Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Full Transcript: Gringo Honasan on 'Kandidato 2013'


Gregorio Ballesteros Honasan II led several coup attempts during the Aquino and Macapagal-Arroyo administrations, but when PCIJ Executive Director Malou Mangahas asked him on GMA News and Public Affairs’ special election series “Kandidato 2013” what he thinks of plotting a coup d'état at this point, he said he would discourage it.
 
The incumbent senator also shared stories about his grandchildren, his relationship with Senate President Juan Ponce Enrile, his experience as a fugitive, and his plans if he gets elected.
 
Below is the full transcript of his interview on “Kandidato 2013” which aired last March 21, 2013.
 
--
 
ARNOLD CLAVIO (AC): Magandang gabi, mga Kapuso. Ang kasama natin ngayon, Senador Gringo Honasan. Kandidato. Magandang gabi po, Senador.
 
GRINGO HONASAN (GH): Magandang gabi, Igan.
 
On the Armed Forces of the Philippines
 
AC: Kayo ay kilala talagang Gringo. 'Ika nga, nakasama kayo sa grupo na sinasabing reformed the armed forces movement. Nabigyan kayo ng pagkakataon for 15 years. Nareporma n'yo ba 'yung armed forces? Kasi alam ko nitong mga huling panahon, biglang lumitaw pa 'yung issue ng pabaon. So ibig sabihin, habang kayo ay naglilingkod sa senado, 'yung mga naging Chief of Staff ay tuloy-tuloy din ‘yung pabaon. So nagkaroon ba talaga ng magandang reporma sa armed forces?
 
GH: Unang-una, Igan, Malou, 'yung sandatahang lakas, 'yung armed forces, salamin lamang ‘yan o bunga lamang ‘yan nung pinaglilingkuran n'ya na lipunan o pamahalaan. So ang konteksto nun is hindi pwedeng focus lamang ‘yun sa Armed Forces. ‘Pag matino ‘yung gobyerno, automatic na matino ‘yung Armed Forces. ‘Pag maaasahan, mapapagkatiwalaan, nagbibigay, 'yung mga problema, sigurado ‘yan. ‘Pag nanggaling ‘yan sa pinanggagalingan na [inaudible], one cannot rise higher than its source. So dun sa tinatanong mo, wala naman nagsabing madali ito. Kaya lang, ang punto lang natin dito, kailangan work in progress ito. Pero masasabi ko na for the last 15 years, idagdag mo pa ang, sususugin pa natin, ‘yung aking karanasan bilang rebelde, bilang sundalo, patuloy ‘yan. ‘Yung reporma at good government, at mapapatunayan ’yan, nabibigyan ‘yan ng buhay, ng mga batas, na nakatulong ako sa pagpapasa, principal author, sponsor, kasama sa mga lumagda.
 
On laws that he sponsored and authored
 
AC: Dagdag sahod, pabahay, lahat, andun na 'yun?
 
GH: Clean air. Akala ng iba environmental issue lang ‘yan, public health issue pala ‘yan. Kalusugan... kaya ‘pag sinabi mong sin tax, public issue. More than 10 years ago, naging mahalaga na sa akin, at dun sa mga lumagda sa panukalang batas na 'yun, na kailangan, basically, ang lalanghapin ng ating mamamayan, lalo na 'yung kabataan, malinis na hangin at pwede na nating susugin from then on.
 
MALOU MANGAHAS (MM): So 'yung Clean Air Act, saka 'yung Disaster Risk Management, kayo ay naging lead author at malaki 'yung tulong niyo. Pero dun sa punto ng health, health as in primary health services, parang 'yung inyong pork barrel, hindi gaanong napupunta dun at dagdag pa dun, sa sariling bayan ng ina niyo sa Sorsogon, parang medyo matabang ang inyong pagpapalarga ng pork barrel.
 
GH: Malou, matabang dahil hindi ko in-advertise. Hindi ko naman pera 'yun pero 'yung unang project ko, naglaan tayo ng 5 milyon dun, is a solid waste management system sa Bulan, Sorsogon. First PDAF ko 'yun so ‘pag sinusog natin, convergence ito. Clean air, idagdag ko naman, clean air, clean water, solid waste management, land use, 'yung naudlot natin na land use, idagdag mo pa 'yung Freedom of Information. Tapos ihalo mo na d’yan 'yung public order, dangerous drugs, Fire Code of 2008. Hiniwalay namin 'yung gun regulation, gun control laws, saka 'yung illegal possession ng explosive o piyesa ng explosives, addressing the rules ‘yan.

