Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Marianas,' dokumentaryo ni Jay Taruc ngayong Sabado sa I-Witness


“MARIANAS”

Dokumentaryo ni Jay Taruc

April 22, 2017

Iilan lamang ang nakakaalam sa mga isla sa gitna ng Pasipiko maliban na lamang sa mga Pilipinong dumarayo roon para maghanap ng trabaho o kaya ay manirahan dito.

Ngunit kung magsasagawa pa ng pagsasaliksik tungkol sa mga islang ito na tinatawag na Commonwealth of the Northern Mariana Islands (CNMI), makikita ang pagkakahalintulad nito sa bansang Pilipinas. Ayon sa tala, ang kanilang mga ninuno ay nanggaling rin sa South East Asia at posibleng ang ilan sa mga ito ay galing sa ating bansa.  Kaya hindi nakapagtatakang magkahawig tayo sa itsura, kultura at pag-uugali.

Maging ang likas na yaman, karagatan at klima ay pareho rin.

Sa kasalukuyan, tinataguyod ngayon ng turismo ng Marianas ang tinatawag nilang “sports tourism” kung saan may mga aktibidad na pang lupa, pang dagat at pang himpapawid.

Sinubukan ni Jay Taruc na lumangoy kasama ang mga isda at baybayin ang mga makasaysayang ruta na dinaanan ng mga Hapon at Amerikano noong panahon ng WW2.

Ngunit kasabay ng pagtataguyod ng “sports tourism” ay ang pagpapakilala sa kasaysayan ng Marianas. Isa rito ang mga mga naglalakihang bato na pudasyon ng mga sinaunang bahay na ginawa pa umano bago pa dumating ang mga Kastila. Ang pagkabuo nito ay nananatiling misteryo.

Ilan lamang ito sa mga eksenang dapat tunghayan sa summer special ng I-Witness na mapapanood ngayong April 22, 2017, pagkatapos ng Fullhouse Tonight sa GMA 7.