"Ang Lumingon Sa Pinanggalingan...", dokumentaryo ni Kara David, ngayong Sabado sa 'I-Witness'
I-WITNESS
MAY 8, 2021
ANG LUMINGON SA PINANGGALINGAN...
Sino nga raw ba ang tatanggi sa pera at sa pagkakataong makapagtrabaho sa siyudad? Pero para sa ilang mga nakilala ni Kara David, magtrabaho man sila sa bundok at kumita ng kakarampot, higit na mas mahalaga ang makapaglingkod sa lupang kanilang kinagisnan.
Dahil topnotcher sa Physician Licensure Exam noong 2019, marami ang nag-alok ng trabaho kay Doc Tipoy Villarino ng Zamboanga del Norte. Dumating din ang oportunidad na makapangibambansa pero mas pinili niyang magsilbi sa liblib na bayan ng Godod kung saan siya lumaki. Naglalakbay ng madaling araw, tumatawid ng ilog at naglalakad ng ilang oras makapaghatid lang ng serbisyong medikal.
Noong 2018, nakapagtapos naman ng kursong BS Education ang Mangyan na si Losalin. Pero imbis na magtrabaho sa Calapan, Mindoro Oriental kung saan siya nag-aral, bumalik ng bundok si Losalin para magsilbing volunteer teacher sa mga batang Mangyan. Kagaya niya, mas pinili rin ni Patrick na magturo sa liblib na komunidad ng Sitio Naswak sa Bongabong, Mindoro Oriental NANG MAKAPAGTAPOS SIYA SA KOLEHIYO. Imbis na magtrabaho sa siyudad kung saan naghihintay ang mas magagandang oportunidad, hangad niyang mahikayat ang mga kapwa Mangyan na pahalagahan din ang edukasyon.
Kahanga-hangang mga kuwento ng sakripisyo at dedikasyon ang tampok sa dokumentaryo ni Kara David na “Ang Lumingon Sa Pinanggalingan...” Panuorin sa I-Witness ngayong Sabado, May 8 sa GMA-7.