Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

Kakanin-on-the-go!: ang kuwento ng inspirasyon ni Kakanin Chief


Kakanin Chief. Ito ang naging bansag kay Fernando Gonzales, ang MMDA Officer na kamakailan lamang ay sumikat sa social media dahil sa kaniyang kakaibang raket---ang pagbenta ng kakanin sa mga motorista.

Patok na patok sa mga motorista ang mga paninda ni Kakanin Chief, pero maniniwala ba kayo na ang recipe sa isa niyang binebenta, hango sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho?”

Ito ang Kuwentong KMJS ni Fernando Gonzales.

Ang winning recipe

Nagsimula ang lahat sa P300.

Hindi sapat ang kinikita ni Fernando bilang MMDA traffic enforcer para mabuhay nang matiwasay ang kaniyang asawa at dalawang anak. Isang araw, nalaman nilang mag-asawa na P300 na lang ang pera nila -- at wala na silang iba pang mapagkakakitaan.

“Gumawa tayo ng kakanin!” suhestiyon ng asawa ni Fernando. Bilang desperado at wala nang alam na iba pang paraan, pumayag siya. Pinagtulungan nilang mag-asawa ang paggawa at pagbenta ng kakanin hanggang ang P300 naging P1,000.

Nang umabot sa P2,000 ang kanilang kita, naisipan nilang gumawa ng iba pang klase ng kakanin. Dito nila sinubukang magtinda ng turon at ang recipe --- natutunan nila sa KMJS!

“Naka-tune po kami sa ‘Kapuso Mo, Jessica Soho.’ Ipinakikita po ‘yung mga iba't ibang uri ng pagkain, kagaya po noong turon ng Benguet,” kuwento ni Fernando. “Doon po kami nag-start makakuha ng ideya kasi madali lang at mukhang masarap.”

Kinabukasan, sinubukan nilang mag-asawa ang nakitang recipe sa TV. Noong una, wala pa silang intensiyon na ibenta ito pero noong hindi na nila maubos, inilako rin ni Fernando ang pagkain.

“Inilabas ko tapos wala pa pong isang oras, binalik ko po ‘yung basket, wala nang laman,” masayang kuwento ni Fernando. “Naubos po ‘yun! Masarap daw po kasi.”

Mamang pulis… not!

Wala naman talaga sa plano ni Fernando na maging MMDA traffic enforcer. Sa katunayan, pangarap niya talagang maging pulis.

Apat na taon ang iginugol ni Fernando sa pag-aaral ng Criminology. Nang makatapos, nagsimula na siyang maghanap ng trabaho.

Subalit matapos mag-apply sa sari-saring kampo ng mga pulis, iisa lang ang naging sagot nila kay Fernando: sorry, your application is denied.

Pero si chief, hindi siyempre patitinag!

Inamin ni Fernando, naisip niyang baka hindi na siya makakakuha ng trabaho kaya kung anu-ano na ang sinubukan niyang pagkakitaan. Nasubukan na niyang maging service crew at security guard bago magbukas ang oportunidad sa Metropolitan Manila Authority o MMA.

Hindi man ito ang kaniyang pangarap na trabaho, sinunggaban na rin ni Fernando ang pagkakataon.

Mula 1990 hanggang sa kasalukuyan, buong pusong ibinuhos ni Fernando ang kaniyang lakas sa pagiging traffic enforcer ng MMA, na ngayo’y Metro Manila Development Authority na. Ngayong 51-anyos na si Fernando; dalawang dekada at apat na taon na niyang tinitiis ang init at alikabok ng kalsada para kumita ng pera.

“Sa ngayon po, naka-assign po ako sa motorcycle, green tank, as a traffic manager,” kuwento ni Fernando. “Kung may problema po, tatakbo ako agad para ‘yung area, tuluy-tuloy ang takbuhan.”

Bukod sa siguraduhing maayos ang daloy ng trapiko, responsibilidad din ng mga traffic officer na tulad ni Fernando na panatilihing payapa ang kanilang nasasakupan. Ibig sabihin, sila rin ang kailangang umaksiyon sa pasaway na “rugby boys” at sa mga nakawan.

