'ER: Philippine Orthopedic Center,' dokumentaryo ni Jay Taruc ngayong Sabado sa I-Witness
“EMERGENCY ROOM: PHILIPPINE ORTHOPEDIC CENTER”
Dokumentaryo ni Jay Taruc
March 4, 2017
Mga natatarantang mukha, mga bali na katawan, at walang tigil ang palahaw ng mga bata at maging matanda ang eksenang makikita sa loob ng emergency room ng Philippine Orthopedic Center (POC) sa lungsod Quezon.
Matinding sakit ang mga nararamdaman ng mga pasyente mula sa sugat na tinamo na nagsanhi ng pagkabali ng mga buto. Naghihintay sila na maagapan ng lunas ng ospital na itinuturing na espesyalista pagdating sa mga buto.
At dahil suportado ng gobyerno ang POC, halos nubenta porsiyento ng mahihirap ang nagpapagamot dito.
Isa na rito ang labing tatlong taong gulang na si Juan. Mula Laguna, nagtiyaga sila ng kanyang ina sa mahigit tatlong oras na biyahe para lamang malapatan ng lunas ditto sa POC. Naniniwala kasi ang ina ni Juan na mas magagamot siya rito kesa sa ibang ospital.
Para naman sa pamilya ng isa mga mga biktima ng Tanay Field Trip Tragedy, ang POC daw ang magiging pansamantalang tahanan nila habang gagamutin ang beinte uno anyos na si Teodoro. Nagtamo ito ng bali sa kanyalng spinal cord at hita. Pero kahit na malala ang kalagayan, patuloy na lumalaban si Teodoro.
Sa pagdami ng bilang ng mga sasakyan sa lansangan kaakibat din nito ang kabi-kabilang aksidenteng lalo na sa motorsiklo. Ayon sa POC, taon-taon, dumarami ang bilang ng mga pasyenteng ginagamot nila dahil dito. Kaya naman napaka importante ng mga ospital na nagbibigay lunas sa mga sakit sa buto.
Ngayong Sabado, samahan si Jay Taruc at ang kanyang team sa Emergency Room ng Philippine Orthopedic Center at saksihan ang pagod at pawis ng ER medical team habang nililigtas nila ang buhay at buto ng bawat pasyente. Mapapanood ang I-Witness ngayong Sabado, pagkatapos ng Full House Tonight.