Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Body Collector,' dokumentaryo ni Cesar Apolinario ngayong Sabado sa I-Witness


“BODY COLLECTOR”
Dokumentaryo ni Cesar Apolinario
Nov. 12, 2016

 


Pagkagat ng dilim sa kalakhang Maynila, bukod sa pulisyang walang sawang nakatutok sa krimen at droga,  isa sa mga pinakaabala ang mga tauhan ng mga funeraria na kumukuha ng mga bangkay o body collectors. Sa libu-libo kasing bilang ng mga napapatay ngayon kaugnay ng kampanya ng gobyerno kontra droga, kaliwa’t kanan ang mga nirerespondehan nila  na kung hindi napatay sa operasyon ng pulisya ay itinumba ng mga hindi kilalang mga vigilante na kung minsan ay may karatula pa.

Isa sa mga pinakaabala ngayong body collector si Tatay Orly na tauhan ng funerariang katuwang ng SOCO sa CAMANAVA area. Sa dami na nga raw ng mga patay na dumaan sa kanyang mga kamay, tila pambihira raw ang sitwasyon ngayon dahil karamihan sa mga nakukuha niyang patay ay may kaugnayan sa droga. At kung tutuusin nga raw, imbes na dumami rin ang kanilang kita ay may lugi pa rin sila dahil naiimbak sa kanilang morgue ilang ang mga bangkay na ayaw tubusin ng kanilang mga kaanak sa takot na mapaghinalaan silang kasabwat din sa operasyon sa droga.

Sa mga bangkay namang ito umaasa si Nanay Hermina. Nawawala kasi ang kanyang anak na si Eric matapos dukutin ng mga hindi kilalang salarin dahil diumano sa pagiging tulak nito ng droga. Nasuyod na nga raw nila halos lahat ng morgueng nadaraanan nila, pati na mga presinto ng pulisya sa pagbabaka-sakaling buhay pa ang nawawalang anak.

Ilan lang sina Tatay Orly at Nanay Herminia sa mga mukha ng mga mamamayang apektado ngayon ng usapin ng extrajudicial killings na iniuugnay sa pinaigting na kampanya kontra droga. Sisiyasatin ni Cesar Apolinario ang iba't ibang argumento ukol sa isyung ito,  pati na ang pananaw ng mga pangkaraniwang taong naiipit sa gitna ng tila giyerang ito.

Panoorin ngayong Sabado sa I-Witness ang “Body Collector”, dokumentaryo ni Cesar Apolinario.  Mapapanood ang I-Witness pagkatapos ng Superstar Duets.