'Sa mga Yapak ni Hesus,' dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo ngayong Sabado sa I-Witness
SA MGA YAPAK NI HESUS
dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo
Airing date: April 8, 11:00 PM, GMA-7

Ngayong Semana Santa, babalikan ni Sandra Aguinaldo ang mga lugar na minsang nilakaran ni Hesus, mahigit dalawang libong taon na ang nakalilipas. Kasama ang isang Pilipinong pari na siya ring Vatican attache for Cultural Affairs sa Israel, lilibutin nila ang Holy Land.
Ang kanyang spiritual at makasaysayang paglalakbay ay magsisimula sa Jerusalem kung saan makikibahagi siya sa isang pambihirang pagkakataon. Lalakarin niya ang Via Dolorosa, kung saan makikita pa rin ang mga bakas ng paghihirap na pinagdaanan ni Hesus sa kamay ng mga Hudyo. Papasukin din niya ang madilim at malalim na kuweba kung saan pinaniniwalaang dumaan si Hesus sa matinding pagmamalupit bago ipako at mamatay sa krus.
Ayon sa tradisyon, ang libingan ni Kristo sa loob ng Holy Sepulchre ang pinaniniwalaang pinaghimlayan ni Hesus. Ang mga pilgrim ay karaniwang may ilang segundo lang sa loob para magdasal pero ang grupo ng I-Witness ay mapalad na makakapag-misa sa loob ng libingan. Isa ito sa pinakamahabang pagkakataon na ang isang crew mula sa telebisyon ay nakapag lagi sa loob upang makapagbigay ng mga hindi malilimutang imahe ng pinaka-banal na lugar sa Holy Land para sa mga Kristiyano.
Dadalawin din ni Sandra Aguinaldo ang Galilee kung saan nagturo si Hesus at bibisitahin ang mga sinaunang lugar na nagmula pa sa panahon ni Kristo.
Tila ba kahit saan ka tumingin sa Israel, makikita at mararamdaman pa rin ang pamamarati ni Hesus. Binalikan ng mga sinaunang Krisitiyano ang mga banal na lugar at minarkahan ang mga ito. At ang dedikasyon ng pamahalaan ng Israel na pangalagaan ang mga makasaysayang lugar ay isa ring susi para palagiin ito. Bumalik sa nakararaan kasama si Sandra Aguinaldo, ngayong Sabado, April 8, sa I-Witness.