Sinusog ko kasi kung saan nanggaling itong advocacies ko na ito. At ang punto talaga ng lahat ng ito ay 'yung mga anak natin, 'yung kabataan o 'yung next generation of productive citizens. 'Yung mga kapaki-pakinabang na mamamayan at posibleng mga leader. Gawin silang mas malusog, mas matalino, mas malakas, at mas masaya. Make them healthier, smarter, stronger, and happier para pagdating ng araw na wala na tayo, competitive sila. Pwede silang makipagsabayan sa mga German, Singaporean, Americans, or Belgians. Kung suriin natin 'yung lahat ng batas na pinasa ko, papasok sa apat na [inaudible] at hindi ito speech lamang. Sabi nga, lalo na sa panahon ng kampanya, talk is cheap. Ito ay tinaya ko ang buhay ko dito, paulit-ulit. Katulad ng pagtaya ng buhay ng teacher, ng OFW, ng nanay na nagpapakain sa kanyang sanggol, pero naglalaba, nagtitinda ng barbeque, sa [inaudible]. Lahat tayo, itinataya ang buhay at ako may ambag ako d’yan. Sabi ko nga, 'yung dugo ko ginamit na fertilizer sa Mindanao nung ako ay sundalo at maraming mga kababayan tayo, lalung-lalo na 'yung civilian na nagbuwis ng buhay n’ya.
 
On his relationship with Senate President Juan Ponce Enrile

AC: Pero Senador, 'yung political career mo, parang laging nakakabit 'yung pangalang Juan Ponce Enrile. Gringo Honasan - Juan Ponce Enrile. Pero sa tagal mo ba, nahiwalay mo na 'yung anino ni Senator Enrile sa iyo?
 
GH: Igan, since perception, sometimes, is more important than fact, 'yun bang pagiging tapat ko sa kanya, professionally and personally, para kong tatay 'yan. ‘Yun bang kalahati ng buhay ko na magkasama kami, sa buhay at kamatayan, 'yun ba ay likas na masama? Meron bang mga ganoong klaseng relasyon na tumagal ng ganito kahaba?
 
AC: Kasi ang tatanong ko after n’yan, naging liability ba siya o naging tulong sa inyo?
 
GH: Both. Pero ito ang masasabi ko, never akong nagkaroon ng pagkakataon na bumulong sa kanya ng kung anu-ano, pakikiusap. Never nagkaroon ng pagkakataon na diniktahan n'ya ako sa magiging posisyon ko sa napakaraming issue. At ganoon din, never ko siya nadidiktahan. Ang relasyon namin ay binibigay namin sa isa't-isa 'yung impormasyon na kailangan ng isa't-isa para gumawa ng maayos na desisyon para sa tinatawag na public interest. Ngayon, kung masama ‘yan, then guilty ako.
 
AC: So hindi natin makikita ang isang Honasan sa Senado na parang naging Antonio Trillanes o Renato Cayetano na nakikipagsagutan?
 
GH: Alam mo Igan, ‘di ba may narinig tayong si Sonny ay hindi katulad ko? Ako ay hindi katulad niya. Dapat naman dahil violation na 'yan ng law of nature. Kahit na 'yung kambal, walang identical twins. So mabuti lang na hindi ako katulad nila at sila ay hindi ko katulad. 'Yan ay mabuti para sa demokrasya.
 
MM: Pero mas malalim po yata ang pinagsamahan niyo ni Senator Enrile dahil mula RAM, EDSA People Power 1 at later on, may mga coup d'état na ang sabi, kayo ang namuno para sa kanya, at nagtago kayo para ‘wag mahuli. And then finally, kumbaga, sumunod na yugto ng buhay niyo 'yung pagtakbo na nga sa public office. Hindi ba masyadong maraming pagkakataon na napakalaki ng inyong naging papel sa buhay niya at niya sa inyo kasama na 'yung pagrebelde kay Marcos, paggawa ng coup d'état, paglunsad ng coup d’etat kay Cory Aquino...
 
