'Crocodylus,' dokumentaryo ni Kara David ngayong Sabado sa I-Witness
“CROCODYLUS”
Dokumentaryo ni Kara David
July 1, 2017
Dahil madalas na kinatatakutan, karaniwang tinutugis ng tao ang mga buwaya. Pero may isang isla sa Pilipinas kung saan ang tao at buwaya – payapang namumuhay.
Sa isla ng Siargao sa Surigao del Norte, isang kakaibang adventure tour ang sinubukan ni Kara David. Sakay ng bangka, pumalaot siya sa Paghungawan Marsh para mag-crocodile watching. Ito ang ibinibidang atrakasyon ngayon sa isla bilang parte ng kanilang turismo. Sa nakalipas nga na apat na taon, nasa animnapung Philippine Crocodile na ang pinakawalan ng Department of Environment and Natural Resources sa Paghungawan Marsh upang paramihin. Kumpara sa Crocodylus Porosus o saltwater crocodile, mas maliliit ang Philippine Crocodile.
Pero ang tao nga ba ang dapat na matakot sa buwaya? Sa ngayon kasi, critically endangered na ang mga Philippine Crocodile at posibleng tuluyan na silang maubos. Ang isa sa mga itinuturong dahilan – ang patuloy na pagkasira ng mga bakawan na siyang nagsisilbi nilang tirahan.
Isang crocodile farm din ang binisita ni Kara para alamin ang mga hakbang kung paano pinararami sa kasalukuyan ang mga Philippine Crocodile.
Panuorin ang dokumentaryo ni Kara David na “Crocodylus” ngayong Sabado sa I-Witness, pagkatapos ng Celebrity Bluff sa GMA 7.