Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Pinoy doomsday 'preppers', tampok sa 'I-Witness'






"PINOY PREPPER"
DOKUMENTARYO NI SANDRA AGUINALDO
OKT. 25, 2014; 10:30 PM


Nagbabago na ang ating mundo. Madalas na nating nararanasan ang mga mala-delubyong kalamidad. Mabilis na kumakalat ang mga sakit na kumikitil ng maraming buhay. Kakaiba na ang bantang hinaharap ng tao ngayon. 
 
Dito sa Pilipinas, nararanasan natin ang malalakas na bagyo, lindol, at kung anu-ano pang sakuna. May mga pagkakataon na ang mga apektadong komunidad ay walang pagkain, tubig, gamot, gasolina, kuryente, pati na ang seguridad. Bawat tao para sa sarili, para lang mabuhay. Pero may mga naniniwalang hindi kailangang humantong sa ganito. Sila ang mga tinatawag na “preppers”. 
 
Si Duds Santos, isang doktor at pulis ay ilang taon nang naghahanda. Nakaipon na siya ng pagkain, armas, at mga makabagong kagamitang medikal at pang komunikasyon. Naihanda na niya ang mga ito sa kaniyang bahay, opisina, sasakyan at dalawa pang tirahan sa labas ng Maynila. Buong pamilya niya, kasama na sa paghahanda. May mga plano na rin sila kung paano makaliligtas kung sakaling magkaroon ng malaking kalamidad.  Sinadya nilang tumira malapit sa riles ng tren at nagsasanay na rin ang kanyang siyam na taong gulang na anak sa paghawak ng baril.    
 
Si Maury Ocampo, tinatawag ang sarili na isang “survivalist”. Maliban kasi sa paghahanda, dinesenyo niya ang kanyang lupa sa probinsya na maging kumpleto sa lahat ng kakailanganin para mabuhay.   Nagtatanim siya ng mga halaman para sa pagkain at gamot. May sarili siyang mapagkukunan ng tubig at kasama ang ilan pang kaibigan, nagsasanay siya sa iba’t ibang “survival skills”. 
 
Papasukin ni Sandra Aguinaldo ang mundo ng mga taong namumuhunan ng maraming pera at panahon sa kanilang paghahanda. Mapapanood ang “Pinoy Prepper” ngayong Sabado sa I-Witness, pagkatapos ng Celebrity Bluff.
Tags: prstory, preppers