Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

Jimmy 'Mighty Mouse' Alapag saves the day!



Tapos na ang FIBA World Cup at Asian Games pero ang pagmamahal ni Jimmy Alapag sa basketball, hindi raw matatapos.

33 taon nang nasa puso ni Jimmy ang basketball ---at ngayon, sa edad na 36, desidido ang team captain ng ating pambansang basketball team na maging bahagi pa rin ng larong kaniyang pinakamamahal.

Dugong Gilas, tatak Pinoy

Tatlong taong gulang pa lang si Jimmy, “in love” na siya sa basketball.

“My father's a big fan of the game and both of my older brothers played in high school and a bit in college, so being the youngest, I spent a lot of time growing up tagging along, watching their games, watching their practices,” sabi ni Jimmy.

Nang tanungin kung naniniwala ba siyang ipinanganak siya para sa basketball, buong kumpiyansang sumagot si Jimmy: “without a doubt.”

Kahit na purong Pilipino ang kaniyang mga magulang, sa California na ipinanganak at lumaki si Jimmy. Dahil dito, parati pa ring Fil-Am ang bansag sa kaniya tuwing naglalaro ---na siyang dating malaking isyu sa Philippine Basketball Association o PBA.

Pero ayon kay Jimmy, nalampasan na ng PBA ang mga sentimyentong ganito.

“I think now, it's just great for the league and it's great for Philippine basketball to see the amount of talent both abroad and here in the Philippines,” aniya.

Nang bumalik ang kaniyang buong pamilya sa Pilipinas kasabay ng pagpasok na rin niya sa local basketball industry, ‘di rin naman daw maiwasan na matanong si Jimmy kung bakit hindi siya sa Amerika maglaro kung saan mas kilala ang bastketball.

“I understand what it means to play for our country,” sabi niya."And I remind myself every day how lucky I've been to have played in the last 12 years.”

Bilog ang bola

Parehong bilog ang bola at ang mundo; hindi maiiwasang makaranas ng kabiguan tuwing naglalaro, lalo na kung tropeo sa basketball ang pinag-uusapan.

Ganito marahil ang inisip ni Jimmy nang matalo ang Gilas Pilipinas sa Asian Games matapos magkamit ng isang tagumpay sa FIBA World Cup.

“Basketball is an emotional game and there [are] highs and lows, you just have to try to find a way to still be positive to the guys that are on the court with you,” sabi ni Jimmy.

Taong 2003 pa lang, sanay na si Jimmy sa mga parangal at tagumpay. Sa unang taon niya sa PBA, hinirang na siya bilang Rookie of the Year.
Nakailang kampeonato rin si Jimmy para sa Talk N’ Text Tropang Texters. Matapos noon, hinirang naman siya bilang Season MVP noong 2011.

Pero isa sa mga pinakamataas na parangal na nakamit ni Jimmy ay ang pagkakataong pamunuan ang national basketball team, ang Gilas Pilipinas.

Bagaman mataas ang posisyon at mabigat ang responsibilidad ng team captain, sanay na raw sa ganito si Jimmy.

“Being at the leadership is actually very natural for me,” kuwento ni Jimmy. “I can't remember a time where I haven't been like that. I think it really comes from how my Dad is and then how I was raised with my family.”

Bukod doon, magagaan din daw katrabaho ang teammates niya sa Gilas. “You're talking about guys with so much character and so much heart and such great work ethics, it really made my job a lot easier,” kuwento ni Jimmy.

Ito ang naging haligi ng teamwork ng Gilas Pilipinas lalo na noong hinarap nila ang kontrobersiyal na pagkatalo laban sa koponan ng Kazakhstan.

Matatandaan na sa huling mga segundo ng laro, sa sariling ring nag-shoot ng bola ang Gilas na umasang maisasara nito ang lamang sa kanila ng Kazakhstan at mag-overtime ang laro. Dalawa sa tatlong referee ang payag sa ganitong taktika ngunit tutol ang pangatlo. Kaya naman, kahit mahirap tanggapin, tuluyang natalo ang Pilipinas.

Umani ang insidente ng halu-halong emosyon mula sa mga Pilipino.

Pero sa depensa ng Gilas, ani Jimmy, “Everybody should know that the last thing we would ever do when it comes to our national team is to embarrass or disrespect our country or our flag to the game of basketball.”

Gayunpaman, hindi maitago ni Jimmy ang emosyon kapag naaalala niya ang pagmamahal ng mga Pilipino sa basketball at sa Gilas Pilipinas.

“No matter where we are in the world… you feel the love, and you feel the prayers from every Filipino,” ani Jimmy. “Because when it comes to our national team, you almost get the sense that we all have an emotional attachment to the team because… it's our team.”

Manalo man o matalo, ito pa rin ang depenisyon ni Jimmy ng “tagumpay.”

My Dad, the basketball star

Nalalapit na ang pagreretiro ni Jimmy sa basketball kaya mas pagtutuunan na raw niya ng pansin ang pagiging isang ama. Inaasahan ni Jimmy at ng maybahay na si LJ Moreno ang pagsilang ng kanilang baby girl sa susunod na buwan.

“[LJ and I] just celebrated our 4th anniversary this past August, I have my son and our daughter on the way, so they're my life and they're the ones why I wake up every day to try to be the best husband, the best father, and the best basketball player and person that I can be. They're really why I do what I do,” sabi ni Jimmy.

Pero kahit na hindi maglalaro ng basketball, nais daw ni Jimmy na mag- “give back to the game.”

“There's still more mountains left for Philippine basketball to conquer out there, and I'd love to still be a part of it. Maybe not as a player anymore but still in some sort of capacity,” sabi ni Jimmy.

Kung ang ibig sabihin ni Jimmy ay gusto niyang mag-coach, o kaya magsimula ng mga basketball clinic, hindi natin masisiguro. Pero isa ang matitiyak natin: pagdating sa basketball, walang makakatalo sa isang Jimmy “Mighty Mouse” Alapag --- isang basketbolista na may malaking puso para sa laro.

Mapanonood ang “Kapuso Mo, Jessica Soho” tuwing Linggo, 7:45 PM, sa GMA-7. Para sa mga karagdagang impormasyon, sundan ang programa sa FacebookTwitter at Instagram. ---Princess Daquigan/BMS/ARP