'Bantay,' dokumentaryo ni Jay Taruc ngayong Sabado sa I-Witness
“BANTAY”
Dokumentaryo ni Jay Taruc
February 10, 2018
Sunud-sunod na kalamidad ang naranasan ng Probinsya ng Albay sa mga nakalipas na taon. At sa mga karanasang ito, marami nang mga pagsubok ang pinagdaanan ng mga Albayano.
Bilang isa sa mga pinaka-aktibong bulkan sa buong mundo, napapalibutan ang Bulkang Mayon ng mga bayan kung saan ang mga residente ay namumuhay at naninirahan.
At sa mga karansanang ito, hindi na bago sa mga Albayano ang paglikas at pagtungo sa ligtas na lugar tuwing may kalamidad
Isa sa mga prayoridad ng pamahalaan ay ang paglikas sa mga residenteng apektado ng kalamidad upang mailayo sa panganib ang kanilang mga buhay.
Ngunit, sa kabila ng mga planong iligtas ang buhay ng mga tao, tila may mga buhay na hindi nabibigyang pansin na ating gobyerno. Ang iligtas ang buhay ng mga bantay na aso.
Para kay Marvin, sa loob ng dalawang taong pag-aalaga niya sa kanyang asong si Princess, labis niyang inaalala ang kalagayan nito dahil bukod sa siya’y naiwang bantay sa kanilang bahay, siya rin ay buntis. Kung papipiliin si Marvin, gusto niyang ilikas si Princess sa isang ligtas na lugar kung may pagkakataon.
Para kay Nanay Salome, gusto niyang ilikas ang kanyang dalawang aso mula sa kanyang bahay na nakatirik sa danger zone, ngunit ang problema ay walang “shelter” na pagdadalhan ng kanyang mga aso.
Iba’t ibang opinyon ang nagsulputan kung dapat pa nga bang iligtas ang buhay ng mga asong ito na naiwan sa mga bahay ng mga lumikas na Albayano o iwan na lamang sila sa mga lugar na delikado.
At ito ang desisyong tila pagdedebatihan ng mga residente at ng gobyerno.
Sila ba ay dapat na ituring na “Bantay” na lamang ng mga tahanang abandonado, o may karapatan ding mailigtas ang mga buhay ng mga asong ito na nasa peligro?