GH: Malou, 'yun ang pananaw.
 
MM: Ano po ang totoo?
 
GH: Ang totoo is hindi ganoon dahil the fact na naging senador siya, ako ay patuloy na nagtago. Hindi nangangahulugan 'yan na pinoprotektahan namin 'yung isa't-isa. Pero kung sususugin natin ito, ako ay dating [inaudible] niya at halos 20 taon na naging security officer niya. Tungkulin ko ang protektahan siya, hindi bilang Juan Ponce Enrile, kung hindi bilang Secretary of National Defense at sinasabi ko, paulit-ulit pa noon, na 'yun ay gagawin ko sa abot ng aking kakayahan hanggang ngayon. Ganoon ang relasyon namin. Ganoon ang... siguro mahirap unawain 'yun pero pananaw 'yun. Ngayon, nagsulat siya ng libro, 700 plus pages. Nandun 'yung kwento nya. may kwento din kami, pero hindi namin kasi binebenta sa bookstore, parang footnote lang. Pero ang mahalaga dito is 'yung katotohanan, malalaman natin ‘yan, kahit na sabihin mong revisionist, kung meron kang sarili mong kwento at may pruweba at detalye ka. Ngayon kung ito ay kantyaw lamang o komentaryo, aba, hindi siguro naman tama 'yun.
 
On his interests outside governance
 
MM: 'Yun pong mga panukala ninyong batas, climate change, environment, FOI, parang taliwas dun sa parang private picture ni Gregorio Honasan bilang sundalo. Mula maliit kayo gusto niyo na maging sundalo.
 
GH: Gusto ko muna maging pari.
 
MM: Pari muna, tapos doctor, tapos sundalo. Tapos 'yung collection nyo, 'yung hobby niyo na sabi niyo sa isang interview may collection kayo ng bladed weapons at canons na 'yung mga iba, five centuries old. At tinitingnan niyo daw, parang iilan na kaya ang napatay nitong kanyon na ito nung unang panahon?” At on the other hand, you also have a collection. You do bonsai. 'Yung attrition. Ano po ba ito, sir, dalawang bahagi ng pagkatao niyo na magkatunggali?
 
GH: Hindi. Mga sangkap ito, Malou, sa aking pagkatao. Pero ang katotohanan, ako ay pangkaraniwang Pilipino lamang na dating sundalo, nagrebelde … na inilagay sa mga kakaibang sitwasyon. At ibig kong malaman din ng mga apo ko na nung panahon namin may problema na kailangang tugunan, ako ay tumayo kasama ng marami nating mga kababayan na naniniwala sa pagbabago at maayos na pamahalaan. Kasama ako sa mga tumayo.
 
On taking care of his grandchildren
 
AC: So nabanggit mo 'yung apo. Sundalo ka, tikas no? Pero hilig mo palang magpalit ng lampin ng…
 
GH: Hindi lang magpalit nang magpalit ng lampin, Arnold. Maraming mga imaginative na pamamaraan kung paano patigilin sa pag-iyak, paano patahanin ang isang sanggol. In fact, ang therapy ko every morning is tuwing ala-sais ng umaga, dine-deliver ‘yang dalawa naming apo sa amin. Dinadala, at lalaruin ko na sa labas ng bakuran namin. Ang exercise ko is habulin 'yung dalawang apo moving in opposite directions. Siyempre, kakalkulahin mo kung sinong unang madadapa.
 
AC: Parang PMA, ah.
 
GH: Siyempre hindi na tayo kasinggilas noong una so 'yun ang challenge. At very therapeutic ito dahil ‘pag hawak ko 'yung apo ko, or 'yung mga anak ko, 'yung maybahay ko, alam mo Arnold, Malou, ako ay bulletproof, shockproof, waterproof, pero made in the Philippines.
 
On Alfred McCoy’s book “Closer than Brothers”
 
MM: Sir, though ito ay hindi niyo pa nasasagot sa pagkakaalam ko, 'yung sa libro ni Alfred McCoy, 'yung “Closer than Brothers,” isa sa chapter dun 'yung class ‘71 niyo sa Philippine Military Academy. May mga interviews na nagpapatibay na nagkaroon ng torture sa ilang mga political prisoners nung panahon na 'yun at bilang head ng Security Office na 'yun, ito po ba ay totoong nangyari o anong naganap? Particularly sa mga detainees like Johnny Escandor, Randall Echanis. May mga narrative dun na interview na iba-iba. Ano po 'yung sitwasyon talaga dun?
 
