'Kawayang Pangarap,' dokumentaryo ni Kara David, ngayong Sabado sa 'I-Witness'
“KAWAYANG PANGARAP”
USIFVF Silver Screen Award for Biography
Dokumentaryo ni Kara David
July 16, 2016
Saan nakaangkla ang iyong pangarap?
Sa kanyang edad na 35, pito na ang anak ni Joseph Liwanag. Hindi siya nakapag-aral kahit pa maaga pa lang ay mulat na siya sa mundo ng trabaho. Ngunit siya ay may pangarap. Gaya ng karamihang Pilipino, pangarap niyang mapaganda ang buhay ng mga anak, malayo sa kalagayan nila ngayon na isang kahig, isang tuka. Sabi nila, libre naman ang mangarap. Ngunit sa bawat umaga, sa kanilang paggising, hindi maikakaila ang katotohanang hindi sapat ang kita ni Joseph. Kailangan niya ang tulong ng kanyang mga anak na sina Karen, Gelyn at Mauwee para magbenta ng kawayan. Kailangan ng mga batang magbuhat ng kawayan pababa sa matarik na bundok. Sa hitsura ng halaman, parang madali itong pasanin sa balikat, ngunit ang tinabas na kawayan ay sadyang mabigat.
Ngayong Sabado sa I-Witness, kilalanin ang pamilya Liwanag, isang pamilya ng katutubong Aeta na naka-angkla ang pangarap sa kawayan. Animo’y kawayan ang kanilang pamilya: matiisin at sunud-sunuran sa direksyon ng malakas na hangin. Kahit masakit para sa ama ang makitang nagtatrabaho ang mga anak, maaaring ito lamang ang paraan upang sila’y mabuhay. May puwang pa ba para sa kanilang pangarap?
Mapapanood ang “Kawayang Pangarap”, ang dokumentaryo ni Kara David na nanalo ng Silver Screen Award (Biography) sa 2016 US International Film and Video Festival 2016, ngayong July 16, 2016 sa GMA 7 pagkatapos ng Lip Sync Battle Philippines.