Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang 'Power of Love' ni Cydel Gabutero


“Ang sabi ng papa ko, kung anong mangyari, kung madapa ka, tatayo ka lang [ulit].”

Sinong mag-aakala na magmumula ang payong iyan sa isang 10-taong gulang na bata? At sino nga rin bang mag-aakala na ang batang ito ay papatok sa Internet dahil lamang sa isang video?
Siya si Cydel Gabutero, tubong San Carlos, Negros Occidental. Mula sa recording studio ng kanilang kapitbahay, nabuo ang video na babaguhin ang takbo ng kaniyang buhay.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 1.2 milyong views ang video ni Cydel habang umaawit ng Celine Dion hit na “The Power of Love” mula nang i-upload ito sa YouTube noong Setyembre 11.

“Happy po ako kasi na-realize ko na ganito pala [ang pakiramdam] na merong nagmamahal sa akin at sumusuporta,” nakangiting kuwento ni Cydel sa kaniyang panayam para sa ‘Kapuso Mo, Jessica Soho.’

Maagang nahilig sa pagkanta

Ayon kay Cydel, dalawang taong gulang pa lamang siya noong nakitaan na siya ng hilig sa pagkanta. Nang-aagaw pa raw siya ng mikropono tuwing nag-vivideoke silang mag-anak, kahit mali-mali ang kaniyang lyrics.

Dahil sa taglay niyang talento, si Cydel ang madalas na laman ng mga intermission number sa iba’t-ibang programa sa kaniyang paaralan at maging sa buong San Carlos.


Kaso daw ng “kung ano ang puno, siya ang bunga” si Cydel, dahil kapwa mang-aawit din ang kaniyang mga magulang. Dating bokalista sa banda ang kaniyang amang si Jose habang dating miyembro ng chorale naman ang kaniyang inang si Precy.

Ngunit ayon sa mga magulang ni Cydel, kakaiba pa rin ang talento na ibinigay sa kanilang anak--isang bagay na hindi nila mapapagod na pasalamatan.

“Hanggang ngayon nagugulat pa rin kami every time na nag-peperform siya. Sa tuwing kumakanta [si Cydel], nakanganga yung bibig namin dahil hindi kami makapaniwalang ganoon ‘yung talent na ibinigay sa kaniya,” ani nila.

Dedikasyon at suporta ng magulang

Upang mapangalagaan ang boses ni Cydel, dedikado si Tatay Jose na sanayin ang anak.

“Nag-vovoice lesson po kami ni papa sa bahay,” sabi ni Cydel “[Minsan] pinapapunta niya ako sa dagat at pina-practice niya po ako, saka pinapakanta po niya ako.”

Ang mabusising training na ito ang naging susi upang makabirit si Cydel tulad ng mga paborito niyang mang-aawit.

“Masaya po ako kasi po noong bata po ako, hindi ko po nabibirit [ang mga kanta], e. Pero ngayon nabibirit ko na po,” buong pagmamalaking sabi ng bata.


Magandang kalooban

Nakabibilib man ang talento ni Cydel, mas nakabibilib pa rin ang kaniyang katauhan. Kalkulado na kasi sa kaniyang isip sa kung kani-kanino mapupunta ang halagang makukuha niya sakaling palarin na magwagi sa mga sinalihang contest.

Isa sa mga inspirasyon ni Cydel ang tiyahin niyang sumasailalim sa dialysis ngayon dahil sa sakit sa bato. Tuwing Sabado at Linggo, sumasama si Cydel sa ospital upang may mag-alaga sa kaniyang “Mommy” Jovelyn.

“Sinasabi ni Cydel sa akin ‘Mommy, pag manalo ako, tutulungan kita. Ako na ang magbabayad sa pang-dialysis mo,’” kuwento ni Jovelyn.

Nang tanungin kung saan niya pa dadalhin ang napapanalunang pera, agad-agad na sumagot ang panganay na si Cydel ng “bibilhan ko po ng mga laruan ang mga kapatid ko.”

Bukod sa mga contest, sa mga event umaawit si Cydel. Hindi siya humihingi ng talent fee sa mga event na ganito kaya kung ano man ang iabot sa kaniya, pinagkakasya na nilang mag-anak.

Pero kahit minsa’y kinakapos sa panggastos, determinado pa rin si Cydel na mag-audition sa iba’t-ibang mga talent search upang maiahon niya ang kaniyang pamilya.

“Naranasan namin ni Cydel nung nag-audition kami, natulog kami sa isang barong-barong, nakapaligid sa amin ‘yung mga aso tapos umuulan,” halos mangiyak-ngiyak na kuwento ni Jose.

Pero ngayong nag-viral sa social media ang anak, tila nabuhayan ng loob ang ama--nagpapasalamat siya na kahit paano ngayo’y “nagbunga na rin ‘yung paghihirap ng bata.”

Buo ang loob ni Cydel kaya buo rin ang suporta ng kaniyang mga mahal sa buhay.

Talentado, mapagmahal at pursigido, iyan si Cydel Gabutero--isang inspirasyon sa lahat, bata man o matanda, na walang malaking pangarap ang hindi kayang abutin ng power of love. ---Princess Daquigan, BMS, VC / GMA News

Sundan ang Kapuso Mo, Jessica Soho sa www.facebook.com/kapusomojessicasoho at sundan sila sa Twitter at Instagram sa @KM_Jessica_Soho.