GH: Malou, hindi sa tanggapan namin. Si Randall, for a while, kami ay naging custodian niya. Alam mo ba Malou na tinuturuan pa namin si Randall noon. Ewan ko lang kung itatanggi niya. Hindi 'yung libro ni Alfred McCoy, dahil sa tingin ko, limitado at hindi kumpleto ng impormasyon. Sa tanggapan namin, under the Ministry of National Defense, walang human rights violation na naganap. In fact, kinukwento ko nga si Randall, naging matalik kaming magkaibigan. Tinuturuan pa naming bumaril sa firing range. Wala siyang posas. Gala siya dun sa aming tanggapan.
 
MM: Pero 'yung panahon na 'yun, unfinished. And now, parang you see that these people are already also running for public office, and are working with you. Ganoon. Ano 'yung impact nun? Kailangan bang magkaroon ng closure 'yung panahon ng martial law that you have seen it as security officer sa Ministry of Defense, pero 'yung parang incidence daw ng torture or political prisoners, ay nandun naman sa MISG, Military Intelligence Security Group. May closure ba na kailangan kayong itanong?
 
GH: Dapat pero dapat mangyari ito hindi sa pamamagitan ng forum shopping or trial by publicity. Whatever the verdict is, dapat maganap ito sa tamang korte na ang basehan ay ebidensya at impormasyon. Dahil kung pakikinggan na lang natin lahat ng mga pahayag, aba, maguguluhan tayo. May mga korte tayo para tugunan at bigyan ng closure ito. Pero idagdag ko lang, para susugin 'yung punto mo, kung may ebidensya na, at nandiyan na sa korte, hayaan natin na magtuloy-tuloy. Pero kung alam natin sa ating mga puso na ang pinanggagalingan lamang nito ay partisan political motives, aba, dun dapat din magkaroon ng closure na napakahirap tumakbo o gumalaw nang pasulong nang napakarami kang bitbit na political baggage. In fact, 'yun ang komentaryo sa atin. EDSA 1, EDSA 2, kung may EDSA 3, Oakwood pa. Idagdag mo pa 'yung halalan. Tuwing magluluklok tayo ng leader, or mga leader natin, pagkaluklok natin, uwian tayo. Siguro minsan may inuman pa. Nakakalimutan natin na 'yung re-engineering, dapat i-apply dun sa sistema.
 
Kaya paulit-ulit. Sabi nga nung iba, tayong mga Pilipino, for better or for worse, we never missed an opportunity to miss an opportunity. Pero ganoon pa man, sabi ng marami na nakakausap ko, iba-ibang sektor, ganito tayo kapalad, ganito tayo kapinagpala na bansa. Ang kailangan lang nating gawin ay gumising araw-araw, at ipagpatuloy 'yung paghinga natin. 'Yung ekonomiya natin umuunlad ng four to six percent. Can you imagine if we reduce the political noise and get down, back down to work, para productivity ang issue. Political unity, lasting peace. 'Yung pangmatagalan talaga. Hindi 'yung vicious na cycle lang. Cease fire, peace talks, then violation. Tapos tatamaan 'yung civilian. Balik na naman sa peace talks. At nakikita natin ngayon 'yung bunga niyan… itong Sabah, but that is a separate issue. Ang sinasabi ko lang, Malou, Igan, parang nawala sa atin 'yung long term policy planning na puputol dun sa siglo na bagong presidente, bagong programa, bagong mayor, bagong senador, bagong governor, bagong programa. So lagi tayong back to zero. Walang sustainability, walang predictability. 'Yun ang nagtataboy sa mga investors dahil pagpasok ng investor, gusto naming tumaya sa Pilipinas nang pangmatagalan, pero hindi tayo nakakasiguro ‘pag bago na 'yung presidente, baka iba na naman 'yung patakaran. Kanya-kanyang medium term economic development program. Kaya, Malou, sayang wala pa tayong FOI.
 
