'L.S.I.', dokumentaryo ni Kara David, ngayong Biyernes sa I-Witness
I-WITNESS KARA DAVID TEAM
"L.S.I."
September 4, 2020
Mula probinsya, marami ang nagtutungo ng Maynila bitbit ang kanilang mga pangarap—umaasa sa pangako ng mas magandang buhay. Pero ngayon, ang tanging hangad nila, ang matakasan ang siyudad.
Baon ang sampung libong Piso, Pebrero nitong taon nang lumuwas mula Cotabato ang beinte uno anyos na si Ebrahim. Pero nang mag-lockdown ang Maynila dahil sa pandemya --- nawalan siya ng trabaho at tirahan. Ngayon ang kalsada sa labas ng Libingan ng mga Bayani ang nagsisilbing tahanan ni Ebrahim, kasama ang mahigit limampu pang mga LSI.
Dahil hindi pa handang tumanggap ng mga galing Maynila ang karamihan sa mga probinsya, palaging nakakansela ang flight ni Mary Cris pauwi ng Dumaguete. Kabuwanan na nga raw niya at mukhang aabutan ng panganganak sa isolation facility sa CCP, na itinayo ng gobyerno para sa mga kagaya niyang LSI.
Ano kayang kapalaran ang naghihintay kina Ebrahim, Mary Cris at sa mga kagaya nilang lumuwas ng Maynila para sa magandang buhay --- pero ngayo'y walang ibang hangad kundi ang makauwi sa kani-kanilang mga buhay sa probinsya?
Panuorin ang dokumentaryo ni Kara David na “L.S.I.” ngayong Biyernes, September 4, sa GMA News TV.