Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga bayang lubog sa baha, dadayuhin ni Jay Taruc sa 'I-Witness'




“WATERWORLD”
Dokumentaryo ni Jay Taruc
October 18, 2014


Mahigit isang dekada nang naninirahan si Tatay Venancio sa komunidad na lubog sa katubigan. Ang kanyang bakuran ay puno pa rin ng tubig mula sa mga nakaraang baha.
 
Pero noong mga nakaraang dekada, ibang-iba ang kanilang  komunidad.  Mula raw nang pumutok ang Mt. Pinatubo ang buhay nila ay tuluyan nang naiba. Ang mga palayan at tuyong lupa noon, tila ba sa alaala at kuwento na lang mabubuhay. Ang mga dating sakahan, naging mga palaisdaan .
 
Para sa gurong si Olive, na taga-Calumpit, Bulacan, ang ingay ng mga tricycle sa kalsada, napalitan ng tunog ng mga bangka. Sa kanilang barangay kasi, mga bangka ang bagong hari ng kalsada. Bagamat marami nang lumisan sa kanilang lugar, marami pa ring nagtitiis.
 
Sa ilang mga  barangay sa Bulacan at Pampanga, namumuhay sa binahang  komunidad ang  mga residente. Ang mga kalsada, napalitan ng mga tulay na kahoy.  At ang mga palayan, naging malawak na katubigan na.
 
Mahigit isang dekada na rin ang  lumipas mula nang pag-aralan ng mga eksperto ang unti-unting paglubog ng lupa... at ang nakababahala, hanggang ngayon, walang-awat ang paglubog ng ilan sa mga ito.
 
Sa katunayan may pag-aaral na malaking bahagi ng bansa ang lulubog at  hindi na muling masisilayan pa sa susunod na siglo, kabilang dito ang ilang lugar sa Metro Manila. Kapag nangyari ito, handa na kaya tayo?
 
Mapapanood ang dokumentaryo ni Jay Taruc na “WATERWORLD” sa I-Witness ngayong Sabado, Oktubre 18, 2014, 10:30 PM, pagkatapos ng Celebrity Bluff sa GMA.
Tags: prstory