On his thoughts about coup d'état
 
AC: Nabanggit 'yung mga coup, pero after the ’86 na medyo tagumpay, 'yung mga sumunod puro failed coups na. Sa tingin niyo po ba, talagang hindi siya paraan para magkaron ng pagbabago? At sa mga susunod na medyo magiging adventurist, kokondenahin niyo na ba itong mga ito?
 
GH: Ako, kung tatanungin mo ako, Igan, nadaanan ko na 'yun at hindi 'yun ang tamang paraan. 'Yung marahas na pamaraan, 'yung armadong tunggalian, 'yung extra constitutional means. Pero Igan, Malou, hindi ko kayang sagutin 'yung future, dahil kung hindi natin tugunan 'yung mga ugat ng problemang ito – social injustice, poverty, too much partisan politics. Aba, somewhere down the road, baka wala na ako nun. Baka may isa na naman diyang leader na charismatic, talagang matindi na tutugon sa mga problemang ito at sususog diyan. Hindi ko kayang sagutin 'yung hinaharap natin. Kaya para sa akin, asikasuhin na natin 'yung mga ugat ng problema. Huwag 'yung every three years, short term, su-superimpose natin sa election cycle. Kailangan may continuity at may predictability at 'yun naman ang sinikap kong gawin nitong nakaraang 15 taon bilang isang senador ng republika.
 
On the Philippines’ current problems
 
MM: Hindi po ba kayo parang nawawalan ng pasensya na parang pareho pa din 'yung mga problema at nagtataka na, katulad nung bago mag-EDSA 1, 'yun pa din ang nakikita nating sitwasyon?
 
GH: Ako, Malou, talaga … Nawawalan talaga ako ng pasensya. Pero 'yung kawalan ko ng pasensya, 'yung kawalan ko ng pasensya kung ihahambing mo dun sa pamilya na nagkakandarapa para makakain ng isang beses isang araw? Pwede ko bang ihambing 'yun?
 
MM: So what has happened to Greg Honasan? Parang the rebel soldier has turned to a gentle—
 
GH: The same fire, the same idealism, the same objective, the same desire for reforms and good government, pero different costume and different methodology. Siguro totoo nga 'yung sinasabi na older and wiser. Siyempre ako naman, bakit ko ginawa ito? Para sa aking mga anak at mga apo at para sa ibang mga anak at apo ng ibang Pilipino kaya ako nagrebelde at nagpulitiko para 'yung mga anak ko, ‘wag magrebelde at wag magpulitiko.
 
On being a fugitive
 
AC: Sa tingin niyo may kahinaan 'yung mga batas natin? Kasi napaikutan mo sila ng ilang beses kang nakapagtago, hindi ka nahuli. So gagawa ka ba ng mga panukalang batas kung papalarin kang makabalik ng Senado, na mahuli na itong mga nagtatago? Kagaya ngayon, hindi pa din mahuli si Palparan, 'yung magkapatid na Reyes.
 
GH: Igan, Malou, paano natin sisisihin 'yung mga kumukupkop sa kanila? How do you fight an idea? Paano mo lalabanan ang isang pananaw para sa pag-aalsa, para sa rebellion, para sa paggamit ng armas? Matutugunan lamang 'yun with good government and reforms. Kahit na tayo ngayon, sabihin ko sa inyo na ang solution din sa problema natin ay himagsikan, pag-aalsa, at hindi kayo maniwala, dahil mukhang maayos naman ang direksyon. Natutugunan 'yung mga problema. Then, wala tayong problema. Pero kung isa sa inyo ni Malou maniwala, then may dalawa nang problema. So you fight an idea for rebellion, for violence, for crime, for cessation with a better idea, good government, political unity, and lasting peace. Of course, ‘pag sinama mo 'yung dalawa na 'yun, kasunod na sigurado 'yung kaunlaran na hinihintay natin.
 
AC: So hindi naging madali ang buhay pugante sa inyo?
 
GH: Hindi pero kasama 'yan, ‘di ba? Nagdesisyon ka na tumayo, kasama ng iba nating mga kababayan, 'yun ang katumbas nun.
 
AC: Pero sa naging mga una kong panayam sa inyo about dun sa life being a fugitive, nakita mo ang ganda ng ugali ng Pilipino.
 
