'Abakang Pera,' dokumentaryo ni Kara David ngayong Sabado sa I-Witness
ABAKANG PERA, dokumentaryo ni Kara David
Airing Date: March 11, 2017
Para sa isang komunidad ng mga katutubo sa Aklan, wala nang mas may halaga pa sa kanilang tanim na abaca. Ito ang nagtutustos sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, ang pambaon ng mga anak nilang nagpupursigeng makatapos ng pag-aaral.
Kabilang sa tribong Akeanon-Bukidnon ng Libacao, Aklan, ang pamilya ni Christian Colas. Sa edad na disinuebe, Grade 11 pa lamang ang binata. Sa bayan nag-aaral at namamalagi si Christian, at lingguhan kung umuwi. Para marating ang kanilang tahanan, kailangan niya munang tumawid ng labintatlong ilog at umakyat sa matatarik na bundok.
Pag-uwi, ibinubuhos ni Christian ang kanyang lakas sa pag-aani ng abaca. Kailangan niya kasi itong maibenta sa bayan para magkaroon ng panggastos sa eskuwela. Ngunit panibagong hamon ang naghihintay kay Christian sa kanyang pagbalik sa bayan: kailangang hindi mabasa ang abaca sa pagtawid ng rumaragasang ilog.
Panoorin ang dokumentaryo ni Kara David na “Abakang Pera” ngayong Sabado sa I-Witness sa GMA7, pagkatapos ng Full House Tonight.