Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Mga pari na may asawa't anak, tampok sa dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo sa 'I-Witness'
“PADRE de Familia”
Dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo
Jan. 24, 2015
Sa isang maliit na kapilya sa Iloilo, tatlong paring Katoliko ang naghahanda para sa binyag. Suot ang kanilang mga puting sutana, hinarap nila ang kanilang mga pamilya at kaibigan. Pero hindi ordinaryong binyag ito dahil dinagsa sila ng mga mamamahayag mula sa diyaryo at telebisyon, hindi lang sa Pilipinas kundi pati sa ibang bansa. Dalawa sa mga pari, sina Father Elmer at Father Hector ay mismong mga tatay ng mga batang bibinyagan sa araw na iyon. Ang paring magbibinyag, si Father Jess, ay ama rin sa dalawang bata.
Sa simbahang Romano Katoliko mahigpit na ipinagbabawal ang pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak ng mga pari. Pero sa araw na ito, tatlo sa kanila ang lumantad para iparating ang kanilang kampanya na bigyang laya ang mga paring nais mag-asawa.
Hindi naging madali para sa tatlong pari ang kampanyang ito. Tinanggalan sila ng mga parokya. Nasubukan din nilang itakwil ng kanilang komunidad. Pero sa labas ng Iloilo, nakahanap sila ng isang lugar kung saan tila tanggap ang kanilang kalagayan. Dito, patuloy silang nagmimisa na kadalasan sariling mga anak nila ang nagsisilbing sakristan. Ipinatatawag din sila para magkasal at magbigay ng huling dasal para sa mga yumao.
Habang nagmimisa, tila wala silang pinagkaiba sa ibang mga pari. Pero pagkatapos, hindi sila sa kani-kanilang parokya umuuwi kundi sa kanilang asawa at mga anak. Kailangan na rin nilang magtrabaho para may pagkakitaan.
Sa mata ng simbahan, hindi makatotohanan ang kanilang selebrasyon ng misa. Inaamin ng mga kinatawan ng simbahang Katoliko na bagamat ang hindi pag-aasawa ng mga pari ay isang disiplina at hindi batas ng Diyos, ang pagkakaroon ng asawa at mga anak ay isang mabigat na paglabag sa kaparian.
Ngayong Sabado sa I-Witness, kikilalanin ni Sandra Aguinaldo ang mga paring patuloy na ipinaglalaban ang halos isang libong taong nang pakikibaka kontra sa tradisyon ng simbahan para sa karapatan nilang maging ama, di lang sa kanilang mga parokyano kundi sa kanilang sarilang mga anak. Abangan ang “Padre de familia”sa GMA-7, pagkatapos ng Celebrity Bluff.
Tags: prstory, optionalcelibacy
More Videos
Most Popular