Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'Hindi Bulag ang Puso,' dokumentaryo para sa ika-15 taon ng 'I-Witness,' mapapanood sa Nob. 15




“HINDI BULAG ANG PUSO”
Dokumentaryo ni Kara David
15th Anniversary Special
November 15, 2014

Labinlimang taon na ang nakalilipas mula nang binuo ng GMA News and Public Affairs ang kauna-unahang dokumentaryong programa sa bansa: ang I-Witness.
 
Sa loob ng labinlimang taon, humigit kumulang 800 istorya na ang nagawa ng programa—lahat ng ito, layon ang maisawalat ang katotohan sa mundong ginagalawan natin at para magsilbing boses ng mga tao sa loob ng kuwento ng programa. Kahit paano, ang ilang dokumentaryo ng I-Witness ay hindi nagtapos lang sa closing billboard ng programa, kundi nagpatuloy pa ito at naging kuwento ng pag-asa at pagbabago.  May tulong na dumating para sa ilang mga kuwento ng I-Witness.
 
Sa pangunguna ng mga beteranong mamamahayag na sina Howie Severino, Sandra Aguinaldo, Jay Taruc at Kara David, ngayong Nobyembre, gugunitain ng I-Witness ang ika-15 anibersaryo nito sa pamamagitan ng isang serye, simula Nobyembre 15.  Una sa serye ang dokumentaryo ni Kara David tungkol sa isang guro at kanyang mga estudyante sa Norte:
 


 
Sila ay may pangarap. At kailangan nila ng pagkakataong tuparin ito.
 
Dalawampu’t anim na taon nang nagtuturo si Martha Bitaga. Gaya ng ibang guro, nais niyang mapabuti at makatayo sa sariling mga paa ang kanyang mga estudyante. Hindi ito madali. Maraming hamon sa kanilang pagkatao, mga balakid sa labas ng silid-aralan. Sa bawat pagkakataon, kailangang maging handa. Bihira ang oportunidad para sa mga gaya nilang hindi nakakakita.
 
Naaalala pa ni Nexiemar Abilang kung ano ang kanyang nakita noong maayos pa ang kanyang paningin: mga bulaklak. Sa edad na labing-isang taong gulang, ngayo’y maulap na ang kanyang mga mata. Ang bulaklak na dati’y nakikita, inihulma na lamang niya sa isang luwad. Madilim na ang mundo ng bata, ngunit maliwanag ang kanyang pangarap. Gusto niyang maging guro sa kanyang pagtanda.
 
Sa ika-15 na taon ng I-Witness, bibisitahin ni Kara David ang isang paaralan kung saan ang pangarap ay higit sa pagtanaw. Paano mo tuturuan ang mga hindi nakakakita, ang mga bulag na itinuturing ng ilan na “pabigat”? Paano mo babaguhin ang buhay ng may kapansanan?
 
Mapapanood ang dokumentaryo ni Kara David, “HINDI BULAG ANG PUSO”  sa I-Witness (GMA7), ngayong Sabado, ika-15 ng Nobyembre, 10:30pm pagkatapos ng Celebrity Bluff. Para sa mga komento, i-tweet si Kara David (@karadavid) at ang I-Witness (@IWitnessGMA), #IWitness15.