaniyang sinalihan, may nakadiskubre sa kaniyang talento. Record producer daw ito at tutulungan niya si Roel na makamit ang matagal na niyang minimithi.
 
1984 nang lumabas ang unang album ni Roel. Sa loob lang ng isang taon, nakabenta na ito ng 100,000 kopya.
 
Naging matiwasay ang buhay ni Roel, malayong-malayo sa pagiging palaboy niya noong tutulan ng mga magulang ang kagustuhan niyang maging mang-aawit – at malayong-malayo rin ngayon, kung kailan may iniinda na siyang sakit.


Baleleng

Sa panayam ng KMJS kay Roel Cortez noong nakaraang taon, nabanggit niyang isa sa pinakamahalagang investment niya ay pag-aralin ang nag-iisa niyang baleleng o prinsesa, si Corazon – butihing maybahay, ina ng walo nilang mga anak, inhinyerang tumatayo bilang padre de pamilya.
 
Retirado na kasi si Roel. Maliit na lamang ang royalty na nakukuha niya mula sa kaniyang mga kanta. At bukod doon, hindi na rin siya makabangon mula sa kama.
 
Napag-alaman ng pamilya ni Roel na mayroon siyang Stage 4 Colon Cancer dalawang linggong nakaraan. Kaya raw pala namayat ang mang-aawit pero lumaki ang tiyan nito. Nahihirapan din siya sa pagdumi at parating nananakit ang sikmura.
 
“Bakit ganito ang binibigay [ng Diyos] sa akin? Sawa na ako sa buhay na ganito;” malungkot na tanong ni Roel.
 
Dahil sa kondisyon ng asawa, doble-kayod si Corazon sa Makati. Lingguhan lang kung siya’y umuwi kaya mga anak nila ang tagabantay ni Roel.
 
Nangungulila man sa isa’t isa, tinitiis na lang ito ng mag-asawa. “Kahit nagtatrabaho ako, obligasyon ko bilang asawa na... intindihin lahat ng pangangailangan niya,” ani Corazon.
 
Sa kabila ng pagsisikap nila, dumarami pa rin ang bayarin, mahal pa rin ang mga gamot, at ‘di pa rin sumasapat ang kanilang kita.

May pag-asa
 
Sa tulong ng KMJS, naiparating sa mga malalapit na kaibigan ni Roel sa industriya ang kaniyang kondisyon. Hindi naman sila nag-atubiling magbigay ng mensahe para sa kapwa nila mang-aawit.

At para lalong maibsan ang bigat ng problemang pasan nina Roel at Corazon, sinorpresa rin sila ng Pinoy Folk Singer na si Ka Freddie Aguilar!

Kasama rin ni Ka Freddie si Jerico Rimas, composer ng ilang mga kanta ni Roel.

Mahirap man ang pagsubok na kailangang pagdaanan ni Roel ngayon, tila nabigyan naman siya ng bagong pag-asa – na kahit anong mangyari, marami pa ring handang tumulong sa kaniyang nagbigay sa mundo ng napakagandang musika.

Pangako ni Roel, patuloy siyang lalaban.---Princess Daquigan/BMS

Para sa mga nais tumulong kay Roel Cortez, tumawag lang sa 09175369192 at 09066424812.