Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Cannonball', dokumentaryo ni Jay Taruc, ngayong Sabado sa 'I-Witness'




"CANNONBALL"
Dokumentaryo ni Jay Taruc
January 17, 2015

Labing dalawang oras. 500 kilometro. Isang motorsiklo!
 
Sa pagbubukas ng taon, isang natatanging pagsubok ang kahaharapin ni Jay Taruc sa I-Witness.
 
Sa loob ng labinlimang taon ng pagmomotorsiklo, hindi lang sa iba't ibang panig ng Pilipinas kundi pati na rin sa ilang bansa sa Asya at Europa, ngayon lang masusubok ni Jay na sumali sa isang "endurance" run o karera kung saan ang kalaban mo ay ang sarili mong katatagan.
 
Ito ang kauna-unahang "Cannonball" ---isang motoring event kung saan bibigyan lang ng 24 o 12 oras ang isang kalahok na nagmamaneho ng kotse o motorsiklo na tapusin ang isang libo o limandaang kilometro. 
 
Sa tinatawag na "Northern Loop" o hilagang bahagi ng bansa magaganap ang Cannonball. Simula sa Angeles, Pampanga, dadaan ito ng Tarlac, aakyat patungong bulubunduking bahagi ng Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, hanggang sa makatawid ng Cordillera sa Baguio, bago bumalik ng Pampanga muli para sa Finish Line.
 
Sasama si Jay sa isang grupo ng scooter riders na karamihan ay gaya niya rin na bagito sa endurance run. Masusubukan dito ang kanilang katatatagan sa pagmamaneho.
 
Hindi madali ang endurance run dahil maraming maaaring mangyari sa lansangan. Nariyan ang masiraan ng sasakyan, maaksidente o panghinaan ng katawan.
 
Bukod sa grupo nina Jay, marami pang ibang sumali sa Cannonball mula sa iba't ibang parte ng Luzon. Marami ring kababaihan na susubok sa hamon ng endurance run. 
 
Ano ang mangyayari kay Jay sa Cannonball? Huwag magpapaiwan ngayong Sabado, January 17, 2015, at saksihan ang makapigil hiningang adventure na ito sa I-Witness!