Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'PIGIL-HININGA,' dokumentaryo ni Kara David ngayong Sabado sa I-Witness


“Pigil- Hininga”

Dokumentaryo ni Kara David

May 6, 2017

Lakas ng baga at lalim ng hininga.

Ito raw ang kailangan ng mga gustong sumubok ng freediving o ang paraan ng pagsisid nang walang anumang aparato. Pero sa buong Pilipinas, ang record holder pala sa larangang ito --- ni hindi man lang dumaan sa propesyunal na pag-e-ensayo.

Si Juli Misuari - may kakayahang sumisid ng hanggang dalawandaan at animnapung talampakan. Katumbas ito ng isang gusali na may mahigit dalawampung palapag. Kaya rin niyang pigilan ang kanyang paghinga sa loob ng dalawang minuto at tatlumpung segundo.  Nagagawa rin nga ni Juli na maglakad sa ilalim ng tubig. Siya ang record holder sa Pilipinas pagdating sa freediving. Pero para sa kanya – hindi ito isang kompetisyon kundi paraan ng pamumuhay. Bilang katutubong Badjao – maagang nakagisnan ni Juli ang pagsisid at pamamana ng isda.

Pero marami sa mga kagaya niyang Badjao, napadpad na sa mga siyudad. At imbis na paglinangin ang likas na kahusayan sa pagsisid --- nauwi sila sa pamamalimos. Ano nga bang alon ang nagtulak sa mga Badjao para talikuran ang buhay sa dagat?

Panuorin ang dokumentaryo ni Kara David na “Pigil-Hininga” ngayong Sabado sa I-Witness, pagkatapos ng Full House Tonight sa GMA 7.