Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Sayaw ng Pag-asa,' dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo ngayong Sabado sa 'I-Witness'


“SAYAW NG PAG-ASA”

Dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo

May 21, 2016

 


Taon-taon tuwing Mayo, dinarayo ang pista ng Obando. Kilalang-kilala ang tatlong patron dito sina San Pascual Baylon, Sta. Clara at Birhende Salambao, sa mga mag-asawang humihiling na magkaanak.  May prusisyon, misa at sayawan sa loob at labas ng simbahan. Isa na itong tradisyon na daan-daang taon nang ginagawa ng mga deboto.

Nagkalat ang mga kuwento ng mga himalang nabuntis tulad na lang ni Juliana de Jesus na 12 taong naghintay ng anak.  Sinubukan nilang mag-asawa ang samut-saring fertility treatment at nagpatingin pa sa isang espesyalista sa Amerika.  Doon, sinabihan silang mayroon lamang silang  limang posiyentong tyansang magkaanak. Nag-iipon na sila ng isa’t kalahating milyong piso para sa In Vitro Fertiization nang malamang buntis na pala siya matapos magsayaw sa Obando.

 


Sa dami ng mga taong nagsasayaw sa Obando, nakagugulat malaman na marami palang mayroong infertility o hirap magkaroon ng anak sa Pilipinas. Noong 2009, idineklara ito ng World Health Organization bilang isang karamdaman. Sa kabila ng masayang selebrasyon, maraming kuwento ng sakit ng buwanang pagkabigo ang maririnig mo. Pero sa tatlong araw ng piyesta ng Obando, panandaliang maiibsan ang pagkainip sa paghihintay at uusbong muli ang pag-asa.

 


Ngayong Sabado sa I-Witness, samahang umindak si Sandra Aguinaldo at mga babaeng tulad niya, ay humihiling na mabiyayaan ng anak. Tuklasin ang mundo ng mga nangangarap maging ina at ang hirap at pait ng kanilang paghihintay, sa “Sayaw ng Pag-Asa”, pagkatapos ng Magpakailanman sa GMA.