GH: Aba, oo. Hindi naman ako tatagal ng mga pitong taon kung walang kumupkop sa akin.
 
AC: Hindi mo mga kilala talaga ito?
 
GH: Siyempre ang hindi ko talaga pupuntahan, 'yung kamag-anak at kaibigan dahil 'yun ang unang re-raid-in. 'Yung aking tahanan nga, 'yung sanggol na anak kong babae, 'yung bunso ko ay itinapon sa kama nung mga nag-raid. Limang beses ni-raid 'yung tahanan ng nanay ko.
 
AC: So talagang ang Pilpino mabait?
 
GH: Mabait, dahil pitong taon nga Igan. Paano ako tatagal ng pitong taon na nagtatago? Limang milyon ang patong sa ulo ko at unofficially may 15 milyon pa dun sa mga sektor na naapektuhan na hindi naman sumasalamin dun sa interes ng taumbayan.
 
MM: Sinong nagpondo sa inyo noon? Pati pagkain o 'yung inyong resources pang-travel?
 
GH: Alam mo Malou, magugulat ka dahil wala namang pondo noon. Walang perang inabot. “Basta colonel, welcome kayo dito. Kaya lang kapitbahay namin police ‘yan, so medyo ‘wag lang kayong mag-ingay at ‘wag kayong lalabas ‘pag araw.” Ganoong uri.
 
On discouraging coup d'état
 
MM: So nung panahon na 'yun, you talk about contrition as parang pagsisisi o pagbabalik-loob. 'Yun bang panahon na 'yun na pugante kayo o lumabag kayo, hinahanap kayo ng batas, may contrition ba dun or may pagsasa-ayos ba dun? Kasi you are running for the senate again as a lawmaker, pero parang nasa kabilang panig kayo na lumabag sa batas.
 
GH: Pero that is a constitutional right. But I’m not ready to go into debate. Nasa Saligang Batas natin na kung hindi na tumutugon 'yung pamahalaan, karapatan at tungkulin ng bawat mamamayan. 'Yun lang, mahirap 'yung karapatan at tungkulin lalo nag-iisa ka. Kailangan may public support ka.
 
MM: Baka may nakikinig na sundalo, sir.
 
GH: Pero ako, sa ngayon, tatanungin niyo ako, idi-discourage ko ‘yan. Siyempre ‘pag may nag-iisip at naulinigan ko, ang una kong itatanong, “Bakit, bakit natin kailangan gawin ito? Bakit niyo balak gawin yan?”
 
MM: Walang dahilan ngayon na gawin 'yung rebelyon?
 
GH: Napakalawak ng democratic space– 6.6 ang growth natin. Pero inaamin ko, si Secretary Abad na mismo at Secretary Balisacan ang nagsabing dapat inclusive 'yan para maniwala at maramdaman ng mas nakakarami. Kailangan may trabaho, kabuhayan, may kalsada, may eskwelahan, may pagamutan. So 'yun ang mga sangkap niyan para ‘yung nasa baba, maniwala. Otherwise, headline lang ‘yan.
 
On his plans once he gets elected again for office
 
AC: Anong mga lima na legislative agenda mo? Na 'yung talagang hindi lang siya laway. 'Yung talagang matutupad pagbalik mo ng senado. Ano talaga 'yung nakapila sa inyo?
 
GH: Land use, FOI, 'yung serye ng amendments sa Dangerous Drugs Act, public order, peace and order, reforms sa police at military. Pero nasimulan ko na 'yan, Igan, sa working progress. Sa fire code, ang parusa ngayon sa distribution, importation, and selling of unregistered firearms, life imprisonment. Sa illegal possesion, six to 12 years. 'Yung explosives hiniwalay namin. Kahit na sangkap lamang, ‘pag mapatunayan na gagamitin mo 'yan para magkumpuni ng pampasabog, life imprisonment na 'yun. Pero kung hindi mo alam na piyesa, let us say alarm clock, ligtas ka naman dun sa batas.
 
On coup d'état attempts against Filipino presidents
 
MM: 'Yung mga coup d'état niyo, tatanong ko lang, do you have anything against women presidents? Kasi puro mga babaeng pangulo 'yung kinu- coup d'état niyo.
 
