Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Lakbay-ligaya, lakbay-pag-asa


Nang tumama ang Bagyong Yolanda sa Pilipinas, libo-libong mga pangarap ang tinangay ng malakas na hangin… nilunod ng rumaragasang tubig… winasak ng delubyo.

Isang taon na ang lumipas, pero ang epekto ng bagyo, tila habambuhay nang dadalhin ng mga nasalanta.

Sa mga panahong ganito, paano pa nga ba makararating sa kanila ang ligaya at pag-asa?


Mobile happiness

Kung titingnan sa malayo, parang normal na truck lang ito. Pero sa malapitan, makikitang hindi ito ordinaryong sasakyan -- ito ang KMJS truck! Ginawa ito para sa ika-sampung taon ng KMJS, na siyang kasabay rin ng unang anibersaryo ng paghagupit ng super typhoon Yolanda. Layunin ng truck na ito na maghatid ng kasiyahan at inspirasyon sa mga survivor.

Nag-umpisa ang paglalakbay ng KMJS truck sa Quezon Memorial Circle kung saan nagbenta sina Jessica Soho, Chef Hasset Go at Marian Rivera ng trademark tapa at longganisa mula sa family recipe ng mga Soho. Lahat ng kinita nila, ido-donate sa mga proyekto ng Kapuso Foundation na nakatutok sa mga naging biktima ng super typhoon.

Agad na dinumog ng mga tao ang pagkakataong ito, dahil bukod sa makatutulong na sila sa mga nasalanta -- makaka-selfie pa nila sina Jessica at Marian!

Umpisa pa lang ito ng paggulong ng KMJS truck!
 
Gulong ng sorpresa
 
Hindi lang pagkain ang lulan ng truck dahil sa mga sumunod na araw, naglakbay pa ito sa iba’t ibang lugar para maghatid ng ligaya sa ibang tao! Mula Maynila, bumiyahe ito patungo sa isa sa mga probinsyang napuruhan ni Yolanda --- sa Samar.
 
Trak-trak ng ngiti at kilig ang hatid ng Kapuso hunk na si Tom Rodriguez nang muli niyang bisitahin ang kanyang hometown na Catbalogan! Ngayon pa lang muling nagkita si Tom at ang kaniyang mga kamag-anak mula noong nanalasa ang bagyo.

Mula Samar, tumulak papuntang Leyte ang KMJS truck para maghatid ng sari-saring sorpresa.

Sa pagkakataong ito, isang ama ang naging emosyonal nang bumaba mula rito ang anak-anakang matagal na niyang hindi nakikita. Halos sampung taon na kasing naninirahan ang bata sa Maynila at ni minsa’y hindi pa ito nakabalik sa lugar nila sa Palo. Sa huli nilang pag-uusap ng anak sa telepono bago tumama ang bagyong Yolanda, nangako siyang hindi niya pababayaan ang nanay ng bata. Pero habang humahagupit ang bagyo, hindi niya nailigtas ang mahal na asawa.

Pero nitong nakaraang linggo, naging madamdamin ang muling pagkikita ng mag-ama. Magkasama rin nilang dinalaw ang puntod ng yumaong ilaw ng tahanan. Nawalan man sila ng mahal sa buhay, muli naman nilang natagpuan ang isa’t isa.
Samantala, ilang mga bata ang nasorpresa nang batiin sila sa video call ng kanilang mga iniidolong basketbolista. Pero hindi rito nagtatapos ang sorpresa dahil bumaba mula sa KMJS truck si Alvin Patrimonio! Humanga raw si Alvin nang mabalitaan na paghupa ng bagyo, isa sa unang nilinis ng mga bata ay ang basketball court sa kanilang lugar.

Bitbit ang mga bolang pirmado ng basketball stars, may dala ring payo para sa mga binatilyo ang manlalaro.

Kantahan, sayawan

Kung magbibigay ito ng kaligayahan, dapat todo na!

May pagkain, sorpresa -- ang kulang na lang... musika at sayawan!

Sa isang maliit na entablado sa tabing-dagat, nag-alay ng munting concert sina Christian Bautista, Zendee Rose Tenerefe at Aldrich Talonding para sa mga nasalanta ng bagyo.

Naging madamdamin ang pagtatanghal, pero sa huli, nanaig ang mensahe ng lyrics sa kanilang huling kanta: “Hihina rin ang ulan, lilipas din ang bagyo, liliwanag din ang kalangitan at ang araw ay sisikat nang muli.”

Samantala sa Queen City of the South, na isa rin sa mga hinagupit ni Yolanda, unti-unti namang bumabangon ang turismo.  Namasyal dito ang ang nagbabalik Kapuso star na si Iya Villania at nakihataw pa sa Cebu Dancing Inmates!

Tuloy ang paglalakbay

Sa loob ng maraming buwan, tumigil ang buhay ng mga taong napinsala ng delubyo. Wala silang maayos na tirahan, walang wastong pagkain o paraan para makausap man lang ang kanilang mga mahal sa buhay. Pero ngayon, marami sa kanila, larawan na ng katatagan… sa patuloy nilang paglalakbay sa biyahe ng mapanghamong buhay.

Mapanonood ang “Kapuso Mo, Jessica Soho” tuwing Linggo, 7:45 PM, sa GMA-7. Para sa mga karagdagang impormasyon, sundan ang programa sa Facebook, Twitter at Instagram. ---Princess Daquigan/BMS/ARP