Ayon mismo kay Fernando, mahirap ang trabahong ito: parating nasa alanganin ang buhay at walang takas sa mga motoristang mapangmata.

“Alam [kasi] nila [na] mababa yung aming trabaho,” naiiyak na kuwento ni Fernando. “Pero pilit po naming itinataas para mabigyan po namin ng dignidad ‘yung trabaho namin.”

Kahit hindi na siya naging pulis, pilit na itinataguyod ni Fernando ang kaniyang trabaho. At hindi siya nabigo dahil nito lang mga nakaraang linggo, usap-usapan sa social media ang kakaibang paraan niya ng paghahanapbuhay.

Ang simula ng marangal na pamumuhay

Bago maisipang magbenta ng kakanin, inamin ni Fernando na minsan na siyang tumanggap ng lagay para may ibang pagkakitaan.

“[Hindi ako] ipokritong tao,” pag-amin niya. “Ginawa ko rin [ang tumanggap ng lagay]. Kaya lang nagkasakit ‘yung mga bata. Imbes na makatulong ‘yung ginawa ko, napasama pa. Hindi po nakabuti.”

Magmula noon, sumumpa si Fernando na hindi na siya muling padadaig sa korapsiyon, lalo pa’t masama na ang tingin ng mga tao sa kanilang trabaho.

“Nakakatukso talaga ‘yan kasi unang-una tatayo ka lang, gagamitin mo lang ‘yung uniporme mo, ‘yung power mo, may pera ka na. Pero hindi, hindi talaga,” aniya.

Nagbunga ang prinsipyo ni Fernando. Imbes na tumanggap, siya pa ang nagbibigay. Makailang beses na kasing may nag-abot sa kaniya ng halagang higit pa sa presyo ng binili -- keep the change, kumbaga. At sa halip na lalo pang kumita, ipinamigay niya ang kaniyang mga paninda sa maintenance officers, gasoline boy at street children sa nasasakupan niyang lugar.

Alinsunod sa recipe ng kaniyang paninindigan, umabot ang biyaya sa puntong hindi na nagagalaw ni Fernando ang kaniyang sahod dahil diretso na ito sa ipon nilang pamilya.

Sa ngayon, nasa kolehiyo na ang panganay nila, nag-aaral ng Aircraft Maintenance Technology. Ang bunso naman, nasa high school.
 
Malaking pasasalamat

Kung mayroon daw pasasalamatan ang masipag na traffic enforcer, ito raw ay ang host na si Jessica Soho at ang mga aral, katulad ng turon recipe, na kaniyang natutunan mula sa programa.

Kaya naman nang tumigil sa harap niya ang isang sasakyan...

…hindi na napigilan ni Fernando na lumuha.

Lubos-lubos ang pasasalamat ni Fernando kay Ms. Jessica Soho pero giit ng mamamahayag, ang mga taong katulad ni Fernando ang dapat pasalamatan.

Nang tanungin kung ano ang maipapayo niya sa mga katulad niyang kapos ang kinikita, nagningning ang mga paninindigan ni Fernando:

“Ang masasabi ko lang po, dasal lang po sa taas, tapos isip po nang kaunti kung ano po ‘yung pinakamagandang paraan na legal, na higit na makakatulong sa atin,” naiiyak na saad ni Fernando. “Huwag po kayong magsawa, magsikap lang po saka magsipag.”

Sa lipunang ito na talamak na ang katiwalian, totoong nakabubuhay ng pag-asa ang mga katulad ni Fernando na mas pinahahalagahan ang kabutihan, kaysa sariling kapakanan.

Mapanonood ang “Kapuso Mo, Jessica Soho” tuwing Linggo, 7:45 PM, sa GMA-7. Para sa mga karagdagang impormasyon, sundan ang programa sa Facebook, Twitter at Instagram. ---Princess Daquigan/BMS/ARP