GH: Wala naman, Malou. Ito, hindi lang 'yung, wala akong general bias. Sinasabi ko lang, bakit may double standard? ‘Pag nakinabang ka sa pag-aalsa, okay, I’m talking about those who benefited. ‘Pag kontra sa interes mo, nawalan ka ng barya na several hundreds of millions in the stock market dahil inuga natin 'yung sistemang mali, ‘pag hindi pumabor, sa akin hindi tama 'yun. Ngayon, bakit nangyari 'yun? Aba, nung ’86, Malou, nag-iiyakan kami dahil ilan ang bibigyan ng pagkakataon at privilege of choosing the time and date of your death. Itinaya namin lahat. Lahat. Buhay, pangalan, pamilya, ranggo, position. Komportable na kami noon…
 
AC: Anong position ang in-offer sa iyo nung ‘86?
 
GH: Noong ‘86? Aba, gusto akong gawing heneral para talunan ko 'yung mga…
 
AC: Chief of Staff, ganoon?
 
GH: Hindi naman, iba. I was the youngest colonel, full colonel, in the Armed Forces at that time. Tinanggihan ko 'yun dahil sabi namin, hindi ito ang pinaglaban namin. So balik kami lahat dun sa Ministry of National Defense. Ang punto ko lang dito, Igan, is 'yung reporma sa Armed Forces, patuloy ‘yan at hindi naman ito simpleng gawain.
 
On his plans of becoming the President of the Philippines
 
AC: Senator, nag-ambisyon kang maging pangulo ng republika. 'Yun ba ambisyon mo pa din o ibinasura mo na?
 
GH: Hindi. 'Yun ang narinig ko dun sa mga nagsasabi na naghahanap ang sambayanan ng alternative. In fact, ang pruweba niyan is paano natin ipapaliwanag na tayo ang kauna-unahang tunay na independyenteng kandidato sa kasaysayan ng politika sa Pilipinas na nanalo in national elections, kung sasabihin natin. So patuloy ‘yan. This is my third term, 15 years na, independent. Although kinuha ako ng UNA coalition so kailangan may paliwanag ‘yan. In short, naghahanap ng alternatibo. At totoo ‘yan, normal na medyo maglaway ka dun sa pagkapangulo, lalung-lalo na kung pareho ang pinanggagalingan ng boto mo. Pero ako, kahit na sa panahon ng kampanya, trabaho lang muna dahil itong kampanya is not about promises. It is about record, performance, not only as a senator, but as a public figure. So sabi ko nga, kailangan tuhugin natin lahat 'yung nakaraan natin. Ano ka man noon, sundalo, rebelde, mambabatas. Ano ang tinaya mo? Hindi ito case of which lamang.
 
On why he should be elected
 
AC: Senador Honasan, bakit ikaw ang iboboto ng ating mamamayan bilang kandidato sa senado?
 
GH: Paano ko… pinaglingkuran ko 'yung taumbayan sa abot ng aking makakaya. Hindi ako masyadong nag-ingay. Hindi niyo ako masyadong mapapanood sa six o’clock news. Pero kung record ang pag-uusapan at kung ano ang tinaya ko, katulad ng teacher, ng OFW, ng traffic aide, ng nanay, aba, may taya ako. Pwede akong makipagsabayan. At ako ay handang humarap sa taumbayan pagdating ng Mayo para husgahan at tatanggapin ko ang hatol nila.
 
On his strengths and weaknesses as a legislator
 
MM: Saan po ninyo tingin na kayo ay malakas or mahina bilang mambabatas?
 
GH: Malakas ako sa puso at diwa at pagkatao ng sambayanang Pilipino na aking patuloy na pinaglingkuran, at patuloy na paglilingkuran. Mahina ako sa pagkukulang ko sa aking pamilya, dahil panahon ang pinag-uusapan dito. Matagal ko silang iniwan dahil sa tuloy-tuloy na pakikibaka sa ngalan ng prinsipyo. Ang aking maybahay ay madalas maging nanay at tatay at 'yun ang … doon ako mahina. Siguro sa mga darating na panahon, ‘pag nakabaon na din ako sa paningin ng taumbayan, ay uuwi na ako sa kanila permanently.
 
AC: Maraming salamat po, Senador Honasan. Mga Kapuso, Senador Gringo Honasan, Kandidato. –Mia Enriquez/PF, GMA News